Testamento
Kung ang ikaw ay isang bituing
Nakahandusay sa pinakamatayog
Na palapag ng langit
At ako, isang buwang
Nakasabit sa pinakamababang
Sampayan ng kalawakan,
Paano tayo nagkatagpo?
Paanong ang mga masisigabong mong sinag
At ang mga malalamig kong liwanag
Ay nagkasalubong, nag-krus, at hindi na muling bumitaw?
Paanong nagmahalan
Ang araw at gabi, kung ang dinikta ng tadhana’y
Kailanman ay hindi maaaring
Magsama sa iisang langit ang
Araw at buwan?
Kung gayon, maihahambing
Ang pagibig natin sa
Bukang liwayway at dapithapon,
Ang mga maiilap na sandali
Kung saan ang araw at buwan
Ay nagsasalubong, nagpupumiglas na magpangabot
Bago tuluyang maghiwalay.
Bukang liwayway, kung kailan
Tatangkain ng buwan na humalik
Sa araw bago ito tuluyang lumubog patungo sa kabilang dako ng mundo.
Dapithapon,
Kung saan ang haring araw ay
Numanakaw ng kakaunting
Panahon para masilayan
Ang kanyang reynang buwan;
Mga panahong naghahalo, nagsasama, at nagkakaisa ang lahat ng kulay ng kalawakan-
Bughaw, kahel, ginto, pula at puti-
Hanggang sa hindi na matukoy
Kung saan nagtatapos ang liwanag
At kung saan nagsisimula ang dilim.
Kung ganon, ang pagibig natin
Ay nagsisilbing testamentong
Nagpapatunay na wala
Kailanman ang pwedeng humadlang o magdikta
Sa tinitibok ng puso-
Kalikasan man, tadhana, o sarili.
Kung nagagawang mag-sama
Ng araw, na para sa araw,
At buwan na para sa gabi;
Kung nagagawang magsabay
At maghalo ng liwanag at dilim,
Wala sa mundong ito ang hindi kayang gawin o hamakin,
Para sa pagibig na wagas.
Si Karren Sena ay tapos ng AB Literature sa Unibersidad ng Santo Tomas. Nakuha niyang maging Cum Laude sa kapapa-pingot sa mga propesor, kadadala ng bag ng mga guro, paghila at pagtulak ng mga telebisyon papunta at pabalik ng Audio Visual Room, at sa pagtulog sa library ng higit pa sa oras ng klase. Miyembro din siya ng writers' guild, pero inutil siya't hindi naging aktibo. Ngayon ay tumigil na siya sa pagiging inutil kaya't nagtatangkang sumulat, at ibahagi ang sinulat sa madla. Kasalukuyang kumukuha siya ng MA sa Comparative Literature sa Unibersidad ng Pilipinas, at nag-aaral ng Nihongo sa Alpha language center.

