Tugmaang Matatabil
Ang matabil na dila ni Axel
DALAWANG bagay ang gustong tumbukin ng Tugmaang Matatabil, Mga Akdang Isinulat sa Libingan ng mga Buhay ng makata-aktibistang si Axel Pinpin. Una’y ang tugmaan (tula) at ikalawa’y matatabil (matatalas). Sa madaling salita, mga tulang matatalas.
Si Pinpin ay isa sa tinaguriang “Tagaytay 5,” mga aktibistang dinukot at ikinulong ng mga ahente ng Estado noong Abril, 2006. Pinagbintangan silang na kasapi ng NPA na gusto raw manggulo sa Araw ng Paggawa ng taong iyon. Ibinilanggo sila tulad ng palagiang ginagawa ng Estado sa mga taong nakikibaka para sa kanilang mga karapatan. Subalit pagkalipas ng mahigit na dalawang taon, pinalaya sila. Wala silang kasalanan.
Sa loob ng mahigit dalawang taong ito isinulat ng may-akda ang mga tula sa Tugmaang Matatabil. Kaya’t malinaw kung sino ang gustong patamaan ng mga tulang ito. Ang panunugma ay ginamit na kalasag ng makata sa patuloy na pakikibaka kahit nakapiit. Ang hindi magawang pisikal na pakikibaka ng aktibista kasama ng mga magsasaka ay isinulat ng makata. Bago napiit, si Pinpin ay isang agriculturist/researcher ng Kalipunan ng mga Magsasaka sa Kabite.
Hinati sa limang bahagi ang koleksiyon; 1) Puntod ang Bukirin, 2) Hindi Palulupig Kahit sa Libingan ng mga Buhay 3) Sala sa Init, Sala sa Lamig 4) Sa Aking Paraiso at 5) Retorika Makata.
Nasa unang bahagi ang kalagayan ng mga magsasakang kinapamuhayan ng makata sa Timog Katagalugan. Sinimulan sa Apihin ang Api kung paanong pinagsasamantalahan ang mga magsasaka. Gamit ang punto de bista ng panginoong maylupa, inihalintulad ng tula ang mga magsasaka sa niyog na dapat kayurin nang sagad sa balat. Kailangang sairin ang kanilang lakas, pagkat ang pawis nila’y pinakainam na alak. Patungo sa syudad ang mga magsasaka sa Kung Bakit Tayo Paluwas at Walang Sunong na Kalakal hindi upang magluwas ng kalakal kundi para magprotesta at maningil ng malaon nang pautang.
Nasa Jovi, Kung Paano Ka Nila Pinaghandaan, Tagpuan at Cabangaan 2006: Sa Ilalim ng Takong ni Senor Agimat ang anino ng pasismo ng Estado sa mga magsasakang lumalaban para sa lupang kanilang binubungkal. Si Jovi ay si Heneral Jovito Palparan sa unang tula, na sa pantastikong pagkakataon ay kakambal yata ng extrajudicial killings saanman mapadpad. Paghahanap ng isang ina sa dinukot na anak na aktibista ang Tagpuan, na matapos maghanap sa mga istasyon, kampo (ng militar), morge at libingan ay natanaw ang kalayaan sa martsa ng mga naghahanap ng katarungan. Sa ikatlo ay ang paggamit ng private army ng prominenteng panginoong maylupa sa pagpapalayas sa mga pesante.
Ipinakikilala naman ng mga tulang Kapeng Kabitenyo at Anak ng Bulkan ang mga mamamayan, kultura at kabuhayan ng mga taga-Cavite.
Tinatalakay ng mga tulang Wanted: Hi-Speed Sewer, Oyayi sa Anak ng Welgista at Kung Bangkay na Nilang Ituring ang Ating Unyon ang kalagayan ng mga manggagawa sa Cavite na kabilang sa Calabarzone o Cavite-Laguna-Batangas-Rizal Economic Zone.
Naglaro ng salita ang makata sa Da Misadbentyur of Billy na kung babasahin nang mabilis ang Si Billy ‘yan, ay malalaman kung sino ang tinutukoy na Billy.
Sa ikalawang bahagi ng koleksyon, bumulaga ang Unang Gabi ng Interogasyon. Unang gabi pa lamang, ginamit na ni Pinpin ang kanyang talinghaga sa pagsagot sa mga nag-iinteroga sa kanya. Inuusig ng tula ang mga ahente ng Estado, Sino kayong dumukot at magnanakaw ng laya? Sino sa atin ang tagapagligtas at sino’ng biktima? Nasa bahaging ito ang lahat ng pagkabagot, pagkainis, inip at init sa loob ng bilangguan at kung paano paglabanan ang mga ito (Kung Paslangin ang Pagkabagot sa Loob ng Karsel). Tungkol naman sa pangungulila sa anak at paalala nang pag-iingat ang Liham sa Anak. Nang-uudyok ng pagtakas ang Itakas Ninyo Ako! At kung hindi kaya, mga karanasan at tula na lamang ang itakas, saka sa Bayan – ikwento’t bigkasin!
Nagbibilang ng dahon ng kalendaryo sa ikatlong bahagi ang makata. Sa loob ng mahigit na dalawang taon sa bilangguan. Mahigit dalawang beses din siyang dinaanan ng mga buwan. Bagong taon ang Dos Mil Otso, bagong taon ng pag-asam sa mailap na paglaya. Kahit buwan ng mga puso ang Pebrero, paglaya ng Bayan pa rin ang layon ng tulang Gayuma. Ang Lutrina’y alaala ng mga bulaklak at kunsumisyon ng eleksyon. Hindi rin nakaligtaan ng makata ang pagpasa sa Batas Kontra Terorismo noong Setyembre 2007 (Paghahanda). Pinatingkad naman ng Karoling ang pagitan ng dukha’t mayaman na tumitingkad sa buwan ng mga aginaldo.
Kalakhan ng mga tula sa bahaging Sa Aking Paraiso ay tungkol sa pangungulila sa mga minamahal. Erotika ang pagsagot ng persona sa tulang Su Doku, na malamang ay resulta ng walang kamatayang pagsagot ng makata sa palaisipan ng numero sa loob ng piitan. Pangungulila sa asawa at anak ang Para Kay Agnes para sa kanyang mga magulang ang Kapirasong Dugo.
Sa huling bahagi, nagmumuni-muni ang makata sa kanyang pagkamakata. Tulad na lamang sa Ang Pangamba ng Makatang Nakapiit at Di-Makasulat ng Tula. Sa kabuuan ng bahaging ito, nanghahamon ang makata sa mga kapwa makata. Halimbawa sa Tatlong Retorika ng Pagkamata, (1) inilinaw ng makata na hindi lamang kiliti ang dala ng tula, may halihaw din itong dala-dala; (2) itinuturo din nito ang paghuli sa pagtula ng masa; at (3) naglilinaw sa saysay ng porma at nilalalaman ng tula o ang pagsagot sa tanong na “para kanino.” Samantala, inaalis ng tulang Tinatakasan ako ng Ritmo at Tugma ang lambong sa mata ng mga paham, pambansang alagad ng sining at mga kritiko. Ipinipilit ng persona na hindi basta na lamang puwedeng tumula tungkol sa lungting palayan o sumipol ng melodiya at magkuwento ng malumanay. Kabaligtaran nito, mas dapat ilantad ng tula ang tunay na kalagayan ng mga magsasaka tulad ng pamamaslang sa kanila kung sila’y lumalaban.
Sa huli, malinaw sa makata kung paano gamitin ang kanyang talinghaga. Ito’y panlaban sa inis-inip-init ng bilangguan, hindi naipipiit ang talinghaga ng makatang nakikisangkot. Kahit nasa loob ng bilangguan, malayang tumatalunton sa mga bundok, patag, karagatan at maging sa pabrika ang tula ng makatang nagsisilbi sa interes ng mga mamamayan. Ito’y tudla rin at kalasag laban sa mga ahente ng estadong nagbilanggo sa makata.###
http://www.pinoyweekly.org/cms/2009/01/ang-matabil-na-dila-ni-axel
Soliman Santos


