Tatlong Lihim
Ang malungkot na mukha ni Marl ang sumalubong sa akin. Sa unang tingin at kung hindi ko siya kilala, iisipin kong tunay siyang lalaki. Hindi naman naging lihim ang kanyang kasarian at pagiging kabilang sa tinatawag nilang third sex. Di rin ito naging dahilan upang iwasan siya ni Rey. Si Rey, hindi ko na itatanggi, ang pinaka-gwapong estudyante sa aming paaralan. Agaw pansin ang kanyang makapal na kilay, matangos na ilong, at may kaitiman. Nagsisimula na rin magkahugis ang kanyang katawan. Halos dalawang taon na ang nakalipas nang una kaming magkakilala. Nasa third year ako ang lumipat sa paaralan nina Rey, maging si Marl ay bagong lipat rin.
Iyon ang nakaraan. Sa kasalukuyan ay ilang araw at buwan na lang, magtatapos na kaming lahat sa highschool. Mabilis na tumakbo ang kamay ng orasan sa harapan ng klase. Nagsiuwian na ang lahat maliban kay Rey. Bago ko pa man marating ang gate ng paaralan, natanaw ko pa ang bukas na ilaw sa opisina ni Mr. Cruz. Siya ang aming adviser at isa rin siyang binabae. Kakaiba talaga siya, maliban sa kanyang nunal sa likod na tenga na laging napapansin kapag siya ang nagsusulat sa pisara, ay kumulat noon na nakabuntis siya ng kaklase niya sa kolehiyo. Ngunit hindi niya pinanagutan ang babae. Iniwan at pinabayaan ang kanyang mag-ina. Kung totoo man ang balita ay kasinggulang na namin ang kanyang anak.
Araw ng sabado kinabukasan. Walang pasok. Walang paulit-ulit na mukha ni Mr. Cruz ang aking makikita. Inutusan ako ni tita na magtungo sa palengke. Tulad ng mga nakaraan araw, naroon pa rin ang tambak ng basura sa labasan. Ang mabahong tubig na umaagos sa basang kalsada. Ang masansang na amoy ng isda ay bit-bit na rin ng mga taong labas-pasok sa palengke. Nakasalubong ko sina Rey at ang kasintahan niyang si Ann. Namumula ang mga daliri ni Rey habang bitbit ang mabibigat na plastik at ang sakong puno ng bigas, tantiya ko’y sampung kilo ang laman. Isang ngiti ang binitiwan ni Rey sa akin. Di rin kami nakapag-usap dahil ayaw tumigil ni Ann sa paglalakad. Malayo na ako sa kanila ngunit natanaw ko pa rin ang ginawang paghalik ni Ann sa isang binata. Di na ako nagtaka kung di iyon pinansin ni Rey. Talagang malandi lang talaga ang babaeng pinili niyang mahalin. Nagmana yata sa ina niyang pokpok.
Dahil malapit lang ang palengke sa barung-barong ni tita, nagpasya akong maglakad pauwi. Makalipas ang ilang sandali ay namalas ko ang kubo sa tabing dagat. Iyon ang tagpuan namin tatlo. Tulad ng inaasahan ko si Marl ang pinakaunang dumating. Bago ko siya nalapitan, napansin ko ang panyong hawak niya habang pinagmamasdan ang malawak na dagat. Tulad ng mga nakaraan araw, bigla na lang tumulo ang kanyang mga luha. Ngunit di niya ginamit ang panyo, bagkus ay lalong humigpit ang kanyang paghawak dito. Naramdaman niya ang aking pagdating kaya pinawi niya ang luha gamit ang kamay at sa akin lumingon. Isa na naman pilit na ngiti. Naging mabilis ang aming pag-uusap. Di na rin ako nag-usisa at nagpanggap na walang nakita bago siya lumingon.
Bago ko narating ang bahay, nadaanan ko pa ang mga batang naghahabulan sa lansangan. Ang iba nama’y nilalaro ang maruming tubig na naiwan ng ulan kagabi. Nang akin nang ipapatong ang aking paa sa unang baitang ng hagdan, narinig ko ang tinig ni Mang Ador. Siya ang asawa ni tita. Minsan lang siya kung umuwi at sa bawat minsan iyon, nakakaramdam ako ng takot. Nagpatuloy ako pagpanhik hanggang sa marating ko ang pinto. Nilingon ko siya sa may kanan ng mesa habang isinusubo ang kanyang pagkain. Nginitian niya ako ngunit inalis ko ang aking tingin sa kanya. Lumabas sa kanyang silid si Lea, ang aking pinsan. Siya ang kaisa-isang anak nina tita at Mang Ador. Minsan lang din siya kung umuwi. Agad niya akong niyakap at dinala sa kusina.
Muling nagsimula ang buhay namin bilang mag-aaral. May tuksuhan sa loob ng silid ng dumating ako. Tuksuhan kina Arlene at Marl. Doon ko naalala noong makita kong nag-uusap sila sa ilalim ng malakas na ulan. Tila galit ang langit at nagpakawala ito ng matalim na kidlat. Nababasa ko ang galaw ng labi nila. Di ko rin malimutan kung paano tumama ang sampal ni Arlene kay Marl na tumapos sa kanilang usapan. Dumating na si Mr. Cruz kaya natigil ang kaguluhan. Tahimik na ang lahat. Ikinalat niya ang paningin na para bang may hinahanap. Tumigil ito kay Rey at bumasag sa maamong mukha ng aking kaibigan. Ito ang palagi niyang reaksyon gayung halos araw-araw itong nangyayari. Tila ba nagkakaroon ang dalawa ng usapan sa pamamagitan lang ng kanilang mga mata.
Bumalik sa isip ko si Marl. Nasa bandang harapan ko lang siya. Tahimik siyang tao. Hindi siya iyong tipong una kang kakausapin o magbabahagi ng kanyang iniisip o nararamdaman. Natapos agad ang klase. Naiwan na naman si Rey. Bukas din ang ilaw sa opisina ni Mr. Cruz. Sinadya kong sumabay kay Marl sa pag-uwi. Sinubukan ko siyang kausapin tungkol kay Arlene. “Ano ba ang meron sa inyo ni Arlene?” paglalakas loob ko kahit na alam ko na ang isasagot niya. “Ayokong pag-usapan.” Hindi pa rin ako nakinig. Kaya tumaas ang boses ni Marl. Tuluyan ko na siyang nagalit. Hinawakan ko siya sa balikat ngunit tinapik niya ito. Nakita iyon ni Rey na nakasunod na pala sa amin. Nagkasagutan silang dalawa. Nagulat ako at walang nagawa. Iyon ang unang beses na nakita ko silang nag-away. Naging komplikado lahat dahil lang sa aking pagpupumilit. Iba ang pinagmumulan ng kanilang mga damdamin. Hindi sila galit sa isa’t-isa. Hindi nila ako pinakinggan kahit na inaawat ko na sila. Sariling gumalaw ng aking palad patungo sa kanilang pisngi. Tumigil ang oras. Mabilis kong nilisan ang lugar.
Ilang araw ang lumipas at di pa rin kami nag-uusap. Naisip kong baka kailangan lang namin gumawa ng distansya at panahon para malimutan ang nangyari. Di ako tumuloy sa kubo nang matanaw ko si Marl. Nakatayo pa rin siya sa harap ng malawak na dagat. Mas mabigat ang kanyang pagluha. Nakapatong ang dati hawak-hawak niyang panyo sa kanyang mga libro. Naramdamn ko ang lungkot ni Marl habang pinagmamasdan ko siya sa di kalayuan. Tila pinaparusahan niya ang sarili habang nilalakbay ang kawalan. May napansin akong ilang butil ng dugo sa likod ng suot niyang damit. Nais ko sanang lumapit ngunit naisip kong hindi pa iyon ang tamang panahon. Nagdesisyon akong umuwi na lang. Makakasulabong ko sana si Rey kasama ang kanyang kasintahan kaya agad akong nagtago sa likod ng isang pader. Di sinasadyang narinig ko ang kanilang pagtatalo. “Hanggang kailan mo ako titiisin.., ang mga ginagawa ko?” tanong ni Ann. Hindi sumagot si Rey. “Umiiyak ka rin ba dahil sa akin? Nasasaktan ka ba kapag hahalikan ko ang iba? Sumagot ka! Sabihin mong oo. Sabihin mong nasasaktan ka at umiiyak.” patuloy niya. Wala pa rin imik si Rey. “Gusto kong umiyak ka! Iyak! Umiyak ka Rey! Masaktan ka!”. Hindi ko maintindihan ang sinasabi ni Ann. May nagtulak sa akin para tingnan ang dalawa. Itinapon ni Ann sa kasintahan ang dala niyang softdrink. Mahina si Ann kung ikokompara kay Rey ngunit hinahayaan niya itong mangyari. Sunod na tinanggap ni Rey ang sampal ng kasintahan. “Hindi ako titigil na iparamdam sayo kung gaano kasakit ang mga ginawa mo sa akin noon” paalam ni Ann. Pinagmasdan ko lang si Rey. Hindi ko magawang lumipat at damayan siya.
Malalim na ang gabi nang marating ko ang bahay. Tahimik lahat. Wala ng mga batang gusgusin ang naglalaro sa lansangan. Mga aso na lang ang pagala-gala sa buong paligid. Alas dose ng gabi, di pa rin ako dinadalaw ang antok. Naglakbay ang isipan ko sa nakaraan bago pa man matapos ang ikatlong taon namin sa highschool. Nagpatulong ang aming punong-guro sa akin na ayusin ang ilang dokumento sa kanyang opisina. Panandalian siyang umalis kaya nagkaroon ako ng pagkakataon tingnan ang grado namin kahit na alam kong bawal. Sinimulan ko kay Rey. Mahina siya klase. Halos lahat na kanyang grado ay bagsak. Akala ko nga’y mapag-iiwanan namin siya. Mahilig sa barkada at laging tambay sa labas ng paaralan. Subalit, marami na rin ang nagbago sa kanya ngayon. Tumino siya sa pag-aaral kahit na paminsan-minsan ay di pa rin maiwasan bumalik sa dati. Hindi na siya ang dating Rey. Sunod kong hinanap ang grado ni Marl kasama ang ilang dokumento na kanyang ipinasa noong pasukan. Hindi na ako nagtaka. Matataas ang kanyang grado. Salungat kay Rey, halos walang nagbago sa kanya. Pamilyar sa akin ang lugar kung saan siya nakatira noon. Minsan ko na itong narinig sa isang usapan. Sigurado akong hindi iyon mula kay Marl dahil hindi naman siya nagkukwento tungkol sa kanyang pinagmulan o kanyang nakaraan.
Bumalik ang isipan ko sa kasalukuyan sa pagdaan nang maingay na sasakyan ng bombero. Maaring may sunog na naman sa kabilang bayan na hindi na bago. Muling naglakbay ang isip ko sa ibang panahon, ibang lugar, at ibang sunog. Ayon sa kwento ni Arlene, sa sunog namatay ang kanyang mga magulang at dalawang nakakatandang kapatid. Magkasunod ang sunog na nangyari sa bayan tinirhan ng kanyang pamilya. Wala siya roon. Matagal na siyang naninarahan dito sa aming lugar kasama ang mga umampon sa kanya. Kahit na may sama siya ng loob, naging masakit pa rin kay Arlene ang pagkawala ng mga taong lagi niyang pinapangarap na makasama. Pakiramdam niya ay pinagsakluban siya ng langit at lupa. Ilang araw din siyang tulala at wala sa sarili pagkatapos ng libing. Naging mabigat na ang aking mga mata. Sa wakas ay nakaidlip na rin ako.
Kinabukasan ay araw ang Sabado. Kakaiba ito sa mga lumipas na araw. Ang paa ko’y nais hanapin si Marl at Rey. Nais nang puso kong humingi ng tawad. Gusto ko silang makita. Ramdam ko ang pangungulila. Akala ko’y higit sa sampung taon kaming di nagkita. Dumaan ako sa kubo ngunit wala si Marl. Hindi ko rin nakita si Rey sa bahay o sa tambayan nila ni Ann. Sa unang pagkakataon ay nilakad ko ang buong bayan ngunit walang Marl o Rey akong natagpuan. Di ko na inalintana ang init at gulo ng kalsadang aking dinaanan. Makalipas ang ilang sandali ay natanaw kong muli ang kubo sa tabing-dagat. Walang ingay ang hampas ng alon. Ni walang hangin ang naglalakbay. Natatakpan na rin ng makapal na ulap ang asul na langit. Narating ko na ang kubo at walang palatandaan na may nanatili. Tama ako. Kakaiba ang araw na ito at hindi ako handa kung may mas kakaiba pa ang mangyayari. Lumalalim na ang gabi ngunit wala man lang dumating sa kanila. Inisip kong baka may gagawin sila upang kami ay magkabati. Ngunit ayaw ko rin umasa. Binuksan na ang ilaw sa tabing-dagat upang magbigay liwanag sa paligid maging sa kubo. Sa aking pag-uwi ay nagbakasakali akong makakasulubong ko kahit isa man lang sa kanila pero narating ko na ang bahay, wala pa rin. Sa di kalayuan, isang grupo ng lalaki ang nag-iinuman. Tahimik ang bahay. Wala si tita dahil inihatid niya pabalik ng syudad si Lea. Si Mang Ador naman, ang alam ko, ay nasa trabaho pa.
Pagkatapos maghapunan, agad rin akong nagtungo sa aking silid. Biglang bumagsak ang ulan na kanina’y mabigat na tubig sa ulap. Sinundan ito ng pagkawala ng kuryente. Malakas ang hangin at maaring may naputol na puno. Mas masungit ang panahon. Malamig ito kaya agad akong dinalaw ng antok. Mas lumamig pa habang lumalalim ang gabi. Bumangon ako at kinuha ang kumot sa aparador. Bago ko pa marating muli ang kama, nagpakawala ng matalim na liwanag ang langit. Isang anyo ng tao ang nabuo sa aking harapan. Agad akong umatras ngunit sumunod siya. Muling nagliwanag ang paligid. Bigla niya akong hinila at itinulak pahiga sa kama. Ipinatong niya ang kanyang hubad na katawan sa aking dibdib. Pinilit niya ako. Sumigaw ako ngunit mas maingay ang ulan. Isang demonyo ang ngayo’y umaangkin sa aking katawan. Pilit niyang tinanggal ang aking saplot. Naramdaman ko ang paggapang ng kanyang kamay. Amoy ko pa ang alak sa kanyang hininga. Malakas siya sa kabila ng kanyang kalasingan. Muling nagpakawala ang langit ng masungit na liwanag. Unti-unti ko nang naramdaman ang sakit. Pilit akong kumala ngunit ang panghihina ko’y sukdulan na. Tinalo ako ng isang halimaw. Wala akong nagawa. Huli kong naramdaman ang pagtulo ng luha sa aking pisngi.
Umaga na ng imulat ko ang mabigat kong mga mata. Hubad. Wala na ang aking pagkababae. Malapot na dugo ang dumungis sa kalinisan ng aking kama. Ito ang nagpapaalala sa ginawa ng halimaw sa akin. Walang humpay pa rin ang pagbuhos ng aking luha. Hinang-hina na ako. Tinanggalan niya ako ng lakas. Buong araw akong naligo at nagbabad sa tubig subalit di pa rin matanggal ang pandidiri ko sa sarili. Nagtaka si tita sa mga ikinilos ko ng dumating siya. Takot ang kasabay ng kadiliman nang bumalot itong muli sa paligid.
Nang sumunod na araw, balik paaralan na kami. Pakiramdam ko nabubuhay na lang ako para gumalaw, kumain at matulog sa gabi. Maingay ang nakikita ko pero hindi ang naririnig ko. Ang tinig ni Mr. Cruz ay kawalan. Naroon sina Marl at Rey. Gusto kong magsumbong. Gusto kong yakapin sila. Namanhid ako. Di ko magalaw ang aking labi. Pumatak na naman ang luha sa aking mga mata habang nakatingin sa kanila. Umikot ang paligid. Sinundan ng kinatatakutan kong kadiliman. Sa bahay na ako nagkamalay. Sa aking silid at nag-iisan. Ayon kay tita, nang kami mag-usap ay hinatid ako nina Marl at Rey.
Makaraan ang ilang araw, di pa rin ako pumapasok sa paaralan. Takot ang pumipigil sa akin para magsumbong. Nagbanta ang halimaw. Ayaw kong may madamay pa. Wala ang halimaw. Wala siyang alam sa biglaang pagdating ni Lea. Maraming sinabi ang aking pinsan sa akin. Tumango lang ako ng makiusap siyang sa aking silid siya matutulog mamayang gabi. Nagpaalam akong magtutungo sa tabing-dagat. Di pa man ako nakakalayo, narinig ko ang boses ng halimaw. Akala ko’y guni-guni ko lang subalit natanaw ko siyang nagpapakalunod na naman sa alak. Dali-dali akong naglakad. Nawala sa isip ko saan ako papunta. Ang kailangan lang ay makalayo ako.
Ang pulang araw ay matutulog na. Makapal at maitim ang ulap. Walang ibon rin ang naglalakbay sa mahinang ihip ng hangin. Wala na naman tao. Tumayo ako sa labas ng kubo. Tulad ni Marl, pinagmasdam ko ang munting alon humahampas sa buhangin. Naging malabo na ang paligid dahil sa luhang naiipon sa aking mga mata. Isang mahigpit na yakap ang nagmula sa aking likuran. Sumabay na rin ang langit sa aming pagluha. Hindi ko alam kung alam niya ang nangyari. Ang mahalaga ay nariyan siya para dumamay. Ito ang higit kong kailangan. Kumawala ako sa pagkakayakap sa kanya at humarap. Pangalan lang niya ang paulit-ulit kong nasambit. Muli kong niyakap si Marl. Nakita ko sa kanyang likuran si Rey. Nakatingin lang siya sa amin.
Nagpatuloy ang ulan sa pagbagsak. Mahabang katahimikan ang nakasama namin sa loob ng kubo. Tanging ang ulan at kulog ang lumilikha nang ingay. Nilingon ko si Rey na nakontintong panoorin ang munting dahon inaanod papuntang dagat. Huminga ako ng malalim bago nagtanong kung paano nila nalaman ang nangyari. Matagal bago sila sumagot. “Pagkatapos namin mag-usap ni Rey tungkol sa nangyari noong isang araw, naisip namin puntahan ka. Humingi ng tawad at kumustahin na rin. Hindi ka na kasi pumasok pagkatapos mong himatayan sa klase.” paliwanag ni Marl. “Nakita namin siyang lasing na lasing at wala sa sarili habang kausap ang kainuman. Narinig namin ang iyon pangalan.” pagpapatuloy ni Rey. Alam kong ang halimaw ang kanyang tinutukoy. “Tama na yan. Hindi na mahalaga kung paano namin nalaman. Mas importante maisumbong natin ang nangyari sa mga pulis.” pagputol ni Marl sa mga susunod pa sanang salaysay ni Rey. Hindi na ako tumutol pa. Tama si Marl. Dapat magbayad ang may kasalanan. Hindi na ako natatakot. Talikuran man ako ng lahat, alam kong may mga kaibigan akong hindi ako iiwan. “Minsan na akong nagkamali. Hindi ko na hahayaan maulit ang pagkakamaling iyon ng mga taong mahalaga sa akin.” muling pangungusap niya. Lumipat siya ng upo sa aking tabi at niyakap ako. Hindi naging malinaw sa akin ang pahayag ni Marl. Ang sumunod niyang pangungusap ay nagbigay-daan upang makilala namin ang isa pang Marl at ang kanyang lihim.
Pasikat pa lang ang araw ng gisingin ako ng ingay ng paligid. Isang mangingisda ang dumaong at sinalubong ng ilang mamimili at mga tindera sa palengke. Mahimbing pa rin ang tulog si Rey. Kung paano kami nagkasya sa maliit na kubo ay walang may alam. Bumangon ako at hinanap si Marl. Nakita ko siyang mag-isang pinapanood ang walang haggang dagat kasama ang kanyang panyo. Panyo na dulot ay walang hanggan kalungkutan sa kanya. Sinariwa ng aking utak ang naging kwento ni Marl kagabi.
Bata pa lang si Marl, aminado na siyang hindi normal ang mundong ginagalawan. Hindi dahil meron siyang kapansanan tulad ng kanyang kapatid. Para sa kanya, may mali sa puso niya. May mali sa mga gusto niyang gawin at kung paano siya gumalaw. Ito rin ang dahilan kung bakit hindi sila magkasundo ng kanyang ama. Habang lumalaki ay mas napapalayo ang kanyang loob dito. Dumating pa sa puntong, hindi na niya maramdaman ang kanyang pagmamahal. Nag-aral siyang mabuti at siniguradong lagi siyang may parangal sa paaralan. Subalit ang kapalit ng bawat tagumpay niya at kabiguan. Sa araw nga raw ng kanyang pagtatapos sa elementarya, hindi dumalo o sumilip man lang ang kanyang ama. Matagal ng ulila sa ina si Marl. Namatay ito sa isang aksidente na isinisi rin sa kanya. Dahil din sa aksidente ay napilay ang kanyang nag-iisang kapatid na lalaki. Hindi pa rin sumuko si Marl. Sa kanyang paglaki mas nagawa niyang kontrolin ang sarili. “Kinailangan kong magpanggap. Mabuhay sa mundong hindi naman talaga ako kabilang” malungkot pa niyang sinabi. Tulad ng isang tunay na lalaki, nagkaroon siya ng mga barkada at kaaway na rin. Si Edward ang naging matalik niyang kaibigan. Sa kanya lang ipinagkatiwala ni Marl ang kanyang lihim dahilan upang maging mas malapit sila. Hanggang sa magkaroon ng mas malalim na ugnayan ang dalawa. Nagsimula iyon sa kanilang tuksuhan habang naliligo sa tabing-dagat. Dala na rin siguro ng kabataan, ang dating nakaw-halik lang ay nauwi sa pagtatalik. Ang pangyayari ng gabing iyon ang nagbukas ng panibago at pinakamalungkot na kabanata sa kanilang buhay. May nakaalam kasi ng nangyari sa kanila mula sa kalabang grupo at nagbantang ipagkakalat ito. Upang mapigilan ay nagpabugbug si Edward at nangakong hindi lalaban. At ang pinakamasakit, na nagpaluha kay Marl habang nagkukwento, ay sa kanyang harapan mismo namatay si Edward. Hindi niya nakayaan ang sakit at ang malaking sugat sa ulo. Gamit ang isang panyo, sinubukan niyang pigilan ang pagdurugo subalit huli na ang lahat. Tila sabay na huminto sa pagpintig ang mga puso nila habang nakayakap si Marl sa kaibigan. Nagkaroon ng imbestigasyon at nabunyag din ang kanilang lihim. Nakarating ito sa mga magulang ni Edward. Umabot sa ama’t kapatid ni Marl. Hanggang sa buong bayan na ang nakaalam. Dahil dito’y itinakwil at kinasuklaman siya ng kanyang pamilya. Nagpalipas siya ng gabi sa isang lumang bahay malapit sa dagat. Hindi ang mga pangungutiya at pagaalipusta ng mga tao ang dumurog sa puso niya, kundi ang tanawin tanaw niya habang nakaupo sa harap ng dagat. At dagdag pa ni Marl, hindi niya alam kong dala ng sobrang gutom, ginising siya ng ginaw at nakita niya ang kanyang ina. Kinanlung siya at pinatahan sa pag-iyak. Kinabukasan, isang balita ang tuluyan ng pumatay sa puso at isipan niya. Nasunog ang kanilang tahanan at kasama sa naabo ang kanyang ama’t kapatid. Ano mang naramdaman niya at kung gaano siya nasaktan ng mga sandaling iyon, ay hindi na niya nakayang ilarawan. Naging sapat na sa amin ni Rey ang mga luha at sakit na aming nakita. Nang sumunod na gabi, nakarinig siya ng usapan sa labas ng lumang bahay na kanyang tinutuluyan. Hindi na nag-isip si Marl. Isa lang gusto niyang mangyari, ang makapaghiganti. Nang muli siyang magkamalay, parehong balita ang kanyang narinig. Subalit sa pagkakataong ito, ibang bahay ang nasunog. Sa araw ng libing ng kanyang mga kaaway at mga magulang nila, patago siyang dumalo. Doon niya unang nakita si Arlene.
“Sana hindi na lang ako naging bakla” ang sabi ni Marl nang malapitan ko na siya. Hindi ako sumagot. Ang totoo hindi ko alam ang isasagot. Sandali niya akong nilingon at tiningnan ang kanyang panyo. “Isipin mo. Kung hindi ako naging bakla, tatanggapin ako ni itay. Walang mangyayari sa amin ni Edward. Walang makikita ang mga kapatid ni Arlene. Hindi rin sana siya tuluyan mauulila. At hindi mamatay ang nagiisang taong nagparamdam sa akin ng pagmamahal.” patuloy niya kasabay ng walang humpay na pagbuhos ng kanyang luha. “Huwag mong sisihin ang iyong sarili Marl. Wala kang kasalanan. Alam ko, may dahilan ang diyos – ” “Alam ko ang dahilan Niya.” Pagputol niya sa kin. “Gusto niya akong saktan. Gusto niya akong parusahan dahil bakla ako. Bakla! Bakla!” paguulit niya sa huling salita. Niyakap ko siya at pilit pinatahan. Natatakot ako sa mga maaring mangyari kapag nagpatuloy nang ganito si Marl. Ngunit paano ko siya tutulungan kong ako mismo, di magawang ayusin ang aking sarili?
Wala na si Rey ng bumalik kami sa kubo. Umalis siya ng di nagpapaalam. Inihatid ako ni Marl pauwi sa bahay. Nasa tapat na kami ng bahay ni tita at lalo pang bumilis ang pagtakbo ng puso ko. Tahimik ito na para bang inulila ng may-ari. Nagpatuloy ako sa pagpanhik ngunit walang sumalubong. Hinanap ko agad si tita. Naabutan ko siya sa may kusina. Nakaupo. Tulala. Umiiyak sa isang sulok. Ilan beses ko siyang tinanong pero di siya nagsasalita. Kumalat sa bahay ang sigaw ni Marl kasunod ng aking pangalan. Nagmula iyon sa aking silid. Pinuntahan ko siya at doo’y sinalubong ako ni Lea na walang malay sa aking kama. Hubad. Naliligo sa sariling dugo. Naalala ko ang nangyari sa akin ngunit naging mas mahirap ang dinanas niya. Si Mang Ador ay nasa kanyang tabi at wala rin damit. Naulit ang nangyari sa akin kay Lea. Si Marl ang naglakas loob na lapitan siya. Wala na siya. Iyon ang basa ko sa reaksyon ni Marl. Nagkamalay na ang kanina’y natutulog na si Mang Ador. Galit ang nagtulak sa akin para gumalaw. Agad kong kinuha ang malaking kahoy sa may paanan ng aking kama. Sinugod ko siya. Ilang beses ko man siyang nahampas, di ko na alam. Nanghina ako ng tuluyan. Pilit kong nilingon ang walang buhay na si Lea. Lumipas ang mga araw. Laing nagkukulong sa kanyang kwarto si tita. Dahil sa aking pag-aalala, nagpatulong ako sa mga kapit-bahay na sirain ang pinto. Subalit maging siya ay di na gumising ng umagang iyon. Wala na rin si tita. Wala na ang isa sa mga taong nagmahal at nag-aruga sa akin. Si Mang Ador naman ay nawala sa katinuan at dinala sa mental hospital.
Pagkatapos ng libing, kumalat ang balitang nasagasan si Ann. Nangyari iyon habang naglalakad siya ng lasing. Hindi niya kasama si Rey, na nalaman din namin hindi magtatapos sa taong ito. Wala siyang sinabi sa akin ng huling beses kaming magkita sa lamay nina tita at Lea. Pupuntahan ko na sana si Rey ng mapag-utusan akong kunin ang CD sa opisina ni Mr. Cruz. Tumawag siya at sinabing hindi makakarating sa practice. Maraming CD sa loob ng kanyang mesa. Kinailangan ko pang magbukas ng computer ubang subakan bawat isa. Nainis pa ako. Wala naman akong planong sumali sa practice nang hindi nakakausap ni Rey. Pagkasalang ko ng ikalawang CD, isang video nagsimulang lumabas sa screen. Nabigla ako ngunit mas nanaig sa akin ang galit. Si Rey ang nasa video, katalik ang isang lalaki sa loob ng opisina ni Mr. Cruz. Hindi. Hindi siya lalaki. Hindi man ipinakita ang mukha, kilala ko ang nunal sa likod ng kanyang tenga. Nang masigurado kong wala ng ibang video, agad akong tumakbo palabas ng paaralan.
Pagdating ko sa kubo. Nakita kong kasama ni Rey si Marl. Paglapit ko’y tumayo sila sa aking harapan. “Bakit mo siya hinayaan? Ba’t ka pumayag?” pahayag ko pagkatapos tumama ng aking palad sa mukha ni Rey. Tiningnan niya ako pababa sa bitibit kong CD. Huminga siya ng malalim bago nagsalita. “Nagsimula iyon nang minsan makiusap ako sa kanya para sa grades ko noong nasa third year pa tayo. Di ko alam na iyon ang kapalit ng aking pakiusap. Wala akong nagawa kundi pumayag. Huli na para humabol ako at siguradong babalik na naman ako sa third year. Pagkatapos ay inakala kong iyon ang huling beses. Nang tumuntong ako ng forth year, sinikap kong mag-aral ng mabuti upang di na ako makiusap sa kanya, upang di na iyon maulit pero nagkamali ako. Ginamit niya ang graduation para pilitin ako. Paulit-ulit sa tuwing maiiwan ako sa paaralan.” Namanhid ako habang nakikinig kay Rey. Namuo ang luha sa kanyang mga mata. “E bakit hindi ka na ga-graduate? Si Ann, ang alam ko anak siya ni Mr. Cruz. Ito ba ang dahilan kung bakit mo siya binalikan? ” tanong ni Marl. “Plano kong iparamdam sa kanya ang galit ko. Ginawa ko lahat ng gusto niya. Nagpa-alipin ako. At kapag nakuha ko na ulit ang kanyang loob, kapag mahal na mahal na niya ako, iiwan ko siya. Sasaktan ng higit pa sa ginawa ng kanyang ama sa akin. Ngunit sa bawat araw na kasama ko siya, natutunan ko na rin mahalin si Ann. Habang tumatagal lalo ko siyang minamahal. Hanggang sa natakot na akong saktan siya. Hindi ko siya kayang gantihan dahil lang naging anak siya ng taong pinaka kinamumuhian ko sa mundo. At dahil doon, pinili ko na lang makipaghiwalay sa kanya pero di ko inakalang mamatay siya.” mahabang sagot niya. Dumaan ang isang malamig na hangin. Ang mga hikbi ni Rey ay kumakalat sa buong paligid. Niyakap namin siya Marl. Hindi na ako nagtanong pa. Walang sinoman sa amin ang nais magsalita.
Dalawang linggo bago ang aming pagtatapos, inanunsyo ng mga guro ang tatanggap ng mga parangal. Tulad ng inasahan, si Marl na hindi pa rin dumadalo sa mga insayo ang nagkamit ng pinakamataas na puwesto – valedictorian. Pangatlo naman ang sa akin. Ang lahat ay masaya at di na makapaghintay. Tumaas pa ang tensyon sa pagdating ng mga pulis at hinahanap ang di pa rin nagpapakitang si Mr. Cruz. Ang alam ko’y hindi naman nagsumbong si Rey. Sinira at itinapon pa nga niya ng mga CD. Sinundan ko ang mga pulis patungo sa opisina ng aming punong-guro. Nagtago ako sa may pinto ng kabilang silid at nakinig sa kanilang usapan. “Sa kanya po ang plate number na ito ayon sa aming nakuhang record.” sabi ng matabang pulis na may hawak na papel. Tumango lang ang aming punong-guro bilang pangsang-ayon. “Kamakailan po ay nakasagasa siya ng babaeng lasing. Ang pagkakaalam namin ay inyo rin pong mag-aaral dito.” paglalahad ng ikalawang pulis. Bumalik sa akin ang nangyari kay Ann. Sigurado akong siya ang tinutukoy ng mga pulis na nasagasan ni Mr. Cruz.
Dinala ako ng aking mga paa sa kubo. Naroon sina Rey at Marl. Magkatabi at tila malalim ang pinaguusapan. May mga pagkakataon pareho silang tatawa pero mas madalas ang pagpinta ng mga kalungkutan sa kanilang mukha. Sa pagliit ng distansya ko sa kanila, mas napansin ko ang pamumula ng kanilang mga mata. Lalo na si Rey. Si Marl naman ay hinang-hina at namumutla. Umupo akong kasama nila sa buhangin. Sabay namin pinagmasdan ang paglubog ng araw sa likod ng bundok. Nagpapaalam ang kanyang natitirang liwanag.
Ilang oras bago ang programa para sa aming pagtatapos, nakasalubong namin si Arlene. Umiiyak at paulit-ulit na humihingi ng tawad. Napatunayan niyang ang mga umampon sa kanya ang sumunog sa bahay nila noon. Ginawa nila ito upang takutin sana ang kanyang pamilya at di na bawiin si Arlene. Ngunit hindi ito ang nangyari. Namatay ang kanyang mga magulang at kapatid. Hindi siya naniniwala noon kay Marl at sinampal pa ito. Inakusahan na gumagawa ito ng kasingulingan para sirain ang kanyang pangalawang pamilya at gusto lamang gumanti. Naalala ko ang pag-uusap nilang iyon. Binalikan ko ang kwento ni Marl. Noong gabing makarinig siya ng nag-uusap sa labas ng lumang bahay. Agad niya itong tiningnan at nakita ang mga umampon kay Arlene at dalawang lalaki. Patago niyang sinundan ang mga lalaki. Ilang sandali pa’y narating nila ang tahanan ng magkapatid na bumugbog at pumatay kay Edward. Hanggang sa magkaroon ng sunog. Hindi nagsumbong si Marl dahil kahit papaano daw ay nakaganti siya. Subalit nang makita niya ang sarili kay Arlene nang siya rin ay maulila, hindi na siya pinatigil ng kanyang konsensya. Hinanap niya si Arlene at pilit itinama ang pagkakamali, pero nabigo siya.
Nakisama ang panahon at hindi na umulan. May kalamigan ang ihip ng hangin kahit na tirik ang araw. Maayos naman nairaos ang aming pagtatapos. Dumalo rin Rey kahit na babalik siya ng forth year. Siya kasi ang tumanggap ng mga parangal ni Marl. Nag-alay din ng isang panalangin para sa mga taong hindi na namin makakasama sa panibagong mundong nagbukas para sa amin. Unang nagbigay ng minsahe ang ina ni Ann. Sinundan siya ng aming punong-guro para kay Mr. Cruz na namatay sa pagsabog ng kanyang sasakyan habang tumatakas sa mga pulis. Tinawag na ang aking pangalan upang basahin ang sulat. Ayaw gumalaw ang aking katawan. Alam ko kasing sa oras na buksan ko ang sulat babalik sa akin ang mga nangyari. Babalik sa akin na may isang Marl na dumating sa aming lugar. Naging kaibigan ko, namin lahat. Isang kaibigan na kailan man ay hindi na namin makakapiling. Hinawakan ni Rey ang aking kamay. Sinasabi ng kanyang mga tingin na kaya ko pero hindi. Hindi ko kayang sabihin na wala si Marl dahil sa isang malubhang karamdaman. Kinuha ni Rey ang sulat at siya na ang bumasa nito. “Sa aking mga kaklase at kaibigan, salamat. Salamat. Dahil sa inyo, hindi ko naramdaman mag-isa na ako. Sa aking mga naging kaaway o mga taong ayaw sa akin, salamat pa rin. Salamat dahil nalaman kong hindi ako perpekto. Sa aking mga guro, salamat. Kayo angnnagturo sa akin na ang mundo ay bilog. Minsan kailangan kong mapunta sa ibaba upang mapahalagahan ang mga oras nasa itaas ako. At sa aking mga magulang, salamat. Maraming salamat. Sa tuwing pagagalitan ninyo ako, mas naiintindihan ko ang ibig-sabihin ng pagmamahal. Kung may pinagsisisihan man ako, iyon ang mga araw na pinili kong maging malungkot. Muli ay maraming salamat sa lahat. At paalam.”
WAKAS

