Sulo Sa Karimlan

| |

 (Paunawa: Iminumungkahing basahin muna ang http://www.filipinowriter.com/kuwento-ng-isang-anghel bago basahin ang aking "Sulo sa Karimlan". PAUMANHIN)

       Ang k’wento sa likod ng buhay ni Angel, natuklasan ko, ay isa ngang pambihirang kasaysayan. Ganito kasining na mga k’wento ang tipong nagkakapitak sa napakaprestihiyosong mga pahina ng antolohiya ng mga nagwawaging akda sa Palanca Awards.  O kung susulatin ng isang Ingles, sigurado ito sa pinagpipitaganang Pulitzer Awards ng Amerika.

       Ngunit ang k’wento, ayon sa request, ay isusulat hindi para ipakipagtimpalak.  At bilang isang mabuting manunulat ng buhay, ‘ala mang permadong kasunduan ay dapat akong umindak ayon sa tugtog na gusto ng nagpapasulat.  Isusulat ko ang kuwento hindi upang pagkaperahan mula sa mga patimpalak.  Isusulat  ko ito upang kung mailathala ay pakikinabangan ng mga makakabasa. Magsilbi nawa itong sulo pabalik sa liwanag ng maraming iba pang mga anghel na nasa karimlang pinanggalingan ni Angel – ang pre-marital sex.             

       Pero hintay!  Paano ko kaya magagawang wholesome ang k’wento gayong maitim pa ‘ata kaysa  dilim ng gabi ang background nito?  Paano ko isususulat, halimbawa, na hindi kuk’westiyunin ng moralidad ang ilang bulgar na salita at berdeng tagpo na literal na inilahad ni Angel sa draft?  Kalabisan nang  banggiting ang isang gaya ni Angel na laking States, liberated, ang sex (daw) ay isang bukas na paksa.  Isang bagay, alalaong-baga, na malayang gawin kahit walang basbas ng matrimonyo.  (Sanabagan, hindi kaya masyadong napakaramot ng pagkakataon upang ngayon lamang ako pahintulutang makilala si Angel?)           

       Anuman, bandang huli ay nagawa ko ring maging smooth ang mga kaberdehan ng kwento. Ngunit kung ano ang wakas nito ay hindi ko mapagpasiyahan.  Patuloy itong nakabitin sa wala.  S’yempre, gaya ninyo ay ayaw ko ring ang maagang pagkamulat ni Angel sa larong mabuhay ay mauuwi sa maagang kamatayan.  Dapat malaman ng mga bumabasa na ang manunulat na ito, higit kaysa kanino man, ay napamahal na rin kay Angel.           

       Isang araw ay tumawag ako kay Angel.           

       “Ow, kumusta na?” si Angel.  “Tapos na ba ang story ko? Pakitapos naman, please, bago mahalata ang tiyan ko.  S’yempre, bago ako magsimbang may bulak sa ilong ay gusto ko munang mabasa kung anu-ano ang mga kabalbalang pinaggagawa ko sa buhay.”             

       “Is there really no other way to get out from this, other than killing yourself, Angel?  Maryosep, andami riyang ikinakalakal ang sarili para lamang mabuhay.  And yet, here you are born with silver spoon planning to commit suicide…”           

       Naulinigan ko na naman sa linya ang mga pinong tawa ni Angel.  “Ha-ha, don’t tell me, iaalok mo na naman sa akin ang sarili mo, Mr. William P. Nucasa?  I tell you, long before I made a decision na ipasulat ang buhay ko ay napagpasiyahan ko nang ganito ang aking magiging wakas.  Papatayin din lamang ako sa amin kapag malaman ito, magpapakamatay na lamang ako.  You just don’t know, perfect daughter ako sa tingin ng parents ko. And damn me dahil pagkatapos ibigay sa akin  ang lahat ng gustuhin ko’y ganito lamang ang aking igaganti.  It’s a big bullshit!  Ang laking kahangalan.  Para akong gamu-gamong sumugba sa apoy.”            

       “Pero ang isang pagkakamali ay hindi maitutuwid ng isa pang pagkakamali, Angel.  Sa ganyang lagay mo ngayon, lalong clear dapat sa iyo that there are really things  that we must not go beyond.”           

       “Kung nag-pari ka, alam mo, ang husay mo sigurong pari.  But I’m so sorry dahil gaya ng sinabi ko sa ‘yo noon, ipagdasal mo na lamang ako. No other choice na talaga, e. Sukol na ako.  Anyway, makasiya sana sa ‘yo ang inihanda kong kabayaran sa pagsulat mo ng buhay ko.  I have three luxury cars and some millions of pesos in my account.  Sa Last Will and Testament ko, one-thirds nito ay mapupunta sa iyo.  The remaining two-thirds will go to charity.  Alam mo na, pampalakas kay Lord upang kahit papaano ay mabawasan naman ang mga kasalanan ko.”           

       Pagaw ang ginawa kong tawa. “Hindi ko alam, nabili mo na pala ako.  Thanks ha, pero siguro naman ay hindi kasali sa nabili mo ang karapatan kong tumanggi sa  alok mo.  Takot ako sa maraming pera, alam mo? Besides, as of now ay happy na ako, kuntento na ako, na motorsiklo lamang ang service ko.”           

       “Whatever, bahala na lamang kayong mag-usap ng lawyer ko. In case di mo talaga maihabol ang story ko, bahala ka na.  Sana gawan mo ng paraan para mai-publish.  Then, for the second and last time ay hahangarin mo naman sigurong masilayan ako bago ihatid sa huling hantungan.  Kapag makita mong tinatabunan na ako ng lupa, iiyak ka kaya?”           

       Nasumpungan ko na lamang ang aking sarili, pagka-end ni Angel sa tawag ko, na kinuk’westiyon ang ilang reyalidad ng buhay.  Kung ang pag-ibig ay isang sugal sa larong mabuhay, nasaan ang kat’wiran at ginawang laging talunan ang mga babae? At, sa kasalukuyang sitwasyon, si Angel nga ba talaga at ang walang malay na sanggol sa sinapupunan nito ang dapat magbuwis ng buhay kung mayroon mang dapat magbuwis nito?           

       Anuman, alam kong hindi natutulog ang Diyos upang makaligtaan ang krisis na ito sa buhay ni Angel.  Umaasa akong gaya ng isang tupang nawalay mula sa siyamnapu’t siyam, gagawa at gagawa Siya ng paraan upang ang anghel na ito ay muling maibalik sa liwanag.

       Hindi naglipat linggo, isang hapong malakas ang buhos ng ulan ay tumunog ang cellphone ko.  Sa screen, isa sa dalawampung numerong konektado kay Angel ang nakarehistro.  Pinindot ko ang buton para sa Ok.   

       “Hello…”           

       “Hello,”  hindi kay Angel ang boses.  “Ikaw ba si…?” Tinukoy ng nasa kabilang linya ang pangalan ko.

       Nag-“opo” ako. 

       “Mama ni Trisha ito.”  PAGTATAPAT: Trisha ang tunay na pangalan ni Angel.  “Tungkol ito kay Trisha,  anak,”  anitong tila umiiyak o galing sa pag-iyak.   “Please, be at Saint William’s Cathedral tomorrow.  Ten A.M. mag-i-start ang ceremony.  Please, anak, I beg you…”           

       Nine A.M. kinabukasan nang dumating ako sa Saint William’s.  Bagamat isang oras pa bago ang seremonya ay gitgitan na sa parking space ng simbahan ang napakamamahal na mga sasakyan.  Diaske, saan ko ba ipa-park ang motorsiklo ko?            

       At ano ito? Apat na kalalakihang nangakabarong ang agad ay sumalubong sa akin bago pa man makasapit sa pinto ng simbahan.  Wow ha, ganito ba talaga ako ka-VIP sa libing ni Angel? (Trisha na pala ngayon).  Pero bakit pinalilibutan ako?  At, bago ko pa namalayan, isang matigas na bagay na ang naramdaman kong itinutok sa likod ko.           

       “Napag-utusan lang po,” anang isa, iyong may pinakabruskong mukha.  Sino kaya ang mga ito? Mga hired killer?  “Itutumba” ako?  Bakit, ano’ng aking atraso?  “Sumunod ka lang kung ayaw mong masaktan”.             

       Huminto kami sa tabi ng naka-park na  Nissan Patrol na heavily tinted ang salamin. 

       “Siya ba?”  Galing sa isang nasa loob ang boses.  ”Papasukin na’t nang matapos agad e makuha na natin ang ating komisyon.”           

       Panginoon ko, “itutumba” na ba talaga ako?  Saan?  Paano na ang libing ni Trisha?           

       Sapilitan akong ipinasok sa awto.  At ang gulat ko nang masinong isang bakla pala ang nasa loob nito!  Santa Maria, di bale na pong bistayin ako ng bala h’wag lamang mapagsamantalahan ng baklang ito!           

       “Hmp, matikas ka nga pala,”  sabi ng bakla habang sa tingin ay sinusukat wari ako.  “Ow, ano pang ginagawa mo?  C’mon, umayos na’t nang tayo’y matapos agad.”           

       Sa pagyukong iyon ng bakla ay ubod lakas ko siyang sinipa.   Pero maliksi ang kumag, nakailag.  Inaambaan ko ng isa pang tadyak nang may kung anong ipinalo sa batok ko.  At nagdilim ang lahat sa akin.           

       Ang apat na lalaking nangakabarong ang namulatan ko pagbalik ng aking malay-tao.  “Sorry po,” matapat nilang paghingi ng paumanhin.  “Tara na pong manhik sa simbahan at magsisimula na ang seremonya.”           

       Pagtayo ko, napansin kong iba naman na ang suot ko.  Bakit naka-amerikana na ako?  Nasaan na ang bakla?  Inayusan lamang ba ako?  Para ano?           

       Sa simbahan, mag-uumpisa na nga ang seremonya. Pero nasaan ang patay?  Bakit pangkasal ang dekorasyon ng simbahan?  Sino ang mga ikakasal?           

       Sa mando ng isa sa mga lalaki, lumakad kami sa aisle. Sa ikatlong upuan mula sa pinakaharap ay tumigil kami.  “Kumilos ka ayon sa hinihiling ng mga pangyayari,”  may banta sa tinig nito.  At bago ako iniwan, kinapa nito ang baril na nakasukbit sa baywang.           

       At nag-umpisa ang seremonya.  Bago ko pa mawatasan, heto na si Trisha— ang  buhay na buhay na si Trisha–- na inihahatid palapit sa akin ng isang ginoong  kagalang-galang ang tindig.  Ang kagandahan nito na wika ko dati ay katakam-takam ay lalo pang naging katakam-takam ngayon dahil sa napakaelegante nitong gown.            

       At sino ang groom?  Well, makakatanggi pa ba itong inyong abang lingkod gayong sa tuwing mapapadako ang tingin ko sa lalaking may sukbit na baril ay lagi nitong kinakapa ang baywang?           

       Lumalakad ang seremonya ay naglalaro ang isip ko sa magiging tagpo pagkatapos ng kasal.  May honeymoon kaya?  Saan?  “P’wede” pa kaya kahit magtatatlong buwan na? Paano?  Ha-ha, ang likot naman talagang imagination ito, oo.           

      “Inuulit ko,” napalakas ‘ata ang boses ng pari.  “Ikaw lalaki, tinatanggap mo ba si Trisha – “           

       ”Opo, father.  Tinatanggap ko po at ipinapangako kong pakamamahalin siya habang ako’y nabubuhay.”           

       Tinitigan ako ng pari.  Sa malumanay na boses, anito.  “Please, anak, patapusin mo naman muna sana ako  bago ka sumagot.  Saka, “oo” at “hindi” lamang ang sagot, okey?”           

       “Okey, fine, father.”           

       Inulit ng pari ang tanong.           

       “Opo, father.”           

       Maya-maya pa, naulinigan kong sinasabi sa akin ng pari: “You may now kiss the bride.”           

       Tinitigan ko si Trisha.  Nagtatanong ang aking mga mata.  “P’wede?”           

       Tumango siya.           

       Pero Diyos ko, saan ba hinahalikan ng groom ang bride?  At kapag ki-kiss, yayakap pa ba?  Walang yakap, kiniss  ko siya sa forehead.           

       Halos magpugik sa tawa ang pari.  ”Don’t tell me, iho, na buntis na’t lahat ay sa noo mo pa lang nahahalikan si misis?”   (As if binibigyan ako ni father ng ideya na maliban sa lips, pisngi at noo ay may iba pang mga parte ang babae na kini-kiss.  Kung alin-alin ang mga iyon, isang bagay na hindi lamang dapat si father ang nakaaalam).

       Hinila ‘ika n’yo akong bigla ni Trisha at sa b’welta kong yaon ay niyakap ako saka siniil ng halik sa labi.  Gumanti ko.  Matagal.  Napakatagal.           

       “Iho, iha, tama na ‘yan,” marahang tinapik ng pari ang mga likod namin.           

       ALAS-KUWATRO ng madaling araw kinabukasan nang magising ako.  “Trisha…” niyugyog kong marahan ang aking si Trisha.  Nasa isang silid kami ng isang five star hotel for one-month stay, courtesy of our very own ninong,  Honorable Mayor of  Naguilian, La Union.           

       “Ummph… Bakit ba?”  Sa malamlam na liwanag ng lampshade ay nabakas ko ang isang pilyang ngiti na gumuhit sa mga labi ni Trisha.           

       “Please...”           

       Hinalikan ko si Trisha sa lips.  Marahan.  Marahang-marahan. Pumusok. Pumusok nang pumusok.           

       “Di ba popsy, ito rin ‘yong … napuyat tayo kagabi?”           

       Hay naku, for sure, mali-late na naman ako mamaya sa 7:30 A.M. na klase ko.  Pero  valid naman ang reason, di ba?   

       Just married nga naman, e!

William P. Nucasa

nagustuhan ko ang proyekto

nagustuhan ko ang proyekto ng pagiging metafiction nito, pero nanghihinayang ako sa proyektong ito nang biglang naging iba ang approach. nagsimula ito nang may pagnanasang basagin o magbigay ng komento hinggil sa pagsusulat para sa mga paligsahan tulad ng Palanca at Pulitzer at dito nagiging malakas ang pasok ng metafiction bilang kritisismo sa pagsusulat mismo. lumalabas din ang mga nuances ng pagiging m-f lalo na sa gamit ng wika, ang mala-sanaysay na kapit ng prosa, at conscious na pagpapalitaw ng may-akda sa ilang detalye tulad ng pagtatapat sa tunay na pangalan ni Angel. mas magarbo pa sana ang ambisyon ng proyekto nang nais niyang bigyang pahapyaw niya ang premarital sex bilang tuntungan mismo ng kanyang akda. highlighted pa ito. pero tulad ng ambisyon na maging isang metafiction ang akdang ito, bumagsak din ang pagpaksa sa premarital sex.

 sa tantiya ko, naliligaw sa patutunguhan ang kuwentong ito. wala pang buong goal ang may-akda kung saan niya dadalhin ang kuwento maliban na lamang sa pagsalaysay ng buhay ng narrator. marahil, malaking problema rin ang kaiklian nito kaya nagkaroon ng deus ex machina sa kuwento. ang pagpapakasal bilang deus ex machina ay hindi napaghandaan. basta na lamang inilagay ito nang walang karampatang paghahanda o setup. sa akin bilang mambabasa, pakiramdam ko, dinaya ako ng kuwento. di ko ninais na makitang magkatuluyan silang dalawa at mas priority ko na makitang matapos ng narrator ang kuwentong isinusulat niya, hindi ba yun lang naman ang connection nilang dalawa ni Angel. 

 

 

alingasngas,

salamat sa komento!

gusto kong isiping hindi kayo dayo sa mundo ng literatura. ibig kong paniwalaan na kung hindi man kayo propesor ay isa kayong batikang manunulat.

tama po lahat ang inyong sinabi... noong una, ang akin ay makapagsulat lamang ng isang payak na kuwento... pero ako'y nadala... and along the way... hindi na ako ang nagpapakilos sa kuwento... ako na ang pinakikilos nito.

isa ngang deus ex machina ang pagpapakasal...pero ipinalalagay kong hindi naman ito masyadong malayo para maging totoo.... nakatulong ito upang kahit papaano'y maging magaan ang bagsak ng kuwento.

Muli, salamat sa komento!

Mabuhay po kayo!

WPN

Ailem23's picture

Sir William

 Sir, sinundan ko talaga ang kwento ha. Sir, sana po ay pahintulutan nyo akong magbigay ng konting pansin sa kwento.

ang kwento, kasama po ung first part nito, ay naisulat sa mainam, magaan, at entertaining na istilo... isa lang po ang napansin ko... parang hindi ko masyadong nadama ang mga character...okay ang concept pero parang may konti pong kurot akong hinahanap na hindi ko nakita.... 

ngunit kahit po ganon, na-enjoy ko po ang kwento... aabangan ko pa po ang iba pa ninyong akda. 

 

*****

"Hindi por que magulo ay hindi na maayos. malay mo, ginugulo ka lang talaga para umayos ka." 

www.onlypurehearts.multiply.com

www.newdaybooks.multiply.com

Hello Melai

Salamat muli sa panahon! Kinikilala kong tagumpay na sinusundan ng isang Melanie Quilla ang aking sinusulat!!! Si Melai ay isa ata sa mga kapagma-pagmalaking writer dito sa FW!!!

Paano ba makakukuha ng inyong book?

Papa-Baguio ako sa Sabado, Nov. 14  (sale kasi sa SM Baguio), meron ba yong book n'yo ni Loi sa National Bookstore?

Kuya Wilz

Melai

Starblaze's picture

Bilang pagtugon sa iyong

Bilang pagtugon sa iyong kahilingan ay binasa ko ang akda mong ito at binasa ko din ang "kwento ng isang anghel" na pinagmulan ng kwentong ito.

Ganito kasining na mga k’wento ang tipong nagkakapitak sa napakaprestihiyosong mga pahina ng antolohiya ng mga nagwawaging akda sa Palanca Awards.  O kung susulatin ng isang Ingles, sigurado ito sa pinagpipitaganang Pulitzer Awards ng Amerika.

Ipagpaumanhin, subalit marami na akong nabasa na mga akda na nagwagi sa palanca sbalit nagdududa ako s saril ko kung ang isang ito ay mapapabilang sa kategoryang nabanggit.

Bgama't fiction ang kwento kailagan pa rin na malapit ito sa katotohanan ng sa gayun ay maibigan ito ng mga mapanuring mambabasa. kung ang target readers mo ay bakyang mambabasa siguro papasa sya. but it is not the case in here. Ang tema mo ay "premarital sex" subalit pagkalaunan ay iba ang naging takbo ng estorya parang ang narrtor na angnaging bidaat hindi na si Angel. wala ring maayos na plot sabi nga "Fiction is often born out of the author's imagination, sometimes bordering on outright fntasy, bu it has to establish a realistic approach s teh readers would be able to relate to the story."

bakit hindi sya realistic? una: 4th year high school si Angel/trisha so more or less 16 yrs. old sya. Di ba sa Pilipinas hindi naman pinapayagan ang marriage sa minors?

pangalawa: last will and testament, si trisha ay isang minor at sa batas ng pilipinas a minor cannot execute a will and to think na meron pa syang mga magulang to look upon her properties and assets kung meron man.

 “Mama ni Trisha ito.”  PAGTATAPAT: Trisha ang tunay na pangalan ni Angel.  “Tungkol ito kay Trisha,  anak,”  anitong tila umiiyak o galing sa pag-iyak.   “Please, be at Saint William’s Cathedral tomorrow.  Ten A.M. mag-i-start ang ceremony.  Please, anak, I beg you…”             

This one is real fantasy! sinong magulang ang may matinong pag-iisip na payagan ang anak na magpakasal sa isang taong hindi nila kilala? maybe this statement is to add sa thrill pero this ruin the whole story.

lastly, masyadong naka focus ang estorya sa bidang lalaki at "bragging" ang dating..ganito dn dati ang nobela ko na may titulong "Flames in chain" na ibinasura ng publisher.

 

ganun pa man salamat sa pagbaahagi ikinagagalak kong makabasa mul ng iyong mga akda

 

Starblaze, Bh.D. (Doctor of Broken Hearts)

Dakilang mangingibig, malikot ang isip (at kamay)

http://cutedaw-starblaze.blogspot.com/

Starblaze...

Salamat...maraming salamat. Isang araw, sana'y magkita-kita tayong mga taga-FW.... ikagagalak kong makita kita ng personal at matuto pa sa iyo ng maraming bagay-bagay.

 Mabuhay ka, kapatid. Sa iyong mga intelihenteng puna, masasabi kong isa kang tagapanday ng mga "batang manunulat" na dito sa FW naghahanap ng gabay bago pumaroon sa lalong malaking laot ng pagsusulat.

 Muli, maraming salamat.

William P. Nucasa

 

Starblaze's picture

The attitude of a true

The attitude of a true writer...open to cronstructive criticism! i salute you brother...more power to you and more manuscripts to come.

baguhan pa din naman ako tulad ng ibang manunulat dito sa FW..dito rin ako natuto actually :)

 

Starblaze, Bh.D. (Doctor of Broken Hearts)

Dakilang mangingibig, malikot ang isip (at kamay)

http://cutedaw-starblaze.blogspot.com/