supling sa pagtatalik tula ng isang rebolusyunaryo at ni lualhati bautista
mahal kong ama,
tama nga bang dumating ka
sa buhay ni Ina
sa tamang panahon,
gayong bata pa siya noon?
Mali nga bang akalain niyang
ikay ang kaligayahan,
at pilit niyang kinilala
ang lugar na sa kanya'y
iyong pinagdalhan?
Inihiga mo siya sa tabi ng banyaga,
inihele sa iyong mga retorika,
ang hindi mo alam,
ito'y hindi niya lubusang maintindihan.
subalit siya'y naniwala sa iyo,
ang pag ibig ni ina sa iyo ay totoo.
dinala mo siya sa malungkot na kagubatan,
umalis ka at siya ay iniwan,
kipkip ang alaala ng inyong pamamaalam.
hindi siya nagreklamo,
pagkat ayon sa iyo,
ito ay delikado.
kapag may oras,
siya'y iyong uuwian,
at magaganap ang komprontasyon
ng inyong katawan,
kahit kaila'y hindi siya nagdamdam,
bagamat putang bayaran
ang kanyang nararamdaman.
ama,
huwag mo sanang panghinayangan,
huwag mo sana itong pagsisihan,
ang sandaling ibinigay kay ina,
huwag ka sanang magalit sa kanya,
ikaw ay inintindi niya, ama,
dahil ayon sa iyo'y para sa bayan ang
iyong ginagawa,
at para sa akin na inyong nayari,
kahit na ba ang mga sandali'y pa konti konti.
ang aking pagdatal,
ginawa ninyong dalawa,
ngunit ako ay pasan niyang mag isa,
ikaw ay aming hinintay,
nangangambang ang uuwi ay isa na
lamang bangkay.
sino ba kami?
totoo ba ama,
na mas malaki ang halaga ng
masa at pakikibaka,
kaysa pag ibig ni Ina?
Papasok ang isang taon,
uuwi ka sa amin kung may panahon,
para kay ina, sapat na iyon,
kailanma'y hindi siya nagtanong.
hindi siya pinahimbing ng
mga yakap niyang alaala,
sa kanyang pag gising,
agahan niya'y pag iisa,
ang rosas na salamin ay kanyang
tinanggal,
at pumaibabaw ang sa aki'y kanyang
pagmamahal.
alam kong masakit ito
para sa iyo ama,
ngunit huwag mo sanang sisihin si ina,
inilagay mo siya sa isang
bilangguan,
kahit ito'y hindi mo namamalayan.
Kumalas siya sa iyo at bumitaw,
habang ang silahis ng pag asa sa bayan,
ay pilit mong pinalilitaw...
paumanhin kay binibining lualhati bautista,
ang santa ng retorika.
Sinta, kamangha-mangha ka
Sinta, kamangha-mangha ka talaga. Ang sarap pakinggan ng iyong mga salita. Ang sarap basahin kahit na nararamdaman mo ang kabigatan ng mga salitang ito. Kudos po sa 'yo.
RJ :)
* * *
...
nabasa ko na ang tula ni lualhati ng ng rebolusyunaryong iyon noong 1982 pa ata niya ginawa,
kahanga hanga na nagawan mo ng tulay upang mapaglapit ang dalawang tula na iyon,
ang tula ng isang rebolusyunaryong ama na nagdamdam sa paglayo ng kanyang asawa,
at sa isang mapagmahal na asawa't ina na pilit humihingi ng pang unawa...
at ngayon ay ang tinig ng kanilang supling,
napaka imposibleng isipin ngunit iyong ginawa,
tunay kang henyo sa literatura.
kaya nga't ..................
Hay!





re: supling,..
hindi ko tiyak kung ito ay isinulat mo hango sa iyong direktang karanasan.
pero kung ito ay isang pahina ng iyong buhay--- nauunawaan kita. nauunawaan ko ang nadarama ng iyong ina.
hindi lang kasi ang kwentong ito ang unang kwento sa ganitong tema. pangkaraniwan na ang ganyang mga lumilitaw na damdamin sa mga pamilyang pinaglalayo ng panahon--- ng tawag ng panahon. naniniwala ako na balang araw ay mauunawaan niyo rin kung bakit ang iyong ama na asawa ng iyong ina ay nag-paalam tungo sa isang kalagayang hindi kailaman naging isang handaan.
mauunawaan niyo rin siya balang araw. at pag dumating ang kabanatang iyon ng inyong buhay, 'di na ko magtataka kung --- sumama kayo sa kanya--- sa kanyang pakikibaka.
Dap-ay Sapata