tagulaylay ng isang makata't manunulat

noelbarcelona's picture

HINDI NA ako magpapaliguy-ligoy pa. Ang pagiging manunulat dito sa atin ay isang pagpapagutom, kung hindi man, ay tuwirang pagpapatiwakal sapagkat binabarat, o manapa'y hindi binabayaran, ang bawat salita at pananda, ang bawat pangungusap, parirala at talata, ang bawat taludtod at saknong. 

Napakasakit na isipin na hindi mo ikabubuhay sa Pilipinas ang pagiging makata at manunulat; at ang tanging kasiyahan mo na lamang ay ang mabasa ang iyong pangalan sa isang lathalain o tula o sanaysay o balitang iyong isinulat.

Iyan ang mapait na reyalidad na kinahaharap ngayon ng mga tulad kong inibig ang pluma at napaasawa sa mga salita at talinghaga. Isang mapait na pagkaing kailangan mong lulunin sapagkat iyon na ang nakagisnang kalakaran. 

*** 

Upang kumita ng kaunting salapi, kailangan mong manlimos sa mga pasulatan, gaya nang madalas kong nararanasan. Para kang asong naglalaway sa inilalawit na buto ng kapitalista (na nagkataong lider-relihiyoso pa) na pagkalapat sa iyong sikmura'y parang hangin lamang - nakakapagpakabag.

Hindi, hindi talaga makabubuhay ang pagsusulat dito sa Pilipinas.

*** 

Ang pagdaralita bilang manunulat, laluna kung ang tula at sanaysay, mga balita't kuwento, ay alay sa sambayanan ay hindi naman totoo sa ipinagpuputa o ipinangangalakal ang kasagraduhan ng sining ng pagsusulat.

Ibig mong kumita nang malaki? Mag-PR ka para sa isang politikong nagpapasasa sa kinurakot na yaman mula sa mga manggagawa't magsasaka, mga maralitang tagalungsod at intelektuwal na nagpapakakuba sa pagtatrabaho. O kaya naman ay languin ang utak at puso ng masa sa mga sulating nakapanggigilalas at hindi kapanipaniwala, nakalilibog o nakapagpapatirik ng kanilang ulirat. Subalit sa ilang "mulat" at nakaaalam ng tunay na ugat ng anti-intelektuwalisasyon ng mga Pinoy at Pinay, ay hindi makasisikmura ng ganoon.

Magpapakagutom na lamang sila, magdidildil ng asin, at titiisin ang pag-alimura ng pamilya, kaanak at kakilala, basta hindi lamang malahiran ng masamang laway - mabagsik at maasido - ang titik ng kanilang pagsusulat. 

*** 

Sabi ng isang pilosopo at progresibong-mag-isip na Aleman, "Ang tao'y dapat naghahanapbuhay at nabubuhay para makapagsulat; subalit hindi dapat na ipaghanapbuhay ang pagsusulat."

Nagtatalo ngayon ang isip ko: Paano ko gagawing hindi hanapbuhay ang aking pagsusulat gayong iyon lamang ang alam ko? Makirot ang katotohanan. Subalit kailangang tanggapin. Ngunit kailanman, hindi ko iiwanan ang pagsusulat. At hindi ko ito ipagpuputa, kagaya ng iba. Hindi.  


Rom's picture

napakahirap magsulat lalo

napakahirap magsulat lalo nakapag may presyong nakapatong sa iyong panulat. gaya ng dili-dili na "magkano kaya ang 500 words na ito?" o kaya nama'y "magsusulat ba ako ng presyong $50 lang? at sisikilin ko at lilimitahan ko ang ganda ng akda ko kasi nga $50 lang ang bayad dito?" pero sa isang banda nakakapagsulat tayo ng  punong puno ng puso at pinagbuhusan ng damdamin at isip kahit walang bayad. 

patunay na hindi pera ang motibasyon kaya tayo nakakapagsulat ng may "laman" at kabuluhan. nagkataon lamang na kinakailangan nating kumain, uminom, magdamit at buhayin ang pamilya kung kaya't inuugnay natin ang pagsusulat sa paghahanap-buhay. subalit kung mayroon lamang sana tayong ibang mapagkukunan ng kabuhayan na sapat para sa isang disenteng pamumuhay, sana'y hahayaan na lamang natin ang panulat sa kanyang mas dalisay na porma. yun bagang hindi nababahiran ng presyo kundi isang panulat na ipinapanganak dahil sa reaksyon at obserbasyon sa kapaligiran.

sana nga, kung hindi nga lang napaka ideal ang ganung kaisipan... 

 

KarikaTuura

noelbarcelona's picture

pagsusulat at hanapbuhay

Iyon ang pinakamalungkot na parte ng ating buhay, Rom.

Bagaman ibig nating maghanapbuhay ng iba, hindi yata tayo ipinanganak na gumampan ng ibang gawain kaysa tumipa ng balita't magsulat ng mga tula, sanaysay, script, maiikling kuwento.

Sana'y maging mahusay (ulit) ang panulatan dito sa atin. Kaso nga lamang, monopolyado ng iilang may pera't santambak ang kapritso ang mga imprenta at pasulatan.

Paano nga ba mababago ang ganitong kalakaran? Siguro, madugo ang magiging pamamaraan. Ano sa palagay mo, kaka? 

 

“Write in such a way as that you can be readily understood by both the young and the old, by men as well as women, even by children.” - The Great Uncle Ho (1890-1969)