tapatan sa bayan

ellise dominic's picture
| |

Malamang kapag nabasa ito ng mga kababata ko at ng kapatid ko ay tapos na ang drama ko sa paggamit pa ng pen name.  Sa title palang kasi huli na agad ako.  Mangyari kasi nangyari talaga ito sa totoong buhay.  Hindi ko nga alam kung bakit bigla kong naisipang isulat ang kwentong ito mula sa kawalan. 

First year high school yata ako nang nangyari ang kwentong ito.  Kung mababasa ito ng kapatid ko malamang hindi na siya magtataka kung bakit hindi ko na matandaan eksakto kung kelan ito nangyari dahil alam na alam nya na mas malala pa ako sa mga matatandang may sakit na dementia.  Hindi ko nga rin alam kung bakit napakaigsi ng memorya ko, kapag lumipas na ang isang araw limot-limot na ako.  Kahit nga mga importanteng bagay ayaw nilang pinapatago sa akin dahil sigurado makakalimutan ko kung saan ko iyon itinago.  Basta ewan napakamakakalimutin ko talaga.  Kaya wag na kayong magtaka kung sa kabila ng pagiging true story nito ay hindi ko naman tanda kung kailan eksakto ito nangyari.

Hapon noon, sabado, walang pasok, araw ng laro.  Sa looban namin kami-kami ang magkakalarong mga bata, este correction, hindi na pala ako noon naglalaro dahil maaga akong nagdalaga, dahil noong onse anyos yata ako, naglaro kami ng chinese garter ng kapatid ko at isang kapitbahay na babae.  Dahil likas sa akin ang pagiging bulilit bulilit batang maliit, hindi kaya ng powers ng talon ko kapag lumagpas na hanggang tuhod ang garter.  Struggle kung struggle kapag nasa baywang na.  Kaya nga madalas akong hindi sumasali dahil balagoong ako dahil bahagya lang kung umangat sa lupa ang lundag ko.  Nakakatawa na nakakairita talaga.

So heto na ang siste, chinese garter kami.  Ang gagaling nila.  Tumatumbling pa sila samantalang ako hindi ko maiangat ang mga paa ko magtumbling pa kaya?  Ayan turn ko na, sayad sa lupa, sisiw lang yan, binti naku chicken feed, tuhod aysus naglolokohan ba tayo? Kahit dalawang taon kayang talunin yan.  Ang yabang ko pa.  Heto na, baywang na.  Naku po, pinawisan na ang lola mo.  Paano nga ba nila nagagawang kalawitin ng paa ang garter?  Waaaah!!! Bakit hindi ko yun kaya? 

Sige lakasan na lang ng loob tutal narito na ako eh.  Mas nakakahiya kung aatras ako ng hindi man lang sumusubok. Saka ako pinakamatanda dito no ako ang ate papatalo ba ako sa mga bagets na ito?  Hingang malalim, bilang sa isip ng isa-dalawa-tatlo!  Buwelo pa daw ako as if nadadaan doon yun?  Heto na ako ramdam ko na ang binti ko na umangat sa magaspang na semento.  Ooops!  Kapos ang lola mo.  Di man lang umabot sa kalahati eh sumadsad pa ang paa ko sa semento kaya hayun sugat, tuklap ang balat kita ang laman!  Maryosep hihimatayin yata ako sa sakit at takot.  Sabi kasi ng tatay ko kapag may sugat ka lalabas ang tren at kapag kumain ka lalabas ang kanin.  Ahahaha!  Ang ending iyak ang bida.  Ayawan na.  Kaya napilitan na lang silang maglaro ng jumping jocks kasi baldado na ako.  At magmula noon isinumpa kong hindi na ako maglalaro ng chinese garter.  Kahit bayaran ako ng sampung milyon dedma, hindi nila ako mabibili ng pera.  Isinumpa ko talaga ang chinese garter.  At iyon na rin ang nagtulak sa aking magdalaga na kasi sinumpa ko na ang mga laro na yan!  Nasasaktan ako eh!  Ang killjoy ko no?  Basta may takbuhan o talunan out ako dyan, teacher-teacher na lang sige carry ko yan kahit noon ay nakipagtalo pa ako sa kababata ko sa spelling ng typhoon.  Pinipilit ko kasing walang h eh may h nga ang typhoon, ang bobo ko sa row four talaga nakakahiya sa kanya.  Makipagtalo pa daw ba ako eh wrong spelling wrong nga?

So heto na ang totoong istorya, nasa bahay ako noon at nagdodrawing habang nagsasoundtrip ng bigla akong tawagin ng kapatid ko at yayain akong pumunta sa bahay ng mga kalaro namin.  Dahil medyo nakakabagot sa bahay sumama naman ako.  Nasa kabila lang ng compound ang bahay nila.  Apartment yun at mahal ang renta, up and down.  Pagpasok namin nakita ko si miggy na nasa mesa at nagdodrawing ng dragon ball z habang nanood ng tv.  Kaedad ko si miggy, gwapings, maputi, matangkad.  Kung sa bagay kahit naman sino matangkad sa akin eh bahagya lang kayang umangat sa lupa ang height ko.  Schoolmates kami.  Sa school suplado siya, kung sa bagay suplado din sya sa tunay na buhay, hindi ko nga yun nakausap ng matino kahit minsan sa halos pitong taon naming naging magkapitbahay.  Laging nakakulong yun sa bahay parang ako, o kung hindi naman nagtatago sa bahay eh kasa-kasama ng mga kuya ko kung saan-saan.  Madalas silang tumatambay sa tapat ng bahay namin at doon nagkukwentuhan kaya madalas ko siyang nakikita kahit nagdededmahan kami madalas. 

Hindi naman talagang dedmahan.  Basta kulitang tago.  Ay naku mahirap ipaliwanag eh, nag-uusap kami pero laging asaran pero pigil lang, adik di ko maexplain.  Basta kapag pumupunta siya sa bahay namin at nakita nya ako sa pinto na nagwawalis bigla yung titingala at tuturo sa langit na parang may binibilang.  Ako naman to mapagpatol, inuunahan ko siya lagi ng lima at sasagot sya ng sampu.  Kung hindi naman siya nagbibilang ng tala sa tanghaling tapat bigla nung yayakapin ang sarili nya na tila nilalamig at sasabihing ang lamig, ako naman hindi magpapatalo at sasagot ng ang init!  At kung hindi naman sya umaarte na parang baliw lang, mag-aambisyon siyang siya si superman at kunwaring naghuhubad ng polo at biglang itataas ang isang kamay na parang lilipad.  Si superman nga eh.  Ay naku kapag gumaganun siya natatawa ako na naiinis gusto ko siyang batukan at ng magising siya sa ilusyon nya. At saka nya hahanapin ang kuya ko at mataray ko naman siyang sasagutin na wala o kaya tulog pa.  Para naman siyang basang sisiw na uuwi sa kanila.  Basta ganun kami tuwing hinahanap nya ang kuya ko.  Sa school lang kami civil.  Ahahaha!  Di kasi pwede ang adik sa school saka baka kami matsismis. 

Pagpasok ko naupo ako sa silya sa may pintuan.  Nagkalat ang mga notebook nila na sayang lang kasi dinodrawingan lang mamahalin pa naman.  Palibhasa mayaman sila.  Heto na nakiumpok na ang kapatid ko at si sarah, bunsong kapatid ni miggy, kasama sina mark, anak ng isa pa naming kapitbahay, at jojo, sumunod kay miggy.  Tuwing sabado kasi mayroong nagaganap na kung tawagin nila ay tapatan sa bayan.  Para siyang truth or dare, ang pinagkaiba nga lang walang sakitan dito basta tatanungin ka at sasagot ka ng tapat at bawal magsinungaling o magloko.  Kung sino ang nakaimbento ng pasaway na larong ito ay hindi ko alam.  At yun din ang una at huling tapatan sa bayan na naattendan ko.  Hindi kasi ako sumasali kasi pikon ako at ayokong matanong.  Unang sumalang si mark, sino daw ang crush nya, natatawa sya at nagbablush na sinagot si sarah daw kasi magkaedad sila at sila ang laging magkakasama.  Ay naku kung nakita nyo lang ang mga reaksyon nila parang mga pinipilipit na damit sa sobrang kilig at hiya.  Namumula at pinapawisan.  Para talagang alam na nila ang crush.  Eh kababata kaya nila nine pa lang yata sila.

Sunod si jojo, naku tawa ng tawa at di pa tinatanong eh di na mapakali sa pagkakaupo nya.  Kahawig pa naman nya si paolo contis nung bata pa si paolo contis, yung nasa ang tv na laging may hawak na walis tambo at may linyang, aysus ati!  Mukhang kenkoy pero cute ha.  Ang pula pula ng mukha parang lasing lang, nanlilimahid ang damit at ang dungis dahil takbo ng takbo sa kalsada. Feeling ko nga lumalangoy yun sa kalsada eh kahit walang baha paano naglulupa siya, as in.  “sino ang crush mo?” nakakatawa kasi hanggang ngayon nakikita ko ang expression ng mukha nya, at hiyang-hiyang sinagot ang pangalan ng kapatid ko, hiyawan naman sila.  Nagtalunan, batukan at tulakan.

Sinunod ang mga babae, syempre di gaya ng mga sobrang kilig na kilig na mga lalaki eh demure at medyo finess ang mga lola mo.  Si sarah ang nauna, parang beauty contest, poised na poised.  Nang tanungin, di man lang pinulahan ng pisngi at di rin namilipit sa pagkakaupo, obviously si mark ang sagot nya.  Naku si mark gusto ng mahiga sa semento sa sobrang saya.  Next ang kapatid ko, ganun din kunwaring di affected sa question and answer.  At gaya ng inaasahan ko si jojo ang sagot nya.  Patay ako na ang susunod kaya lang nagkaroon ng commercial dahil dumating ang kuya nila at sandaling nagkagulo sa bahay.  Habang abala ang lahat sa asaran at pagtatalo dahil sa kung anu-anong bagay patago kong kinuha ang isang notebook na nakakalat sa mesa. 

At doon sa isang page sa bandang gitna sa hindi agad makikita, isinulat ko na gusto ko si miggy.  Tapos ay parang ayawan na kaya umuwi na ako.  Mga kalahating oras ang nakalipas ng biglang nagsuguran sa tapat ng bahay namin ang mga kolokoy pati si miggy nandun sinusundo ako.  Ang laki ng ngiti nya sa akin.  Nagniningning ang mga mata.  Nagkakantyawan ang iba sa likod nya.  At doon ako napatingin sa hawak hawak nya.  Patay ang notebook na sinulatan ko.  Nabasa pala nya. 

Grabe define blush at pagkapahiya.  Ewan anong sumanib sa akin at ginawa ko yun.  Ang tawag dun ay katangahan.  Sino bang hindi makakabasa ng sinulat ko eh notebook nila yun!  Aysus!  Nasaan ba ang I.Q. ng mga taong inlab?  Nasa talampakan?  Hindi ko alam na nakita nya pala akong may sinusulat habang ang buong akala ko ay nagkakagulo sila. 

Tinatawag nya ako at pilit na pinapalabas ng bahay.  Ayoko!  Belat!  Kahit kaladkarin nyo ako hindi ako sasama sa inyo!  Nakita ko ring namumula ang pisngi nya at maryosep ang cute ng smile nya.  Sa sobrang hiya ay pumasok ako sa kwarto at hindi na lumabas.

Sa tuwing maaalala ko ang kwentong ito napapangiti ako.  Naaalala ko kasi ang crush ko sa kanya.  Ang asaran at kulitan na nauwi sa gustuhan.  Hindi ko alam kung ano ang isasagot niya kung siya na ang tatanungin sa tapatan sa bayan.  Pangalan ko kaya?  Hindi ko na siguro iyon malalaman.  At di ko na rin malalaman kung bakit pilit nya akong pinapalabas ng bahay, ano bang sasabihin nya sa sinulat ko? 

Ano ang nangyari sa love story kong ito?  Syempre wala.  Lumipas din kasi ito kagaya ng ibang kwento ng childhood sweethearts.  Hindi ko na siya kinakausap at lagi ko siyang iniiwasan.  Sa school nagngingitian kami pero hindi namin iyon kahit minsan pinag-usapan.  Basta ang alam ko mula noon lagi na nya akong tinitingnan ng seryoso.  Parang bumabaon nga sa balat ko ang mga tingin nya nakakaloka talaga.  Pero walang nangyari sa mga tinginan na iyon.  Basta bigla nalang di pinag-usapan at pinagkatuwaan kahit ng mga kalaro namin.  Parang nagkaroon ng news black out.  Siguro ayaw nila akong mapahiya. 

Nakakatuwa ngayong nagbabalikl-tanaw ako sa kabataan ko, nagawa ko pala yun.  Isinulat ko sa isang notebook na puro drawing ng cartoons ang nararamdaman ko para sa kanya.  At kung naging matapang lang ako baka nalaman ko ang sagot nya sa sinulat ko… Sa ngayon may girlfriend na siya parang model sa ganda.  Hindi ko tuloy maalis isipin kung kahit minsan ba kahit minsan lang, mula sa kawalan, bigla nya kayang naaalala ang kwento na ito?  Naaalala pa kaya nya ako?  Siguro hindi na no? tsk…  

Sana hindi nila mabasa ang kwentong ito kasi sobrang nakakahiya pa rin hanggang ngayon ang kagagahan ko… hehe…