Si Willie Revillame, Si Pres. Arroyo, Si Dating Pres. Aquino at Ako
Apat na taon na rin ang lumipas ng huli akong mapunta sa masikip na palengke ng Karuhatan sa Valenzuela. Kung hindi nga lamang dahil sa sarap na tindang atsara ni Aling Tasing ay hindi ako makikipagsiksikan sa lugar na iyon. Gusto ko rin kasing ipatikim ito sa mga pinoy na kasama ko sa trabaho sa Dubai.
“Uy…kailan ka dumating?” Ang nakakasawang tanong na pambungad ng mga taong muling nakakakita sa akin na katulad ni aling Tasing. Wala pa rin siyang pinagbago bukod sa nadagdagan na ang mga gitling sa mukha niya na siyang namang nagpahalata sa pagdadagdag naman ng edad niya. Ganuon pa rin siyang manamit sa makulay na daster na nabibili niya sa Divisoria ng dalawa isang daan noong nasa sekondarya pa kami ni Marlon. Malamg iba na ang presyo ngayon dahil hindi na kakikitaan pa na bago na ang sinusuot niya.
“Tatlong-linggo na po at pabalik na nga po ako sa isang araw ng Dubai eh. Sinadya ko lang po ‘yang masarap na paninda ninyo.”
“Ay s’ya sige at pakyawin mo na itong lahat iho at bibigyan kita ng diskwento.” Masayang pagkakasabi nito dahil alam kong nagmamadali rin ito palaging makauwi dahil sa dami ng anak at apo na inaalagaan niya.
“Kamusta na ho si Maarlon?” pag-usisa ko sa kanya.
“Eh tatlo na ang anak at sa awa ng Diyos ay maytrabaho naman diyan sa LTO.”
“Talaga ho…sige ho at sasama ho ako sa inyo sa pag-uwi kasi expired napo ang lisensya ko eh. Nawala ko ho kasi ‘yung luma kong resibo kaya hindi nila ito mabago.”
“Tamang-tama at pauwi na iyon para mag-tanghalian ngayon.”
“Tara po at tulungan ko na kayo sa mga bitbit nyong bayong.”
Kahit mainit ang panahon ay nagpuputik pa rin ang masikip at butas-butas na kalye patungo sa likod ng palengke. Hindi mo masabi ang dahilan ng pagbaha kung dahil sa baradong drainage na tila hindi nakikita ng mga tao sa baranggay o sa butas na tubo ng tubig na tumatagas duon. Kitang-kita ko pa rin ang mga pagkayamot sa mukha ng mga taong nanunulay sa maliit na kahoy na sadyang inilagay upang maging apakan at sa dulo nuon ay naroon pa rin ang dating mga kabataang nakahubad. Naniningil ng piso-piso na tila naging toll-gate kagaya ng makikita sa SLEx o NLEx.
“O pamangkin ko ‘yan ha kaya libre na s’ya,” paumid niyang tugon sa may hawak ng lata na dati’y lalagyan ng gatas na ginagamit ko nuon sa samporadong luto ni inay.
“Salamat po!” sabi ko at napakamot sa ulo na lamang ang lalaking nakahubad. Naulinigan kong babawi na lamang siya sa susunod na tatawid.
Itinulak na ni aling Tasing ang kalawanging yero na nagsisilbing pananggalang sa mga mata ng tsismoso’t tsismosang mga kapitbahay at maging pinto na rin. Hindi mo naman masasabing pangharang sa magnanakaw dahil katulad ng dati’y wala naming bagay na mapag-iinteresan akong nakikita kundi ang lumang TV na pinagkakaguluhan ng mga bata na nakalugmok sa linolyom na sahig.
“Uy, bigyan n’yo ng upuan ang bisita.” Utos ni aling tasing sa hindi matinag na mga batang nanonood ng wowowie.
Sakto namang nakita ko kung papano pinahahawi ni Willie Revilliame ang maliit na screen na inuukupa ng balita tungkol sa pag-hahatid sa dating presidente ng bansa. Galit ito kagaya ni aling Tasing na binubulyawan ang mga bata upang makaupo ako ng maayos sa masikip na sala, hoy mga wala kayong paggalang ah...bigatin 'yan. Sabi pa niya sa walang kibong mga paslit.
“Dito na po kayo,” ang mabilis na tugon ng pinakamaliit sa kanila.
“Antayin mo na si Marlon at paparating na iyon. Baka kasi magalit dahil hindi pa ako nakasaing. Dito ka na rin kumain.” ani ni aling Tasing.
Napaisip ako kung ano naman kaya ang ipauulam niya sa akin. Kagaya pa rin kaya siya nuon na sinasaid ang baldeng bigasan o naglulugaw na lamang upang hindi na problema ang ulam. Kagaya pa rin kaya siya ng mga taong napapanood ko sa programa ni Willie na umiiyak at nagdradrama upang maabutan ng malaki kagaya ng pagdradrama niya nuon sa tindahan sa tapat upang makautang ng isang lata ng sardinas.
Malamang may pagbabago na rin naman siguro dahil nakatutulong na ang panganay niyang anak sa kanya sa pagtratrabaho. Pero napapaisip din ako dahil kung nuon ay limang mga bata lamang ang pinapakain ni aling Tasing at asawa nito ay ngayon ay nadagdagan pa ng tatlong anak ni Marlon. Masipag man at magaling na mekaniko si Mang Kadyo ay kulang pa rin ang kinikita nito dahil paswelduhan lamang siya ng sa talyer ng isang intsik sa Malabon. Naalala ko kung paano banggitin sa amin ni Marlon ang pangarap nitong magkaroon ng sariling mga gamit upang makapagtayo ng sariling talyer ito.
Mga kalahating oras din ang itununganga ko sa panonood ng Wowowie at sa mga batang nagpapalakpakan kapag nakakakuha ng premyong malaki ang bawat contestant nito. Tila inilalagay nila ang sarili nila sa katayuan ng mga nanalo` at narinig ko pa ang batang nagpaupo sa akin na nagsabi, sana si Inay din sumali d’yan!
Hindi naiwasan pumasok sa isip ko na ang balitang may dayaan naman duon na napanood ko rin sa youtube. Tila superhero para sa mga bata si Willie Revillame. Sabagay okey na rin dahil kahit papano ay may kokonting sumisinag na pag-asa sa bawat murang isipan nila. Sana nga lang may katotohanan ito. Ako hindi ko rin masasabi eh. At sa puntong pagkukuro kong iyon ay dumating na ang inaantay ko.
“Kamusta ka na p’re.” pagbati ko sa kanya kahit hindi ko naman siya tunay na kumpare. Pampagaan lamang ng loob sa isat-isa.
“Ayos naman, anong atin at napasyal ka?”
“May poblema kasi sa driving license ko eh,” at isinalaysay ko na nga na kulang ang mga dokumento ko. Wala na rin akong panahon upang ayusin ang lahat ng mga iyon.
Wala daw siyang maitutulong dahil mahigpit ang Boss niya. Nagkwentuhan pa kami ng konti bago tuluyan na akong nagpaalam. Nabanggit niya na hindi na daw niya ako mapapakain dahil pihadong hindi pa luto si aling Tasing.
At duon ay niyaya ko siyang sumama muna sa akin para kumain na lamang sa labas at ng makapagkwentuhan pa tungkol sa mga buhay naming at mga dating kaklase pa noon.
Hindi naman kalayuan ang pinagdalahan ko sa kanya. Pinakain ko siya sa Kenny Roger’s Restaurant sa SM Valenzuela. Pinaorder ko siya at pinabaunan pa para sa mga anak niya at kay aling Tasing na rin. Tuwang-tuwa siya. Hindi rin nagtagal at nagpaalam na ako sa kanya. Ngunit may pahabol siya na bumalik daw ako sa kanya bukas ng umaga at titingnan niya kung anong magagawa niya. Sabi ko na lang, salamat.
Kinabukasan ay bumalik nga ako sa kanya. Inabot ko sa kanya ang luma kong lisensya. Nagpamedical ako at kalahating oras lamang ay inabot na niya ang bago kong lisensya. Tapos ang lahat ng walang kahirap-hirap.
“Happy Trip p’re…”
“Salamat.”
----------------
Kanina napanood ko sa TFC na hindi naman daw si President Arroyo ang nagbayad ng kinain nila at libre lamang daw iyon. Wala naman daw masama duon. hehehe
Salamat pare....
Wala ako makomento kasi tagal na nitong nasulat at limot ko na rin ang nilalaman nito... hihi. ganunpaman salamat sa pagdaan!



Hehehe
Ayos to a medyo updated na updated ka! Pagpapakita lang na mulat ka sa mga nangyayari sa ating bansa. Medyo ayokong magkumento kay Willie kasi di maganda ang masasabi ko!hehehhe
Welcome back pre
My Personal Blogs:
Mga kahanginan ng utak ko:
http://utaknidrake.blogspot.com/
Kwentong nagbibigay inspirasyon:
http://akingkwarto.blogspo