Trip to Quiapo -- Section Six: Writing 2. Istorya at Structure
30. Pagsulat ng Storyline.
Bago isulat o matapos isulat ang storyline ay may mga tanong na makakatulong.
Kanino ba ang istorya? Ano ang problema niya? Ano ang gusto niya? O ang hindi niya gusto? Aware ba siya tungkol dito? Ano ang gagawin niya? Paano nagri-react ang iba sa problema niya? At sa naisipan niyang solusyon? Ano ba talaga ang problema niya? Anong nangyari sa problema sa huli? Anong pagbabago ang nangyari sa kanya? Tungkol ba talaga saan ang istorya?
Minsan ayaw pa ring lumabas-labas ng istorya, maski anong tutok mo sa computer screen o sa papel.
Sa ganitong okasyon ay nakakatulong minsan ang speed writing. Basta mauupo ka lang at magsusulat nang mabilis ng pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari sa istorya. Walang responsibilidad na maganda o tama ang lumabas. Parang laro lang.
Ang nagti-take over ay ang maliit na tao sa loob mo. Dahil walang pressure ay nagiging madali.
Sa mga workshop ko ay may exercise na ang tawag ay dug-tungan. Magbibigay ako ng sitwasyon at dudugtungan ng unang estudyante. Na dudugtungan naman ng susunod. At ng susunod pa. Sa kadudugtong ay nakakabuo ng istorya.
Hindi importante kung maganda o hindi ang istorya. Madalas pa nga ay katatawanan lang. Ang importante, nai-exercise ang subconscious. Ang importante ay ginigising mo ang maliit na tao sa loob.
Puwede ka ring gumawa muna ng sentence outline saka mo gawing storyline.
31. Ang Sentence Outline.
Ang sentence outline ay isang de-numerong pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari sa istorya. Hindi mga description, hindi mga iniisip ng mga characters, kundi mga eksena. Kagaya sa speed writing at sa exercise kanina, gagawin mo ito nang wala munang kinu-correct o sinisensor. Basta pabayaan mo lang tumakbo ang mga pangyayari.
Halimbawa, ang May Nagmamahal Sa’Yo.
Ang story concept: isang disgrasyada, si Lorna Tolentino, ang matapos ipamigay sa pari ang anak ay nagtrabaho sa Hongkong bilang yaya. Pagka-lipas ng pitong taon ay nagbalik sa Pilipinas at hinanap ang sariling anak. May natagpuan siyang isang bata sa ampunan—ito nga ba ang anak niya o hindi?
Mag-iisip ka ngayon kung paano tatakbo ang istorya. Pag-iisipan mo ang problema ni Lorna tungkol sa paghahanap sa kanyang anak. Sa kaiisip, ang lalabas ay mga units ng mga pangyayari. Isang buong unit ang pamimigay ng anak. Isa pang unit ang pagtatrabaho sa Hongkong. Isa pang unit ang pagbalik at paghahanap sa sariling anak.
Sa kaa-outline mo sa papel ay ganito ang lalabas:
1. Disgrasyada si Lorna at pinalalayas ng inang si Gina Pareño. Ito man kasi ay disgrasyada noon.
2. Nanganak si Lorna.
3. Hindi makaya ni Lorna ang pagpapalaki sa baby niya.
4. Binibihisan ni Lorna ang baby niya habang ipinaliliwanag dito kung bakit kailangan niya itong ipamigay.
5. Ibinibigay ni Lorna ang baby sa pari.
6. Nag-aapply si Lorna ng trabaho sa recruitment agency.
7. Natanggap si Lorna.
8. Nagpunta si Lorna sa Hongkong.
9. Nagtatrabaho si Lorna bilang yaya ng ibang bata sa
Hongkong.
10. Malungkot sa Hongkong si Lorna.
11. Sasabihin ng mga amo ni Lorna na aalis ang mga ito papun-tang Canada kaya mawawalan si Lorna ng trabaho.
12. Magpapaalam si Lorna sa batang inalagaan na napamahal rin sa kanya. Sa ikalawang pagkakataon ay mahihiwalay na naman siya sa isang bata.
13. Sa airport. Babalik ng Pilipinas si Lorna.
14.Babalik sa kanila si Lorna at makikipagkasundo sa ina. Naroroon din ang asawa nito, at ang kapatid ni Lorna sa ina na si Claudine Barreto.
15. Gabi. May maririnig si Lorna na batang umiiyak sa kapitbahay. Maaalala niya ang pagpapatulog noon sa sariling anak.
16. Magpapasama si Lorna sa kaibigang pulis, si Ariel Rivera, para kumustahin ang nangyari sa ipinamigay niyang anak.
17. Pupuntahan nina Lorna at Ariel ang paring pinagbigyan noon sa bata.
Habang ina-outline ang mga events ay unti-unti mo ring nalalaman kung anu-ano nga ba ang narrative threads na susundan mo.
Sa kasong ito, ang mga narrative thread ay ang kuwento ni Lorna ng paghahanap sa anak niya. Ang relasyon niya sa ina. At ang pag-iibigan nila ni Ariel.
Ia-outline mo ang mga narrative threads na ito para mag-interrelate sa istorya. Minsan ang ginagawa ko, ina-outline ko muna sa papel nang hiwa-hiwalay bawat narrative thread.
Ginagawan ko ng story arc. Eventually ay nagmi-merge din naman sila.
32. Foreground at Background Story.
Usually ay may dalawang levels ang istorya.
Ang first level ay tungkol sa main character at sa outer motivation niya. Ito ay kung paano hinanap ni Lorna ang anak niya, at eventually ang natagpuan niya ay hindi ang sariling anak kundi isang batang natutunan din niyang mahalin.
Ito ang foreground story. Nagri-rely ito heavily sa physical line ng kuwento. Naririto ang excitement at action. Dito natin nakikita kung paano natalo ng bida ang kontrabida, kung paano niya napasagot ang nililigawan, kung paano niya nadiskubre ang nakatagong kayamanan.
Ang second level naman, ang background story, ay naka-focus sa inner motivation ng character. Sa totoong problema niya. Dito ang totoong problema ni Lorna ay ang inkapasidad niyang magmahal nang walang kondisyon, sa ina man niya o sa anak o kay Ariel. Kaya hindi pa siya totoong ina.
Sa paghahanap sa anak ay makikilala ni Lorna si Jacklyn Jose. Iniligtas noon ni Jacklyn ang anak ni Lorna sa mapang-abusong nag-ampon dito hanggang sa mamatay ito. Matututunan ni Lorna kay Jacklyn na wala sa dugo ang pagmamahal, nasa relasyong ini-establish mo sa isa pang tao. Sa ating lipunan ngayon, nasira na ang tradisyonal na family unit na nakabase sa biological ties. Tayo na ang gumagawa ng ties at ng pamilya.
Ang background story ay nagri-rely heavily sa relasyon ng mga character sa isa’t isa, at ng bida sa sarili niya. Naririto ang kanyang inner problem. Naririto rin ang tema at meaning ng istorya.
Mas plot-oriented ang foreground story, mas character-oriented ang background story.
Karamihan ng mga pelikula sa Hollywood at sa atin ay puro physical action lang ang kuwento. Para ka lang sumakay sa roller coaster. Tumili-tili ka pero paglabas mo’y wala kang dala. Walang malalim na meaning. Nasa background story kasi ang kung tungkol talaga saan ang kuwento.
Pero walang mas importante sa dalawa. Nai-entertain tayo ng foreground story at mas nakaka-identify naman tayo sa background story.
33. Mga Gamit ng Sentence Outline.
Parang X-ray ang sentence outline. Masusuri mo na agad ang skeleton ng buong katawan sa isang tingin. Wala muna ang mga nakakagulong buhok, laman, damit, alahas. Pinatatatag mo muna ang spine.
Makikita mo agad kung masyado nang lumiliko ang kuwento. O kung may mga eksenang umuulit, o di dapat magkatabi dahil parehong eksenang malalaki. O kung may dapat tanggaling eksena, o dapat idagdag.
Kung minsan ang problema sa isang eksena ay nalulutas sa pamamagitan ng pag-aayos sa isang naunang eksena. Baka kaya masyadong malambot sa Seq. 25 dahil ang problema ay nasa Seq. 14, hindi ipinakita doon ang motivation ng character.
Nakikita mo rin nang malinaw ang interaksyon ng foreground at background story. Baka sumobra ‘yung isa. Sunud-sunod ang highlights kaya wala nang panahon para i-develop ang relationships ng mga character. Kaya hindi na kapani-paniwala.
O baka naman nawakasan mo ang foreground story pero ang background story ay hindi.
Sa kaso halimbawa ng May Nagmamahal Sa ’Yo, hindi puwe-deng magwakas lang sa resolusyon ng paghahanap ni Lorna sa anak (natanggap na niyang patay na ang tunay na anak at mama-halin na niya ngayon ang batang napagkamalan niyang anak). Kailangan ding magwakas ang problema ni Lorna sa sarili at sa relasyon niya sa ina at kay Ariel.
Hindi na rin kailangan ang unang unit na nagpapakita kung paano nabuntis at pinalayas si Lorna. Puwede nang simulan ang lahat habang binibihisan niya ang anak at ipinaliliwanag dito kung bakit kailangan niya itong ipamigay.
Puwede ring tanggalin ang pag-apply niya at pagkatanggap sa recruitment agency. Puwede nang matapos ipamigay sa pari ang bata ay nasa Hongkong na siya, napamahal na sa batang inaalagaan doon.
Kailangan namang dagdagan ng eksena na nagpapakita kung paanong muli silang nagkita ni Ariel, ang pulis na dati niyang manliligaw.
Sa sentence outline ay nati-train ka upang mag-isip in terms of scenes. At ano pa nga ba ang trabaho ng scriptwriter kundi ang mag-isip ng mga eksena? Hindi ng mga descriptions, hindi ng magagandang mga salita, hindi ng mga shots na trabaho ng direktor.
Napakadali ring i-revise ang sentence outline. Isa o dalawang pahina lang kaya madaling palitan nang palitan.
34. Si Hulyong Manunulat at ang Kanyang Storyline.
Sa wakas ay proud na proud na natapos ni Hulyong Manunulat ang kanyang storyline. Pinabasa sa akin.
Kagaya ng sinumang manunulat, nginangatngat siya ng pangamba habang binabasa ko ang storyline.
Q: Anong palagay n’yo, Sir?
A: Maganda at complex ang character ng Taong Ibon. Gusto ko ‘yung habang tinutubuan siya ng pakpak ay nai-in love naman siya sa anak ng chief cook sa Malakanyang.
Q: Nagdesisyon akong gawing love story na suspense
na docu-drama.
A: Maganda nga ang kinalabasan. Gusto ko rin ang paghahalu-halo mo ng fictional characters at mga tunay na taong gaya ni Nora Aunor. Gusto ko rin na ginawa mo siyang supporting character lang.
Q: ‘Yung isang character ko kasing babae ay obsessed na fan ni Nora Aunor.
A: Gusto ko rin ang character ng batang si Elmo, ‘yung anak ng fan ni Nora Aunor. Napatay si Elmo ng stray bullet noong EDSA revolution pero hindi alam na patay na siya kaya gumagala pa rin sa mga kalsada ng EDSA....
Pero may ilan akong puna. Unang-una, hindi ganito ang pagsulat ng storyline. Masyadong prosy.
Q: Bakit, Sir, hindi ba para lang short story, ikukuwento mo lahat? E di siyempre, prosy.
A: Oo nga, pero ang short story ay tapos na trabaho. Nandoon na lahat. Ang storyline, summary lang. Sina-summarize mo ang isang bagay na hindi pa tapos. Kumbaga’y parang guide lang ito.
Kaya kailangan concise. Ilagay mo lang ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari. Kaya nga magandang device ang sentence outline.
Itong ginawa mo ay masyadong napakaraming descriptions, lalo na ng past ng Taong Ibon. Sinama mo pa pati mga iniisip at nararamdaman niya. Hindi cinematic.
Q: Show, don’t tell....
A: Oo. Saka itong ginawa mo e wala pang focus, series of dramatic incidents lang. Gaano man ka-dramatic ang buhay ng isang tao ay hindi pa rin istorya kung walang structure at walang meaning.
Palagay ko nangyari ito dahil hindi mo pa alam kung ano talaga ang problema ng Taong Ibon.
Q: Oo nga, Sir. Gusto ko kasing magsabay ‘yung problema niya at ng bansang Pilipinas.
A: Okey lang. Baguhan ka pa lang kasi, kaya gusto mong ilagay lahat. Pero eventually malalaman mo rin kung ano talaga ang gusto mong sabihin.
Q: Ayaw ko naman kasi ng masyadong plotty. Gusto ko modern. Hindi ba hindi na uso ngayon ‘yung masyadong melodramatic, ‘yung puro sampalan at confrontation?
A: Oo nga, pero kailangan mo pa rin ng istorya. Bibigyan mo pa rin ng beginning, middle and end. Magpo-focus ka pa rin sa kung tungkol talaga saan ang kuwento.
Q: Baka dapat kasi di ko na lang ginawang storyline e, dineretso ko na lang sa sequence treatment o sa script.
A: Ang storyline ay guide mo para ma-test ang boundaries ng story mo. Ano nga ba ang sakop nito at hindi sakop? Minsan, nalalaman lang natin kung tungkol talaga saan ang kuwento pag nasulat na natin ang storyline.
Isa pa, kailangang isulat mo dahil habang nasa isip ang istorya’y ito na ang pinakamaganda sa buong mundo. Because the mind has a way of justifying things, filling in the loopholes. Pero pag sinulat mo na, doon lalabas ang mga kulang at ang mga dumi. Kaya kailangang isulat, para makita ang mga kulang at malinis ang mga dumi.
Q: Anong maipapayo n’yo, Sir, ngayong iri-revise ko na ang storyline ko?
A: Fairy tales. Magbasa ka ng fairy tales. Doon ay malinaw ang foreground at background stories, ang main goal ng main character at ang problema, ang theme. At concise ang pagkakasulat.
Q: Bukod sa tinuturuan ka nitong maniwala sa fairies.
A: Binubuksan nito ang mga mata mo sa lahat ng posibilidad.
35. Rewriting.
Ang materyal gaano man kaganda ay dapat na tinatrabaho. Ini-imagine at isinusulat nang paulit-ulit para mabawasan ang mga taba, at mapatatag ang mga buto.
Writing is rewriting, sabi nga. Totoo.
Maraming mga writers, sa halip na i-rewrite ang natapos na draft ng storyline ay palit nang palit ng materyal. Naglalamyerda. Wala tuloy natatapos. Tuwing makikita mo sila ay may bagong materyal na sinusulat at gustong ipabasa sa’yo.
Minsan ay ginagawa lang nilang excuse ang masabihan sila ng iba na hindi maganda ang istorya nila para huwag na nila itong ituloy. Sa ganoon ay naiiwasan nila ang madugong proseso ng pagri-revise. Dahil madali ang mag-isip ng magagandang ideya pero mahirap ang mag-revise.
Sa pag-iwas na mag-revise ay naiiwasan din ng writer na harapin ang katotohanang hindi pa siya mahusay. Komportable na siya na nadadagdagan nang nadadagdagan ang mga hindi tapos na manuscripts sa cabinet, habang paulit-ulit niyang napapaniwala ang sarili na nagsusulat naman siya, maski wala nga lang natatapos.
Mas maaga mong nakikitang hindi ka pa mahusay, mas maaga kang huhusay. Ang unang hakbang sa pagiging mahusay ay ang tanggapin mong hindi ka pa mahusay. Kung hindi’y ano pa ang ihuhusay mo?
36. Pagpapabasa sa Iba.
Para kang asong may bagong panganak na mga tutang ideya, ayaw mong palapitin maski sino. Pero nakakatulong din nang malaki ang pagpapabasa sa iba.
Kung alam mong may kulang sa sinulat mo pero di mo alam kung paano reremedyuhan, mag-imbita ka ng mga kaibigan at magdamagan kayong mag-jamming. Mag-brainpick ka.
O kaya’y nandiyan ang telepono. Ang isang tawag sa kaibigan madalas ay nagbubunga ng maraming bagong ideya. At ng ibayong confidence.
Para handa ka nang sumuong sa larangan ng pagri-revise.
37. Pag-Evaluate ng Storyline.
Sa pag-evaluate ng storyline, tandaang framework lang ito, hindi pa tapos na trabaho kaya siguradong maraming kulang.
Hinahanapan natin ng maraming kulang ang storyline, hindi dahil mali siya o pangit kundi dahil inaalam natin ang lahat ng direksyong puwede niyang puntahan. Inilalantad natin lahat ng posibleng options. Parang rubber band siyang binabanat natin hanggang sa kung saan malapit nang maputol.
Isa pang dapat tandaan—ginagamit natin ang mga tanong na ito bilang checklist kapag tapos ka nang magsulat. Kinakalimutan mo lahat nang ito pag nagsusulat ka.
Puwede mong i-evaluate mag-isa ang istorya, o puwede kang humingi ng tulong sa mga kaibigan at katrabaho. Malaking tulong ang may kabatuhan ka.
Sa dami ng suggestions at inputs na darating ay posibleng malito ka at mag-panic. Tanggapin mo ang mga magagamit at itapon ang hindi. Sa huli ay ikaw lang ang makakaalam kung ano ang magwu-work at ano ang hindi dahil ikaw lang ang may overview ng gusto mong gawin.
Tungkol nga ba talaga saan ang kuwento? Anumang elemento—supporting character, subplot, eksena o sitwasyon—gaano man kaganda kung walang koneksyon sa istorya o sa tema ay dapat tanggalin. Kung me koneksyon naman, i-assess kung epektibo at kung may mga kulang pa.
Paakyat ba ang takbo ng istorya? Ibig sabihin, kung horror mas nakakatakot ba habang nagtatagal; kung comedy, mas lalo bang nakakatawa?
Sino ang nagtutulak ng istorya? Ang mga characters ba? O baka naman ikaw na nagsulat. Sabi nga minsan ni Lillian Hellman, plot is what the author wants to happen; story is what the characters want to happen.
Ilan sa mga posibleng problema ng storyline ay ang mga sumusunod. Ang iba dito ay ini-apply na natin noon sa story concept, pero may mga dagdag na.
1. Hindi nakaka-move ang istorya. Walang epekto. Walang energy.
Siguro dahil we don’t care about the main character or his/her problem. O kung nakaka-involve man ang problema niya, bland naman ang pagkaka-tackle. Siguro walang emotion na sinusundan ang takbo ng kuwento.
2. Hindi interesting. Siguro dahil walang bago sa istorya. Walang makuhang bagong meaning o insight tungkol sa tao, sa buhay o sa isyung tinatalakay.
3. Hindi credible. Baka kulang sa research. I-revise para maging kapani-paniwala.
4. Hindi cinematic. Nanatili sa literary level. O masyadong theatrical. O masyadong abstract.
Hanapin ang physical level ng istorya. O kaya’y hanapan ng physical equivalent ang istorya.
5. Mababaw. Wala sa gaan ng paksa ito kundi nasa pagtrato. Maski simpleng istorya ng ligawan o relasyon ng main character sa kanyang pet dog ay puwedeng lagyan ng laman.
Baka walang background story, puro foreground lang. Baka walang inner motivation ang main character. Siya pala ang mababaw.
Baka walang at stake para sa main character, o wala siyang relasyon sa iba pang mga characters. Baka kulang sa subplots.
6. Walang nangyayari sa istorya. Puro incidents lang. Maski maraming dramatic events ay hindi pa rin tatakbo ang istorya kung walang chance for the characters to grow or the theme to expand. Maggu-grow lang ang characters o theme pag may problemang kinakaharap.
7. Hindi na-exploit dramatically ang premise. Inilahad lang nang inilahad. Hindi hinaharap ng main character ang problema.
Gawing mas malakas ang kalaban o ang problema. Itaas nang itaas ang puwersa ng kalaban. Lagyan ng variety ang dumarating na mga problema. Huwag pare-parehong physical o psychological.
8. Walang focus. Kung saan-saan pumupunta.
Siguro dahil walang malinaw na central problem ang main character o ang pelikula. O masyadong maraming central problems.
Parang may dalawa o tatlong istoryang gustong kumawala at magkaroon ng sariling buhay.
Ano ba talaga ang gusto mong talakayin? Kanino ba talaga ang istorya? Nagsimulang kuwento ni Kulas, natapos na kuwento ni Maria. Sumisingit pa si Paula.
O baka hindi mo lang na-integrate ang mga narrative threads ng istorya. Puwedeng maraming nilalakbay ang ilog, basta’t lahat ay papunta sa iisang dagat.
9. Masyadong complicated ang plot. Masyadong maraming highlights at masasalimuot na twists and turns ang plot kaya nawawalan na ng panahong i-set up nang kapani-paniwala ang mga pangyayari. Tuloy ay nagiging nakakapagod at nakakalito.
10. Masyadong maraming gustong sabihin ang istorya. Tungkol sa women’s liberation at environmental protection at political corruption. Idagdag pa ang reyna ng mga -sion, ang oppression.
Iri-enforce mo ang totoong tema ng istorya. Ang hindi konektado dito, tanggalin.
11. Predictable. Kung ano ang inaasahan nating mangyari, iyon nga. Para lang nagbilang ng 1-2-3. Alam mo na ang kasunod na numero.
Ang trick dito, isipin mo kung ano ang mahuhulaan ng manonood na mangyayari. Saka bigyan mo siya ng iba.
12. Hindi cohesive ang iba’t ibang elementong ginamit sa istorya. Halimbawa, ang milieu na pinili ay hindi konektado sa istorya. O maraming elemento, gaya ng mga seksing eksena o mga subplots, na wala namang katuturan sa istorya.
13. Walang gitna ang istorya. Maganda ang ulo, maganda ang buntot, pero nasaan ang tiyan?
Madalas ito ang problema ng karamihang baguhang manunulat. Magaganda ang premise nila at alam na nila ang ending, pero hindi nila alam kung paano epektibong makakarating doon.
Palalain ang problema ng main character. Develop and complicate. Siguro walang subplots kaya ang main story at theme ay hindi nagri-reverberate. Kumbaga sa orchestra, pare-pareho ang tunog ng mga instrumento.
14. Sumobra ang subplots. O mas interesting ang subplot sa main plot.
15. Masyadong maraming supporting characters. Ano ito, piyesta? Bawat supporting character ay dapat nakakatulong sa central situation o sa main character. Kung hindi, ilipat sa cabinet mo ng characters for future use.
16. Hindi satisfactory ang ending. Masyadong madaling na-solve ang problema. Binigyan ng napakaraming problema ang main character tapos pina-solve sa Diyos, o sa kapalaran, o sa ibang tao. Wala tayong natutunan.
Madalas pag may problema sa storyline, mati-trace ito sa character.
Eto ang ilang problema involving characters:
1. Hindi tayo maka-empathize sa main character. O maka-sympathize man lang.
Siguro’y wala siyang at stake. O kaya’y wala siyang inner story o motivation. Baka wala siyang emotional baggage. Siguro hindi siya nagti-take action sa problema niya. Masyado siyang passive.
2. Too bland. Too good. Walang distinctive na personalidad. Bigyan mo siya ng depekto. Maski ang anghel nababalian ng pakpak.
3. Walang energy. Dapat isalpak mo siya sa problema para matauhan. Saktan mo siya. O kaya’y bigyan mo siya ng ka-deal na taong energetic. O ilagay mo siya sa energetic na milieu.
O kaya’y bigyan mo siya ng quirkiness. Pagawin mo siya ng mga bagay na makakasorpresa sa atin.
O kaya’y bigyan mo siya ng object. Retrato na lagi niyang dala-dala para maalala ang namatay na anak. O paboritong rocking chair.
4. Wala sa main character ang pinakamaraming emotional events, napunta sa ibang character. Ibigay sa kanya.
5. Hindi ang main character ang nag-solve ng pinakamalaking problema sa huli. Nanood lang siya o nakalimutan siya.
6. Hindi totoo ang character. Walang ganoong character sa balat ng lupa. Maski fantasy gawin mong totoo.
7. Dekorasyon lang ang character, walang ginawa.
This article is excerpted from the screenwriting manual Trip to Quiapo with permission from the author, Ricky Lee. Ricardo Lee, aside from being one of the premier scriptwriters in the Philippines is also a multi-awarded fictionist, journalist, and playwright. He is also one of the 100 Centennial Awardees of the Cultural Center of the Philippines, and a Gawad-Balagtas Awardee 2000 of the Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). You may know more about him at his site http://www.RicardoLee.com.
Ikaw pala yan Mae Ann? :)
Ikaw pala yan Mae Ann? :) Andito ka pa rin sa Pinas? Akala ko nangibang-bansa ka na. :) Yup tumango naman si Ricky hehe. Kaya salamat uli sa kanya. :) Saka okay lang na mag-post dito ng mahaba. :)
uy salamat dito!
meron ako nitong Trip to Quiapo talaga namang nakakatulong ng malaki ito
salamat sa pag post!
kanino mo naman narinig na nag-abroad ako...
kina kuya gerry ba, kay sir ricky o sa batch katorsef or all of the above? May mga anak kasi akong hindi puwedeng iwanan dito. Saka mas gusto ko pa rin dito kahit na anong mangyari.
Patulong naman ako. Kahit wala tayo sa writelit.com. Kasi nag-register na ko r'on. Saka, nagtanong sa 'yo tungkol sa company name. E di nag-create ako ng site sa www.bloggers.com. Tapos nag-register na rin ako sa AdSense. Next day, nalaman ko na na-reject ang application ko sa AdSense dahil down daw ang website ko. Nang pinuntahan ko gamit ang URL, wala. So naglog-in ako gamit ang gmail ko. Nakapasok ako pero sabi ro'n, di ko muna raw magagamit dahil suspected spam daw ang site ko. At kung gusto ko raw na magamit uli. I-click ko lang daw ang URL for review.
May pag-asa pa ba ang site ko sa bloggers o gawa na lang kaya ako ng iba?
False memory; AdSense and Blogger.com
Nakalimutan ko na kung sino nagsabi or baka mali lang memory ko. Baka nag-asawa na yung sinabi sa kin. :) Malamang si Jerry. :)
Re AdSense, Blogger.com hindi Bloggers.com -- without 's' -- kasi yung latter is a ping site. Yung Blogger.com is the same as Blogspot, so ang URL mo, for example, will be, antoneli.blogspot.com. Bago ka pala mag-apply, post ka muna ng ilang posts sa blog mo para may content na, tapos apply ka ulit sa AdSense.
ok salamat uli sa info...
sige magpo-post muna ako. Thanks uli!
hay salamat ito na ang
hay salamat ito na ang hinahanap ko. nawala kasi ang libro ko na ito.
salamat po sir noid sa pagpost....
"hinahangin ang talulot na malaya, mula sa bulaklak na sinta hanggang sa matabang lupa.. siya ay ligaya, musa ng pagkadakila.."
Another Helpful Tip from 'Trip to Quiapo'
Matagal na itong post na ito. Buti nakita mo. There's another excerpt from Ricky Lee's Trip to Quiapo -- Trip to Quiapo -- Section One: Mga Pundasyon
Thanks again to Ricky for allowing me to post sections from his book. :) Btw, Ricky is currently working on the release of his first novel, sometime in November. Watch out for that. :)
thanks for the news on Sir Ricky
glad to hear about the novel just as i was glad to hear about himala on stage. Aabangan ko 'tong 1st novel n'ya. Hhmmm, ano kaya ang plot n'ya? You got me into thinking, noid. Ano kaya kung humingi ako sa kanya ng advice 4 Nanowrimo?
Puwede rin. Pero ang mas
Puwede rin. Pero ang mas mahalaga ay isulat mo kung ano ang nasa puso mo at ikakaligaya mo. :)
Good Day Sir!
Good day SIr Noid,
Thank you very much of posting this Article, matagal ko na ring hinahanap sa ibang sites ang ganitong writing tips article. Hindi po kasi ako bihasa sa pagsusulat kaya makakatulong ito ng malaki sa akin at dagdag kaalaman pagsusulat, actually may nagawa na ako sa ibang tips ng article ni Sir Ricky Lee pero hindi pa lahat kaya medyo pumapalya ako tulad po nitong 2 kung gawa na nobela:
http://filipinowriter.com/sanay-ako-na-lang-part-one
at saka
http://filipinowriter.com/hanggang-kailan-maging-akin-ang-puso-mo
Pero i tried my best po dahil gusto ko po talagang maging bihasa sa pagsusulat.
Thank you very much Sir Noid for posting and especially to Sir Ricky Lee na nagbigay ng pahintulot to post this article.
Good luck sa iyong
Good luck sa iyong pagsusulat at gaya ng nasabi mo, maraming salamat uli kay Ricky. :)
Back to school...
I will print this out and read it to my heart's delight. :)
Ruthie







ang galing!
ngayon ko lang nalamang pumayag pala si Sir Ricky na i-publish ito rito at pumayag din si Dino na mag-publish kahit mahaba. Meron ako nito. Ang babait ninyo!