Ulan

allegra's picture
| | | | |

Nangag-unahang sibat na mapusok,

Na luha ng langit sa paghihimutok;

Sa tigang na lupang dibdib na marupok,

Bumabang anaki'y bayaning kukupkop.

 

Sibat na nabali sa lupang tiwangwang,

Nadurog na bubog sa natuyong linang;

Sumambulat na waring sa sinayaw-sayaw,

Matigas na lupa'y putik na lumabnaw.

 

Hayan ang daigdig sa luntiang saplot,

Minsan pang nagpuri sa banal na Diyos;

Ang tigang na lupang sinbtigas ng moog,

Sa patak ng ula'y putik na lumambot.

 

----------------oOo-------------------

Pumatak ka ulan sa tuyo kong bukid,

Dampian mo yaon ng iyong pag-ibig;

Sa bitak na lupang tinigang ng nais,

Silipin ang binhi niring panaginip.

 

Hayan ang bukid ko na tinatag-araw,

Matigas ang dibdib -- sintigas ng bakal;

Ah! sa lantang damo't layak na naghalang,

Ang aking hinagpis ay nakalarawan.

 

 

 

LCM

mula kay tatay at para sa kanyang alaala!