Text UNLITXT to 8888

| |

kung susundan ang progreso ng
lalim ng pagibig ko sa iyo
pwedeng tingnan ang registration
sa 8888.

sa umpisa ng pagiibigan
sulitxt15 ang gamit,
100 texts sa globe at tm
(hindi ko lang sigurado kung ilan
ang sa ibang network)
buong araw na usapan,
buong araw na palitan ng ka-kesohan,
kulang na pala ang 100 texts
hindi naging sapat ang sulitxt15
sa sobrang dami ng mga mensaheng
pumapasok at lumalabas,
bawat tunog ng telepono
may dalang mga salitang
tumutugis sa puso,
nagdadala ng ngiti sa bibig
hindi ko makakalimutan ang kilig--
'hangin ka ba? kasi hindi ko kayang
mabuhay ng wala ka.'
'eh dagat ka ba? kasi nalulunod
na ako sa iyo.'
'sony ericsson ka ba? may smile
shutter ka yata eh, kasi you can
always capture my smile'
kilig na pilit kong kinitil
dahil inakala kong hindi sapat
ang salita para patibukin ang puso--
salitang hindi ko man hinayaang magpakilig
ay nagdulot parin ng walang humpay
na ligaya

lumalim ang pagmamahalan
mula sulitxt15 naging unlitxt20,
hindi na kailangang bilangin kung
ilang mensahe na ang pinapadala
hindi na kailangang pigilan ang mga salita,
hindi na kailangang limitahan
ang bilang ng mensaheng ipapadala
sa taong unti unti mong natutunang mahalin,
mga mensaheng unti-unting humaba
maiikling akda at tula para sa taong
nakabihag sa puso mo,
isang libong paraan para sabihing
'mahal kita'
isang libong salita para iparating
kung gaano kalalim
kung gaano kalawak
kung gaano kabigat
ang nararamdaman para sa taong
sumalakay sa bawat sulok ng
puso't isipan mo,
para ipadala ang isang libong salita
ginamit at sinulit ang serbisyong
hatid sa atin ng globe

naging siryoso ang pagmamahalan
mula unlitxt20, magiging mas matipid
kung unlitxt80
hindi kailangang magparehistro araw-araw
tipid pa ng bente pesos dahil ang
otsenta mo'y aabot ng limang araw--
(tinitipid din ba ang pagmamahal?)
kasama sa pagtipid ng bente pesos
(mas economical nga naman)
natipid ang lambingan
natipid ang suyuan,
napalitan ng mga simple ngunit
importanteng bagay
'magandang umaga mahal'
'nasa opis nako mahal'
'toxic dito lab'
'pauwi na ako lab'
'bahay na ako mahal'
'matutulog na ako mahal'
'mahal kita'
mga importanteng bagay na nagsasabi
kung sang dako na ng mundo naroon
ang iniibig mo,
importanteng bagay na naging parte
ng bawat araw mo, ibinabahagi mo
sa taong mahal mo
ngunit hindi mo maiwasang magtanong
nasaan sa unlitxt80 ang tamis at keso
ng suyuang naganap nung kayo'y
nasa sulitxt15 pa lamang

sa dalang ng suyuan,
ng kwentuhan
ng biruan
ng harutan
naisipan mong subukan ang bagong promo-
immortaltxt10
50 texts sa globe at tm, 10 sa ibang network,
ang catch? walang expiration.
kung rutina nga lang naman ang susundan
kung wala na ding suyuan
kung wala na ding palitan ng mahahabang
mensahe na nagsasaad ng laman ng puso
kung ang laman lang ng mensahe
ay mga simpleng (ngunit importanteng) bagay
mabuti na't wag nang piliting i-unli
dahil hindi na unli ang palitan ng komunikasyon.
saan nga ba naipagpalit?
nabawasan din ba ang pagmamahal?

sa tagal ng pinagsamahan,
hindi maiwasan ang magkabanggaan--
ang unlitxt20 ay muling nagamit
pero sa pakikipagpalitan ng mapapait na salitang
hindi pinagiisipan,
pusong nasaktan ang nanaig
sinaktan kaya't nanakit din
bawat pindot sa keypad ng telepono'y
may halong dabog,
bawat pagtunog ng telepono ay may dulot na kaba
'ano na naman ang sasabihin niya?'
bawat mensaheng dadating ay
may kargang armas na tutugis at hihiwa
sa puso't kaluluwa ng dalawang magkasintahang
hindi na maiwasan ang magkasakitan
ang unli ginamit para ayusin ang gulo,
ngunit ang bawat mensahe'y dala lamang
ay mas marami pang hinanakit
mas marami pang galit,
unlimited na din pala ang supply ng
sumbatan at gantihan

para sa paghilom,
unlitxt80 muli ang ginamit
isang linggong bangayan, ngayo'y
ginagamot ng bawat araw na nagdadaan
nariyan pa ang sugat, sariwa't nakabukas
ngunit unti-unting ginagamot ng
dahan-dahang palitan ng mga salitang
iwas sa gulo
sabihin mang 'mahal kita',
ramdam pa ang tensyon,
ang pag-iingat sa bawat
pagpapadala ng mensahe
nawala ang dating kalayaan na sabihin
ang anumang nais sabihin
bawat mensahe'y may dalang takot-
ayaw nang manakit, iwas gulo,
hinay-hinay ang paghilom sa
mga latay at sugat na nadulot
ng mapapait at matatalas na salita,
unlitxt80 muli ang gamit
para sabihing
'mahal pa rin kita'
'aayusin natin to'
unti-unting binabalik ang
'mahal, magandang umaga'
'opis na ko'
'bahay na ko'
ngunit nasan
nasan na ang panahong ginugol
nung simula pa lamang
nasan na ang matatamis na palitan
ng mga salita nung sulitxt15 pa lamang
nasan na ang malalalim na akda
ng unlitxt20
nawawala
nawawala
parang sana'y sulitxt15 nalang ulet--
ngunit hindi na maaaring bumalik
arankada lang, at walang atrasan

kung susundan ang progreso ng
lalim ng pagibig ko sa iyo
pwedeng tingnan ang registration
sa 8888
sana lang ay magawang ilagay sa unlitxt80
ang tamis at ligaya na dati'y pinagkasya
sa hamak na sulitxt15 at unlitxt20 lamang

 

http://orewatensai.wordpress.com

orewatensai

Si Karren Sena ay tapos ng AB Literature sa Unibersidad ng Santo Tomas. Nakuha niyang maging Cum Laude sa kapapa-pingot sa mga propesor, kadadala ng bag ng mga guro, paghila at pagtulak ng mga telebisyon papunta at pabalik ng Audio Visual Room, at sa pagtulog sa library ng higit pa sa oras ng klase. Miyembro din siya ng writers' guild, pero inutil siya't hindi naging aktibo. Ngayon ay tumigil na siya sa pagiging inutil kaya't nagtatangkang sumulat, at ibahagi ang sinulat sa madla. Kasalukuyang kumukuha siya ng MA sa Comparative Literature sa Unibersidad ng Pilipinas, at nag-aaral ng Nihongo sa Alpha language center.


manhater.xxiv's picture

HEHEHEHE.   Wala akong

HEHEHEHE.

 

Wala akong masabi. LABIT!

 

Sana ang pagmamahal ay IMMORTAL... Walang expiration. Ngunit sa ngayon, dahil wala pa akong mahal, magti-tiyaga muna ako sa regular load. :)

http://forcedengineer.wordpress.com

Piso para sa Pagibig!

Naku, sa regular load, piso kada text. Haha. Piso para sa pagibig na ito! :D Sana nga immortal ang pagibig no, walang expiration. Pero limitado ang load ng IMMORTALTXT eh. Hanggang sinkwenta lang. So may catch parin.

Mukhang laging may catch kahit sa pagibig. 

Salamat sa pagbasa at pagkomento! 

 

http://orewatensai.wordpress.com

joenard's picture

Pano pag other Country Pano mo e apply ang promo ng Pagibig?

Nahihirapan na kc ako sa long distance relationship...hehehe

 

 

Baka naman may alam ka!!! Kc mukhang kabisado mo ang promo ng mga network para matugunan ang suliranin ko...hehehe

 

----paalam-----

 

 

Ay nako naman, Kuya, eto

Ay nako naman, Kuya, eto ngang short-distance relationship eh medyo ruma-rocky road, pano pa ang long distance. Marami naman dyang promo ng mga network, pero kung mapapansin mo, grabe, mas mahal. Kahit sabihin pang may discount eh, mahal pa rin.

Mas malaki ang kailangan mong ipundar at ibayad para mapanatiling maayos ang long distance pagiibigan niyo ng irog mo. Hindi ko pa masabi, kasi wala pa ko sa sitwasyong yoon. (Pero malapit na, inay ko po).

Hindi ko masabi kung ano ang tunay na solusyon dyan sa suliranin na yan, pero ang alam ko, hangga't kayang kumapit, kapit ka sa ngalan ng pagibig na wagas. Sobrang hirap, alam ko, pero yun lang, kasama ng tiyaga at tiwala ang pwede mong panghawakan. 

Eh sana naman kahit napakaretarded ko ay nakatulong ako. Keribels niyo yan kuya. Sabi nga ni manong ted ito, 'huwag kang iiwas pag nabibigo, dapat nga lumaban ka.'

http://orewatensai.wordpress.com

joenard's picture

aLAM MO pag nakakabasa o nadidinig

ALAM MO pag nakakabasa  o nakadidinig ako ng payo di ko alam kung susundin ko ba o basta pakinggan ko na lang. Sa ganito kasing pagkakataon mas mahalaga sa akin ay ang kasalukuyan kong nararamdaman. P

"Palagi ko nga sinasabi mukhang papaubos na ang lakas ko, matagal na din akong nakakapit at matagal na din akong nagtitiis."

 

"Sana nga pera na lang ang nauubos sakin,..madali lng kitain yon..."

 

---------Pero ngayon, mabalik ako sa nararamdaman ko... gusto ko ng magtaksil!!!!tama!!! kasi alam ko sarili ko din naman ang makikinabang upang muling bumuhos ang ngiti ko.. bakit ko pipilitin ang sarili ko na maging masaya gayong expired na ang nararamdaman ko.?. Siguro nga, siguro nga nanghihinayang lang ako sa sinbi mong investment.. hay!!! di pa mandin yon naibabalik.. pero pasalamat pa din ako.. dahil sa investment na yon.. may pagibig akong nasalubong--- Simple lang panahon ko na sigurong mag isip para sa sarili ko..

 

 

salamat sa oras... at paalam

 

 

 -------3 taon na din kc-------