Si Unggoy at si Matsing.

diwa's picture
| |

SI Unggoy at si Matsing

09 Marso 09

Matalino man daw ang matsing,

Matsing pa rin! 

 

Isang maiinit na tanghali, tahimik na naglalakad sa kagubatan si Kiko, ang unggoy. Naghahanap siya ng makakain. Dito sa kagubatan, sagana sa mga prutas at iba pang pagkain ng mga unggoy na katulad niya. Kumakalam na ang sikmura niya.

Sa di kalayuan, natagpuan na rin niya ang hinahanap niya. Sa gitna ng makapal na kakahuyan, may isang malaking puno ng langka. Hitik ito ng mga bunga na mabangung-mabango na sa kahinugan. Sa ilalim nito nagkalat ang ilang bungang nalaglag na sa puno. Parang nawala ang pagod ni Kiko sa mahabang paglalakad.

Natakam siya at nagmadali nang puntahan ang puno.Paakyat na siya sa puno nang mabulaga siya ni Damaso, ang matakaw na sawa, na nakatago lang pala sa likuran ng puno.

Matagal nang perwisyo si Damaso sa kagubatang ito, lalo na para sa mga tulad ni Kiko. Hindi lang iilan ang naging biktima ng malupit na sawa.

Akmang sasakmalin na siya nito nang mabilis siyang lumundag. Lumampas sa kanya ang malaking bunganga ng sawa.

Mahaba ang sawa. Pagbagsak uli ni Kiko, napaupo siya sa likod nito at napasama sa paggulong sa lupa. Nagpambuno ang dalawa sa alikabukan. Mabilis na nakapulot ng bato si Kiko na inihampas nito sa ulo ng sawa. Pero sadyang malakas ito at hindi madaling tablan. Nilingkis siya at unti-unting dinurog. Patuloy si Kiko sa paghambalos ng bato. Naramdaman niyang kahit papaano, unti-unting nanghihina ito sa kanyang ginagawa. 

Sa wakas, nakapiglas si Kiko sa pagkakalingkis. Pagod na ang dalawa. Nagkatitigan sila. Walang kumikibo. Bawat isa’y sinasamantala ang pagkakataon na magpahinga at makabawi ng lakas; ang isa para sa muling pagsalakay, at ang isa’y para makatakas. Sinukat nila ang isa’t isa. Kapwa naghahanap ng kahinaan ng kabila. 

At mula sa kawalan, may estrangherong lumitaw. Pumagitna ito sa dalawa. Isang ibon, malaking ibon, isang agila! Humarap ito sa sawa, ibinuka ang mahiwagang pakpak, pati ang balahibo sa leeg, nagpukol ng matatalim na titig sa sawa, saka humuni ng malakas:

“Haaakkkk!”

Nasindak ang sawa sa kamangha-manghang pagpapakita ng lakas ng agila. Napaatras ito at yumukod sa estrangherong dumating. Alam niyang wala na siyang laban ngayon dahil sa matinding hambalos na tinamo niya sa unggoy. Alam niyang kahit hindi dumating ang mahiwagang ibon, magagapi na rin siya ng matalinong unggoy.

Wala nang nagawa ang sawa kundi ang umalis. Buong giting na binawi na ng agila ang kanyang pakpak habang hindi nilulubayan ng tingin ang papalayong sawa. Nang matiyak nitong wala na, saka nilingon ang unggoy. Napanganga sa paghanga si Kiko.

“Sa-salamat,” ang nasambit na lamang ni Kiko.Hindi tumugon ang agila.

Nilinis lamang nito ang mga balahibo gamit ang ginintuang tuka na ubod ng talim.

Nang medyo nakabawi na sa pagod at pagkakamangha sa agila, nagawa na rin ng unggoy na makapagsalita nang maayos.

“Ano nga palang pangalan mo? Ako si Kiko. Diyan lang ako nakatira sa isang kweba sa gilid ng bundok.”

“Ako si Sam. Saan ba kamo ang sa inyo?” sumbat ng agila.

“Dito. Halika, isasama kita. Hayaan mong makabayad ako sa tulong mo.”

Buong kasiyahang itinuro ni Kiko ang daan papunta sa kanyang kweba. Tinanaw niyang malaking utang na loob ang pagkakaligtas ng agila sa kanya. Balak niya itong alayan ng anumang mayroon siya.

Sa likuran, marahan ngunit sigurado sa sarili na sumusunod si Sam na waring isang hari. Matipuno ang katawan nito. Kulay kamagong ang mga balahibo nito sa katawan na kumikinang sa kintab. Sa leeg naman nito hanggang ulo, kulay ulap na balahibo. Ang mga mata niya’y kasing bughaw ng kalawakan sa isang maliwanag na araw; wala itong ibang ipinapakita kundi kapahamakan para sa sinumang magkakamali. Bukod sa ginintuang tuka, taglay rin niya ang matatalim na kukong walang hirap na hihiwa kahit sa balat ng kalabaw. Hindi kataka-taka na nang ipamalas nito ang buong tikas kanina, wala nang nagawa ang kawawang sawa.

Pagdating sa kweba ni Kiko, kinilatis ito ng bisita. Sinuri ang buong palibot. Tiningnan niya ang sahig, medyo maalikabok, pero pwede na, sa isip ng agila. Sa gitna, may tungko kung saan nagluluto si Kiko at nagsisilbi na ring pampainit kapag malamig ang gabi. Sa huli, tumango-tango ang agila.

“Pwede na,” wala sa isip na nasambit ni Sam.

Hindi naintindihan ni Kiko. Tatanungin na sana niya ito nang muli itong magbuka ng tuka.

“Kailangan ko ng matutulugan. Maari ba akong matulog dito, ha, KAIBIGAN?” na nanlisik pa ang bughaw na mata habang binibigkas ang huling salita.

Hindi nakatanggi si Kiko. Paano nga naman siya tatanggi sa hayop na nagligtas sa kanya kanina? Ngayon pang napalayas na ang kilabot na si Damaso. Pumayag si Kiko, inialok pa ang mismong higaan niya na tinipong dayami. Inalok din niya ito ng mga prutas.

“Ano ang mga iyan?” tanong ng agila.

“Mga prutas. Saging, mangga, abokado, at marami pang iba. Masarap ang mga ito,” nakangiting alok ni Kiko sa isang kaing ng prutas.

Tinikman ni Sam ang mga ito. Saging, nasarapan siya. Mayroon din nito sa kanila pero mas matamis ito sa mga natikman niya. Ang abokado, kakaiba ang lasang nalasap niya sa kanyang dila. Nagustuhan niya rin ang iba pa. At panghuli ang mangga. Hindi niya maipaliwanag ang linamnam. Ngayon lang siya nakatikim ng ganitong prutas. Sa lahat ng tinikman niya, ito ang pinakamasarap,at marahil mas masarap pa sa dala niyang prutas. 

Pero pilit itinago ni Sam ang galak sa masasarap na prutas.

“Hmm, pwede na. Pero wala ba kayo ng prutas na pinakamasarap sa lahat tulad nito?” Ipinakita ni Sam ang isang pulang-pulang mansanas.

Namangha ulit si Kiko sa kaharap. Ngayon lang siya nakakita niyon. At mistulang nadala siya ng mga salita ng agila sa sarap ng prutas na ito. Natakam siya. Naala niya tuloy na hindi pa siya nakakain kanina. Aabutin na sana niya ang prutas nang bawiin ito ng agila.

“Pero,” bawi ng agila, “hindi ito pwede sa iyo. Gusto ko man kitang bigyan ay hindi pwede.”  Sabay kagat nang malaki sa mansanas.

“Pero bakit?” nagtatakang tanong ni Kiko.

“Dahil ito ay mahiwagang prutas na para lamang sa isang agilang tulad ko. Pero kung magiging magkapareho tayo, baka sakaling bigyan kita.” paliwanag ni Sam. 

Wala nang nagawa si Kiko kundi ang sumubo ng nakuha niyang mga saging.

***************

 

Dahil sa pagod, tinanghali ng gising si Kiko kinaumagahan. Pagtingin niya sa paligid, wala na sa higaan si Sam. Paglingon niya, nakita niyang ubos na ang mga prutas sa kaing kagabi. Sa labas niya dinatnan ang bisita niya.

Nagugutom na siya. Nagpaalam muna siya sa kanyang bisita at mamimitas muna ng mga prutas.

“Ah,” ani Sam, “matalinong unggoy. Ganyan nga, kailangan natin ng mga prutas.”

Tanong ni Kiko, “hindi ka pa ba tutuloy ngayon?”

“Baka dito muna ako habang iniisip ko pa ang pupuntahan ko.”

“Kung gusto mo, sumama ka sa akin sa pamimitas.”

“Pero, Kiko, hindi mo ba naisip na kailangang may magbantay dito sa bahay mo? Gusto ko mang sumama, kailangang may maiwan.”

“Oo nga pala. Sige aalis muna ako.” Pagsang-ayon ni Kiko sa mungkahi ng bagong kaibigan.

Makalipas ang ilang oras, nagbalik si Kiko dala ang isang buwig ng saging. Inalok niya ito kay Sam, bago nagpaalam na kukuha muna siya ng tubig sa may ilog.

Pagbalik mula sa pag-iigib, nagulat si Kiko. Halos ubos na ang saging at isang piling na lang ang natira. Sa tabi nito nakahilata ang nabundat na agila sa kabusugan.

“Ah, hindi man katulad ng mansanas, masarap na rin ang prutas mo dito.”

Hindi nakaangal si Kiko sa kanyang bisita. Hindi pa rin niya nakakalimutan ang utang na loob niya dito. 

*****************

Isang araw lumapit sa kanya si Sam.

“Kaibigan,” sabi ni Sam, “masasarap ang prutas mo dito, pero alam mo kasi kaming mga agila...e kailangan din namin ng karne.”

“Ah, ganun ba?” Napaisip si Kiko.“ May alam ako sa malapit. Isang pagong!” buong pagmamalaking anyaya niya sa kaibigan.

“Gusto mo hulihin natin?”

“Ah, Kaibigan, nakalimutan mo na ata. Gusto ko mang sumama pero kailangang--”

“Oo nga pala.” Alam na ni Kiko ang ibig sabihin ni Sam.

Katulad ng dati mag-isa na lang itong lumakad. 

*********************

Sa itaas ng puno ng kaymito, natanaw ni Kiko ang hinanap. Sa tabi ng ilog, payapang namamahinga si Pong, ang pagong. Plinano ni Kiko ang kanyang gagawin. Inisip niya na hindi siya mahihirapan dito dahil mabagal naman ang pagong. At hindi nga siya nagkamali. Kahit nakita pa siya nitong papalapit, hindi na ito nakatakbo pa patakas.

“Huli ka!”

“Teka, ano bang kailangan mo?”

Bago pa man makasagot si Kiko, bigla itong kinagat ni Pong. Nabitawan niya ang pagong na mabilis na nagtago sa kanyang bahay. Gumulong ito sa lupa pero hindi siya naano. Sa galit, pinulot ito ni Kiko at ibinalibag ulit sa lupa. Tumilapon ito sa malayo.

Pero laking gulat niya ng lumitaw ulit ang ulo ni Pong at tatawa-tawa pang nanghahamon sa kanya.

“Hahaha," sabi ni Pong, "hindi mo ba alam na hindi ako nasasaktan sa loob ng bahay ko?”

Pinulot ulit siya ni Kiko, bago umakyat ng mataas na puno. Mula sa itaas, malakas na inihagis ni Kiko pabagsak ang pagong. Ngunit kahit anong taas ng pagkakabagsak, nagtago lang sa loob ng bahay niya ang pagong at hindi naano.

Mabilis na nag-isip ng paraan si Pong kung papaano makakawala sa unggoy. Alam niyang hindi niya matatakbuhan ito. Biglang naalala niya.

“Hahaha,” pang-aasar ni Pong, “hindi mo ako kaya. Matigas ang bahay ko. Kahit ilaglag mo ako nang mataas, basta huwag lang sa tubig.”

Lumiwanag ang mukha ni Kiko. Nadulas ang pagong sa kanyang sinabi. Kapag hinulog niya sa ilog, lulubog ito at malulunod. Ngayon, alam na niya ang gagawin. 

Dinampot niya ulit ang pagong saka ihinagis nang malakas sa gitna ng ilog. Pero lalong nagulat si Kiko nang nakitang lumitaw sa tubig ang pagong.

“Haha!” matagumpay na bulalas ni Pong. “Hindi lang ako matigas, matalino rin.”

Biglang nakaramdam na ng pagod si Kiko hindi lang dahil sa pagbalibag sa pagong sa lupa, kundi dahil din sa kabiguan at sa katotohanang nalinlang siya ng tusong pagong.

“Sabihin mo nga,” pahabol ni Pong, “bakit mo ba ako hinuhuli?”

“Gusto kang kainin ng kaibigan ko.”

“Kung gusto akong kainin ng kaibigan mo, bakit ikaw ang nandito?”

“Kailangan kasing may magbantay sa bahay ko.”

“At naniwala ka naman sa iyong kaibigan.”

“Hindi ko kailangang magpaliwanag sa iyo!”

“Kawawang unggoy, hindi lang pala ako ang nakalinlang sa’yo. Mas tuso pa pala sa akin ang kaibigan mo.” At malakas na humalakhak papalayo ang pagong. 

*********************

Kinabukasan, wala pa ring tigil sa kasesermon ang agila kay Kiko dahil sa hindi nito pagkakahuli sa kanyang pagkain.

“Akala ko pa naman,” sambit ni Sam, “na pwede na kitang bigyan ng prutas na mansanas.”

Napayuko lamang si Kiko.

Naputol ang pangangaral ng agila nang biglang lumitaw si Damaso, ang sawa.

“Andito pa pala ang iyong bisita, unggoy?” mayabang na pagtatanong ng sawa.

Nakabawi na ito ng lakas at handa na ngayong makipagtuos kay Kiko. Sa tingin niya’y kaya na rin niyang harapin ang mahiwagang ibon.

Dinamba ni Damaso si Kiko na nasurpresa. Nilingkis niya ito.Pumiglas si Kiko at nakatakas sa nakamamatay na lingkis ng sawa. Mabilis siyang pumulot ng kahoy at malakas na hinambalos sa ulo ang kalaban.

“Tulong,” pagsusumamo ni Kiko, “kaibigan. Tulungan mo ako!”

Pero hindi siya pinansin ng agila. Nag-ayos lamang ito ng kanyang balahibo sa pakpak na wari’y walang nangyayari sa kanyang kaibigan.

Hindi maintindihan ni Kiko kung bakit hindi siya tulungan ng agila tulad ng una nitong ginawa. Wala na siyang magawa, mag-isa na lang niyang hinarap ang sawa. Muling nagpambuno ang dalawa. Ngunit mabilis kumilos si Kiko at laging nakakatakas sa pagkakalingkis ng sawa. Sa tuwing makakatakas, hinahampas niya ito sa ulo.

Sa wakas, nanghina na ang sawa. Hindi na ito halos makaangat ng ulo. Hahatawin na sana ulit ni Kiko para hindi na makabangon ulit ang sawa nang biglang dumagit paibaba ang agila at sinunggaban ang ulo ng sawa. Bumaon ang mga kuko ng agila. Inilipad niya ang sawa paitaas sa ibabaw ng ilog at doon inilaglag. Pagkatapos, binalikan niya si Kiko sa kweba.

“Tsk,tsk, tsk,” ani Sam, “Kiko. Paano ka na lang kung wala ako.”

Hindi makatingin nang diretso si Kiko. Kailangan niya ulit tumanaw ng utang na loob sa agila.

“Pero--” sambit ni Kiko.

“Walang pero-pero. Kung hindi kita iniligtas, malamang nakain ka na ng sawa.”

Hindi na nakasagot ulit si Kiko.

“Teka,” singit ni Pong, ang pagong, “Kiko. Hanggang ngayon ba, nagpapaloko ka pa rin?”

Kanina pa pala nakatayo doon si Pong at napanood ang buong pangyayari.

“Ikaw ang nakatalo kay Damaso.”

“Tumahimik ka!” sigaw ni Sam.

Nilipad ni Sam ang pagong at dinakma sa kanyang bahay. Mabilis namang nagtago sa loob ang pagong para maiwasan ang matatalim na kuko ng agila.

“Ikaw pala ang aking pagkain ngayon? Mabuti naman at dumating ka.” At inilipad paitaas ni Sam si Pong.

Mula sa langit, biglang bumulusok pababa ang agila. At sa huling sandali, inihulog pababa ang pagong bago pumailanlang ulit. Kahit nasa loob ng bahay, nahilo si Pong sa lakas ng pagkakahampas niya sa lupa.

Hindi kaagad nakakilos si Kiko. Masyadong mabilis ang mga pangyayari. Hindi niya maalis sa kanyang isip ang sinabi ng pagong sa kanya. Nakita niya ang kawawang pagong sa lupa. Sa itaas nito, akmang mandadagit ulit ang agila. Parang kidlat ang kanyang naging kilos. Hinabol niya ang agila. Nang madakma na nito ang pagong at papalipad na ulit sana pataas, nahablot ni Kiko ang balahibo sa buntot ang agila. Nabigla ang agila at bumigay ang suot na balahibo ng agila. Napunit ang ulunan, umabot sa likod, at nahubaran.

Nagulat sina Kiko at Pong sa kanilang nakita. Hindi sila makapaniwala. Buong mangha nilang tinitigan ang mga balahibong wala na ngayong laman. At sa di kalayuan....

“Wahaha!” ang magkasabay na palahaw ng tawa nina Pong at Kiko.

“Akala ko isa kang mahiwagang ibon, isa ka lang rin palang...wahahaha!” malakas na halakhak ni Kiko.

Sa harap ng pagong at unggoy, nakalupasay ang isang kaawa-awang nilalang. Lagas-lagas na ang puti nitong buhok sa buong katawan at ulo, ngunit panot na ang tuktok nito. Tagni-tagni rin ang balat ng mga galis. Wala na ang ginintuang tuka, sa halip ay laylay at kulu-kulbot na nguso. Sa loob nito ay nangingitim na mga ngipin at gilagid. May pingaw pa ang isa sa dalawang pabilog na tenga sa ibabaw. Wala na ang mahiwagang pakpak, at pinalitan ng payat na mga brasong tila hindi na kayang pambitin sa puno. Gayundin ang matatalas na kuko; makikita ngayon doon ang umaalingasaw na mabahong paa. At ang buntot ay baliko sa dulo. 

Labis na napahiya, tumalikod at lumakad na palayo ang tusong matsing.    

Diwa_Ng_Dimagiba

Unang maikling kwento ko ito na alay sa mga mambabasa ng FW.