Tulawikaan - Seminar sa pagtuturo ng pambansang wika sa pamamagitan ng tula
Tulawikaan - Seminar sa pagtuturo ng pambansang wika sa pamamagitan ng tula
Isang seminar ukol sa panulaan at wikang Filipino ang idaraos sa 27 Agosto 2008, Miyerkules, 8:00 n.u.-5:00 n.h. sa TARC (Thomas Aquinas Research Complex) Seminar Rooms 1 at 2, Unibersidad ng Sto. Tomas. Pinamagatan itong Tulawikaan, isang serye ng mga panayam ng mga dalubwikang kasapi ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA), isang organisasyon ng mga makatang nagsusulat sa Filipino na binuo noong 1985. Ilan sa mga tagapagsalita ay ang mga premyadong makata at akademiko na sina Prop. Vim Nadera, Jr. ng UP Diliman/UST, Prop. Michael Coroza ng Ateneo de Manila University/UST, Prop. Romulo Baquiran, Jr. at Dr . Lilia Antonio ng UP Diliman.
Ang pangkalahatang paksa ay ang pagtuturo ng wika sa pamamagitan ng tula . Kabilang sa mga tatalakayin ang kasaysayan ng wika, sintaksis, varayti ng wika, at ilang pamamaraan ng paglinang ng pagkamalikhain ng mga mag-aaral. Ibabahagi rin ng mga tagapagsalita kung paanong maaaring maging behikulo ang panulaang Filipino sa pagtuturo ng wika. Bukas ang seminar sa mga guro, mananaliksik, manunulat, at iba pang iskolar ng wikang Filipino.
Ang kaukulang bayad ay P800 para sa bawat kalahok (kasama rito ang seminar kit, sertipiko, meryenda at tanghalian.) Ang discounted rate para sa mga magpaparehistro at magbabayad sa o bago sumapit ang Agosto 18 ay P700 lamang. Para sa karagdagang detalye, makipag-ugnayan kay En Villasis (0922-4596365), Dai Miranda (0926-7135021), o Bebang Siy (3814592). Maaari ring mag-email sa pamunuan@liraonline.org .
Ang Tulawikaan ay handog ng LIRA at Kagawaran ng mga Wika ng Unibersidad ng Sto. Tomas, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2008.


