Tayong Dalawa
Ako ang mga palad
na nananabik sumalo sa iyo
at ikaw ang ulan na laging hinihintay ko
saglit kong mahahawakan ang bawat lamig ng pagpatak mo
hindi kita maaring angkinin
at kusang sa lupa ikaw ay magtutungo.
Ako ang punong kahoy at ikaw ang bawat dahong
nawawalan ng sigla't unti unting natutuyo
hindi kayang pigilan ng aking mga sanga
mapipigtas ka mula sa akin,
at liliparin ng hangin papalayo.
Ako ang mga paang naglalakad tuwing hapon
sa dalampasigan
at ikaw ang mga alon na dumadampi sa aking paanan
hindi kita kayang yakapin kailanman
hindi kita kayang ipunin
magpupumiglas ka't, babalik sa karagatan
Ako ang damong ligaw na sumasayaw sa hangin
at ikaw ang langit na pinipilit kong aabutin
hindi ko kailanman mahahawakan ang iyong mga pisngi
sapagkat sa likod ng mga ulap
ay habambuhay kang nakakubli.
Ako ang pusong gabi-gabi sa iyong nag-aabang
at ikaw ang butuing natatangi't pinakamakinang
walang muwang kang nakatanaw
habang ako'y humihiling...
"sana ang mga butuin ay nakakarinig rin."
***********
adlesirc
09.24.2010


