Trip to Quiapo -- Section One: Mga Pundasyon
1. Ang Pagpunta sa Quiapo.
Hindi ka tuturuan ng librong ito kung paano magsulat. Buhay ang gagawa n’on.
Kung naituturo ang pagsusulat, disin sana’y kasingdami ng tinapay ang magagandang scripts.
Hindi rin ibibigay ng librong ito lahat ng sagot. Kagaya sa tunay na buhay, walang iisang pormula sa pagsusulat. Ikaw ang maghahanap ng sagot.
Pero puwedeng i-share ng librong ito ang mga karanasan, mga kombensyon at mga technique na ginamit ng mga naunang writer sa iyo. Isi-share din ng librong ito ang mga karanasan ko sa pagsusulat sa pelikula at TV sa loob ng labingwalong taon, at sa pagtuturo ko ng scriptwriting at pagko-conduct ng workshop sa ganoon ding kahabang panahon.
May tatlong manunulat, lahat gustong pumunta sa Quiapo.
Ang unang manunulat, pag-aaralan niya ang daang ginamit ng mga naunang manunulat, at ito ang susundin niya. Makakarating siya sa Quiapo.
Pero ang ikalawang manunulat, may pagkakalog yata, umikot muna sa mga ilog at bundok at gubat, umiwas sa kombensyonal na daan, nakipagtsismisan pa sa kalye. Pinagtatawanan natin siyadahil madalas natatawa tayo sa mga nalilihis, tama man sila o hindi.
Hanggang sa makarating siya sa Quiapo.
Mas mahusay siyang manunulat kaysa sa una dahil nakadiskubre siya ng bagong daan papuntang Quiapo. Hindi magtatagal marami pang susunod sa kanya. Papatag ang landas na ginawa niya at magiging kasimbilis na rin ng unang daan.
Pero ang ikatlong manunulat, hindi rin siya sumunod sa rules. Aba, hindi lang kalog, baliw pa yata! Umikut-ikot din siya sa mga ilog at bundok at palengke at simbahan. Nagka-wala-wala pa! Muntik pang maholdap!
Pinagtawanan din na-tin siya. Diniscourage. Hang-gang sa makarating siya sa isang lugar. Hindi ito ang Quiapo kanina. Pero mapapaniwala niya tayo na ito ay Quiapo rin.
Siya ang pinakamahusay sa tatlong manunulat. Dahil may magic sa ginawa niya. Dahil ang mundo ng literatura, sining, at pelikula, pati na ang buhay natin, ay nagiging napakayaman at makahulugan dahil marami ang Quiapo.
Ang konseptong gumagabay sa librong ito ay ang prinsipyo ng pagpunta sa Quiapo. Pag-aaralan natin ang kombensyonal na daan papuntang Quiapo, kung paano gumawa ng mahuhusay at matatagumpay na scripts ang iba, pero kapag nagsulat ka na, kalilimutan mo lahat iyon, maghahanap ka ng sarili mong daan, o sarili mong Quiapo.
Dahil sa mundo ng sining ay walang iisang tama at naka-fix na approach sa pagsusulat, walang iisang standard sa kung ano nga ba ang magandang pelikula, o ang komersyal na pelikula. Ang lahat ay nagbabago at nag-i-evolve sa bawat kultura at sa bawat panahon. Kagaya ng iba pang porma ng sining, ang pelikula ay nabubuhay nang malusog dahil sa mga exception kaysa sa mga rules.
Ang rules ay nandiyan para sirain. Nagawa na nila lahat, ba’t mo pa gagawin? Nakarating na sila sa Quiapo, ba’t ka pa pupunta doon?
2. Ang Maliit na Tao.
Tumingin ka sa labas ng bintana. Ang makikita mo ay punongkahoy. Tumingin ka uli, ang makikita mo ay ang mga bunga, ang mga sanga, ang mga dahon, pati na ang kaliit-liitang kulubot ng puno, maski na malayo ka. Tumingin ka uli, ang makikita mo, maski wala sila doon, ay mga batang nakalambitin sa swing sa punongkahoy. O kaya ay matandang nagbabasa ng libro. O aswang na nakasilip. O tikbalang. Tumingin ka uli. Natutunaw ang punongkahoy. O kaya ay nagiging silya. O mesa. O lumilipad. O baka naman wala palang punongkahoy
doon.
Ang trabaho ng manunulat ay ang makakita, at ang ipakita sa iba ang nakikita niya. Kapag nakaharap tayo sa isang magic show, hindi tayo nakanganga lang sa harapan in enjoyment. Pupunta tayo sa likod dahil kailangang makita natin kung bakit may magic. At kung hindi tayo puwedeng pumunta sa likod, mag-iimagine tayo kung ano ang nasa likod. Tayo ang mga taong mahilig magpunta sa likod.
We have to see to see. Sa loob nating lahat ay may isang maliit na tao. Ang maliit na taong ito ang laging gustong pumunta sa likod, ang laging gustong makakita ng magic. Ang mahilig sa mga misteryo at kabaliwan.
Napakalungkot ng ating paglaki. H’wag kang lumabas, may momo. H’wag kang umakyat sa puno, baka pagkamalan kang tomboy. H’wag kang maglaro ng manika, magiging bakla ka paglaki. H’wag kang lalapit d’yan, kriminal ‘yan. O puta.
Ito ang tama, memoryahin mo. Ganito ang tula, memoryahin mo. Fill in the blanks, iisa lang ang tamang sagot.
Sa paglaki natin, lahat ng puwersa sa itaas na mas maka-pangyarihan sa atin ay nagkaisa sa pagbabawal sa ating humak-bang nang lampas sa dalawang unang hakbang. Kaya hindi natin nalaman na meron pa palang hakbang ikatlo hanggang ikasampu. Kaya lumiit nang lumiit ang mundong ginagalawan natin. Lumiit din ang maliit na tao sa loob natin.
Kaya makakita man tayo ng mga bagay sa palibot, lumabas man tayo sa maliit nating mundo, maliit pa rin ang ating nakikita. Dahil ang mga tunay nating nakikita ay base lang sa nakikita ng maliit na tao sa loob natin.
Kaya lagi nating sinasabi, hindi pa ako handang magsulat, kulang pa ako sa karanasan, hindi pa ako nakakapagbiyahe, o nakukulong, o nari-rape, o nakakatikim ng buhay. Pero nara-ramdaman natin na sa loob natin ay maraming kuwentong gustong makahulagpos, kaya pagbibigyan natin, magsusulat tayo. Pero pagkatapos ng unang pahina ay mananalo uli ang takot, mababansot uli ang maliit na tao, at hindi na naman natin itutuloy dahil hindi pa tayo handa.
Lumaki tayong mga kalahating bulag. May mga blinders sa mata. Kapag nagsulat tayo tungkol sa puta, ang sinusulat natin ay umiikot lang sa isang maliit na mundo na kung saan ang mga hakbang ay umaabot lang sa hakbang ikalawa. Kapag nag-interbyu tayo ng kriminal ay hanggang hakbang ikalawa din lang ang nakikita natin. Kaya nagiging stereotype at predictable ang ating mga characters.
Kailangan ang unti-unting pagtatanggal ng mga blinders.
Kapag nanonood tayo ng magagandang pelikula, o nagbabasa ng magagandang nobela, nagtatanggal tayo ng blinders. Kapag hindi natin tinatalikuran ang isang masamang karanasan, bagkus ay dinadamdam natin ang mga damdaming dulot nito, nag-tatanggal tayo ng blinders. Kapag nagsusulat tayo, maski di natin alam kung saan papunta ang sinusulat natin, basta gusto lang nating mag-explore, nagtatanggal tayo ng blinders. Kapag kinikilala natin ang sarili natin, kung ano tayo, kung saan tayo mahina at saan malakas, nagtatanggal tayo ng blinders.
Ang mga napag-aaralan natin sa mga libro, deretso lang sila hanggang utak. Pero pag napag-aralan at naranasan, lalo na kung natawa tayo o nasaktan, deretso sila hanggang puso at kaluluwa. Natatanggal ang mga blinders. Mas mahusay ang ikatlong writer kanina dahil habang nagkakawala-wala siya sa pagpunta sa Quiapo ay nadadapa siya, nasasaktan at nasusugatan. E saan ba tayo natututo kung hindi sa mga sakit at sa mga sugat? Ang process at ang karanasan ang importante, hindi ang output o pinatunguhan.
Brineak ka ng girlfriend? Damdamin mo. Nadi-depress ka sa mga nakikita sa kalsada? Namnamin mo. H’wag kang umiwas sa emosyon. H’wag kang tumalikod sa dilim. Piliin mo ang malunod. Don’t play safe. Ang mahusay na manunulat ay laging nakatayo sa bungad ng bangin. Pag pinagmuntik-muntikanan ka nang mahulog, doon ka matututo.
Dito manggagaling ang mga kasangkapang gagamitin natin sa pagsusulat, at sa pagpunta sa Quiapo. Ito ang magnu-nourish sa maliit na tao sa loob natin upang huwag tayong matakot magsulat. Dahil ang pinakaunang pipigil sa’yong magsulat ay ang sarili mo rin. Ang pinakakaaway ng manunulat ay ang sarili niya rin.
Ang pagsusulat ay isang act of faith. Takot kang tumalon. Gusto mong handang-handa ka na bago ka magsulat. Pero kailanman, maniwala ka, hindi darating ang panahong handang-handa ka na.
Habang nakatayo ka at takot tumalon ay magtiwala ka, maraming mga nakatagong puwersa sa palibot na handang tumulong at sumalo sa’yo, hinihintay lang na mauna kang tumalon. Saka ka nila tutulungan.
Kagaya ng character sa Field of Dreams, na sinabihang build it and they will come, ganoon ka rin. Tumalon ka at saka lang lalapit ang mga puwersang handang tumulong. Hindi ka mahuhulog.
At kung mahulog ka man, puwede mong tingnan ang view sa itaas. Puwede mong tingnan ang view sa ilalim. Puwede mong tingnang mabuti ang sarili mo. Puwede mong labanan ang walang katapusang pagkabulag.
3. Ang Konsepto ng Meron at Wala.
Imahinasyon ang pangunahing kasangkapan ng manunulat.
Isang sikat na manunulat na Ruso, si Vladimir Nabokov, ang nagsabi minsan: “Literature was not born the day when a boy crying ‘wolf, wolf’ came running out of the Neanderthal valley with a big gray wolf at his heels. Literature was born on the day when a boy came crying ‘wolf, wolf’ and there was no wolf behind him.”
Totoo. Ang literatura, o sining, o pelikula, ay tungkol sa mga naroroon, at sa mga wala doon. Ang imahinasyon ang nagtatahi. Kasing-importante ng naroroon ang wala roon.
Isipin mo kung gaano ka-boring ang isang pelikula na ibinigay na sa’yo lahat. Makakatulog ka. Gising ang kamalayan mo habang nanonood ng pelikula dahil sa mga laktaw, sa mga naroroon at sa mga wala roon.
Kagaya ng mga naririnig mo at hindi naririnig sa bahay sa Zapote St. sa pelikulang Kisapmata—mga pintong isinasara, mga bulung-bulungan sa dilim, mga lihim na hindi nasasambit. May sinasabi ang mga dingding at may pilit kang inaaninag sa mga anino.
O ang maliliit na galaw ng mga mata ni Nora Aunor sa Himala, may mga misteryong kailanman ay hindi na maaarok, mga tanong na hindi lahat mahahanapan ng sagot.
Ang mga eksena, images at tunog na naroroon, at saka ang mga wala, ang kombinasyon nito ang total na pelikula.
Noong bata pa ako, ang hilig ng tao ay magbasa. Hindi ibinibigay ng libro ang lahat kaya ang mga wala ay pinupunuan ng ima-hinasyon. Halimbawa, limang elemento lang ang naroroon. Ikaw ang magbi-bridge ng mga gaps. Ikaw ang magki-create at magri-recreate ng mga walang elemento. Sa gan’on ay nai-exercise ang imahinasyon. Lumalakas at nabubusog ito dahil sa kapupuno sa wala.
Ngayon, sa mga panahong ito, sobra sa dami ang mga elements, at lahat ay ibinibigay na sa’yo. Dahil wala ka nang panahong gumamit pa ng imahinasyon. Dahil napakarami pang ibang mga elementong naghihintay para bigyan mo ng pansin. Kaya nakaupo ka at tanggap na lang nang tanggap.
Nagiging passive ka. Nagugutom ang imahinasyon. Isang trahedya ng ating panahon, hindi na tayo marunong tumingin sa wala. Naiinip tayo pag may blangko.
Ni hindi na tayo marunong makinig. Pag nakikinig tayo ng kanta, kailangang may binubulatlat din tayong magasin, o kaya’y lilinga-linga tayo, o kaya’y babasagin natin ang lahat sa pamamagitan ng pagsasalita. Para tayong TV. Kailangang may commercial gaps. Hindi puwedeng tuluy-tuloy ang isang bagay. Nababalisa tayo. We do not know how to keep still.
Kaya hindi tayo natututong mag-focus. Maiksi ang attention span. Palakdaw-lakdaw tayo sa napakaraming bagay pero walang lalim. Walang tutok.
Pero kung magsusulat ka’y kailangan mong tumutok. Ang ma-nunulat ay kailangang tumingin nang tumingin para makakuha ng materyal. At ang tunay na pagtingin, sa isang bagay man o pangyayari sa palibot, ay iyong klase ng pagtingin na eventually ay mawawala ang mga mata mo, ang mga kamay mo, ang katawan mo. At one ka na sa tinitingnan mo.
Umakyat ka na sa ikalawang level. Transcendental ang tawag dito. Nakagawa ka na ng koneksyon hanggang sa ni hindi mo na nararamdaman ang koneksyon.
Ganito rin pag nagsusulat ka. Sa unang level ng pagsusulat ay naroroon pa rin ang mga kamay mo, ang mga mata mo, ang buong katawan mo. Craft ang pinaiiral mo at techniques and devices ang ginagamit mo.
Pero pag nakarating ka sa ikalawang level, mawawala rin ang mga kamay mo, ang mga mata mo, ang buong katawan mo. At one ka na sa sinusulat mo. Nawala na ang materyal na mundo at nawala ka na rin. Kaluluwa mo at kaluluwa ng sinusulat mo ang nag-uusap.
This article is excerpted from the screenwriting manual Trip to Quiapo with permission from the author, Ricky Lee. Ricardo Lee, aside from being one of the premier scriptwriters in the Philippines is also a multi-awarded fictionist, journalist, and playwright. He is also one of the 100 Centennial Awardees of the Cultural Center of the Philippines, and a Gawad-Balagtas Awardee 2000 of the Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). You may know more about him at his site http://www.RicardoLee.com.



