Tagsibol

|

Ngayon ay tagsibol;
bukangliwayway ng tagumpay.
paghawi sa ulap na itim;
paglisan sa masukal na dilim.

Humahalimuyak ang bagong sigla;
umuusbong ang bagong pag-asa.
pumapatak ang bagong butil ng pangarap;
lumalagong luntiang lambak ng pagsisikap.

Ngayon ay tagsibol;
panaginip noon, ngayon ay buhay.
bukal ng bagong pag-asa sa daang makulay;
ginintuang himig at may payapang pagsipol.

Hamog ng pag-iibigang kay tamis; diyos ang tanging bantay
lagaslas ng agos sa ilog ng pusong dalisay
pusong pinagbigkis nga hiyas ng panahon
biyayang kaloob ng langit, handog ng panalangin.

Ngayon ay tagsibol;
dala'y yamang umusbong sa lilim ng bagong pag-asa.
Ngayon ay tagsibol,
sulyap sa bayang inukit sa anino ng batong naka-usli.

Ngayon ay tagsibol;
muling bumangon at patuloy sa paglakbay,
mithiing nilamon ng dilim, muling isabuhay
muling iguhit ang likhang pinagyaman ng diwa.

--Jerry G. Gervacio, May 25, 2005 (Molave, Zamboanga del Sur)

Jerry Gillera Gervacio

A writer by heart and by soul. Writes poem, essay, and short story in English, Filipino, and Cebuano.

Nurtured by the pristine fields of green and gold of Salug Valley.

An simple guy from Sta. Cruz, Mahayag, Zamboanga del Sur