tsismis sa baryo
at muli siyang bumalik.
sa piling ng kanyang mahal
ilang saglit, ipinilit na
hindi raw siya magtatagal.
sa kabilang banda,
ang kabiyak niya'y nagimbal
sa muli niyang pagbangon
sa harap ng altar.
ang mga tao'y nagtumpok- tumpok
silang mga taga-nayon, biglang
inimpok-impok.
at ang kwentong bayan, sa habag, binigyang tuldok.
may mga mata pa ring bumubusisi
sa mga naririnig na mga pagsisisi
sa araw na ito, araw ng panalangin
kapit kamay silang nabigla sa hangin.
kumalembang na ang kampana.
ngunit ang pari pa rin ay nawawala
ilang matatanda na ang lumuha
at bawat isa'y belyo'y nawawala.
ang mga kalalakihang magiting
sandamakmak na ang nainom na gin
sa kaba sa nangyari, sa mga ginang hiniling
pagbigyan ang pagdaloy ng likidong mainit.
ang mga bata nama'y nagsitakbuhan
sa labas ng matandang simbahan
gumuhit na sa mga lansangan
at sa patintero ay nag-unahan.
ngunit, ika mo ano ba talaga ang nangyari?
nagprusisyon lang, lahat nahawi.
ang mga kandila ay nagsitunaw na labi
at ang bulaklak nalanta sa pagdalamhati.
ang sagot sa tanong mo aking kabayan?
halika bumalik tayo sa simbahan
naroon ang dalawang taong nagmahalan
ang sabi di maghihiwalay kahit sa kamatayan.
luma na ba ang aking kwento at akala mo'y
balitang kutsero;
ngunit muling pumungas ka at maniguro
ang lihim na bangkay ng isang romantiko
ay totoong gumimbal sa mga relihiyoso......
ay totoong totoong gumimbal sa mga relihiyoso.


