Skipping train; mga pusong na late sa biyahe nang pag-ibig 1

sinta isaac's picture
| |

Haplos

Malakas ang ginawang paghambalos sa kanya ng tatay n'ya dahil sa ginawa n'yang pakikipagsuntukan kay kaloy. pero hindi s'ya umiyak. hinding hindi s'ya iiyak. lalo na sa harap ng kanyang tatay.

pagkatapos nang hindi malilimutang gulpihan, iniwan s'yang puno ng latay ng kanyang tatay sa sahig, muli nitong isinuot ang sinturon at tsaka lumabas ng kanilang barong-barong.

tumayo s'ya at nagpunta ng banyo. naghilamos. tuloy tuloy s'ya sa maliit n'yang kwarto, humiga sa kama at nag-isip ng malalim.

pinilit naman n'yang maging mabait na bata ngunit hindi naging mabait sa kanya ang kanyang mga kalaro, siguro dahil naririnig ng mga ito sa mga tsismosa nilang nanay ang kwento ng kanyang buhay.

isang puta ang kanyang ina, nakilala ito ng kanyang tatay sa isang mumurahing kabaret, at ginawa s'ya ng mga ito sa loob ng isang bulok na jeep.

okay na sana ang lahat, kasi pinangakuan ng kanyang tatay ang kanyang nanay ng isang bagong buhay, pinakasalan ito at pinatigil sa pagtatrabaho sa kabaret.

isang taon pa lamang s'ya nang lumayas ang kanyang nanay at sumama sa ibang lalaki.

doon nagtatapos ang lahat.

mabait naman sa kanya ang kanyang tatay, ngunit ikinagagalit nito ang kanyang pakikipag-away. ayaw na ayaw nito ang uuwi s'ya sa kanilang bahay na wasak ang uniporme at putok ang labi. hindi nito kahit kailan pinalampas ang kanyang pakikipagbuno sa mga batang walang sawang tinutukso s'ya ng puta-puto.

nasa kalalilaman s'ya nang kanyang pagninilaynilay nang tumahol ang aso nilang si Vandolph. sumilip s'ya sa bintana at sinitsitan ito, ngunit hindi ito tumigil sa pagtahol.

pinilit n'yang makatulog ngunit parang ingay nang pinupunit na yero ang tahol ni vandolph, parang nang-aasar ang alulong nito, para s'yang binubwisit at inuuyam.

lumabas s'ya at kinuha ang walis tingting. nilapitan n'ya si vandolph at sinigawan ito.

"H'wag kang maingay, letse ka!"

"Aw,aw,aw,aw,awwww!!!"

Pikon na pikong n'yang hinampas ang katawan nito ng waling tingting. paulit-ulit habang paulit-ulit n'ya 'din itong pinagmumura.

"Hayop ka, letse ka, tang 'na ka, sabi ng h'wag kang maingay!"

"Aw,aw,aw,aw,awwwww!!!"

Isang malakas na tadyak sa mukha ang nagpatigil dito sa pagtahol. bahag ang buntot na umikot ikot ito at tsaka nahiga sa isang sulok.

Ibinato n'ya kay vandolph ang walis tingting at lumabas ng tarangkahan.

Makikipaglaro na lang s'ya.

Naglakad s'ya sa eskinita at nakita n'ya si kaloy at ang mga barkada nito. nakangisi itong lumapit sa kanya.

"Hoy puta-puto, ginulpi ka na naman ng tatay mo ano? buti nga s'yo, anak ka kasi ng puta!" at sinabayan pa ito nang hagalpakan.

ikinuyom n'ya ang kanyang kamao at pilit pinigilan ang kanyang sarili. hindi s'ya makikipag-away dito. hindi na n'ya ito papatulan.

paiwas s'yang lumayo sa mga ito habang sa kanyang likuran ay patuloy n'yang naririnig ang nakabibinging tawanan at panunukso ng mga ito sa kanya.

pagabi na pala. mula sa kanyang kinatatayuan ay tanaw n'ya ang dambuhalang MRT train na mabilis sa pag-andar...

kailan kaya ito mapapagod sa pagtakbo?

Umuwi na s'ya at wala s'yang nadatnan sa kanilang bahay kundi pawang kadiliman. naupo s'ya sa harapan ng kanilang pintuan at malungkot na nangalumbaba.

mag-isa lang s'ya. wala s'yang kaibigan. wala s'ya kahit ano...

Narinig n'ya ang pagtahol ni vandolph. napasulyap s'ya sa aso. kanina lamang ay ginulpi n'ya ito, dito n'ya ibinuhos ang pagkayamot na nadarama n'ya.

Lumapit sa kanya si vandolph at inamoy amoy ang marumi n'yang paa, dinila-dilaan ito. nakangiti n'ya itong hinaplos sa ulo at malambing naman nitong ikinuskos ang mukha sa kanyang binti. umupo ito sa harapan n'ya at lawit ang dilang tinitigan s'ya sa mata...

Nanginginig ang balikat na niyakap n'ya si vandolph at tuluyan nang pumatak ang luha sa kanyang mga mata.

A r d n a s s a K

jealousy29's picture

Pacomment po hah!!!

ganda naman ng kwentong ito...

 

sulat pa po...

 

ngat....Smile