Unang Komunyon
Unang Komunyon
Aligaga ang mga maestra at sakristan sa harap ng simbahan. Halos di magkanda-ugaga sa pagpapapila sa mga bata.
Inaaway na ng isang nanay iyong photographer. "Bakit kasi di mo muna antaying ngumiti ang anak ko, bago mo piktyuran!'"
Sa wakas, gumayak nang papasok ng simbahan ang pila. "Ang mga boys sa kaliwa, ang mga gerls sa kanan. Ang mga peyrents doon sa sayd!" may nag-anunsyo sa loud speaker.
Nung una'y atubiling pumunta si Elvis sa okasyong ito. Ika niya'y iyon na lamang hipag niya ang mag-asiste sa First Communion ng kanyang panganay. Bilang full-time activist ng isang militanteng samahan ng mga magsasaka ay walang luho-ng-oras si Elvis para madaluhan ang mga ganitong okasyon. Pero naisip nya, o mas tamang sabihing wala siyang maisip na alibay sa pagkakataong ito. Sadyang maluwag ang kanyang iskedyul at may kakayanan siyang dumalo. Isa pa, kulang tatlong araw na lang at tatlong buwan na niyang di-nabibisita ang kanyang anak. Nagpasya siyang pumunta.
Wala pa ring nagbabago sa ritwal ng misa. Sa hitsura ng simbahan. Sa kustumbre ng mananampalataya. Halos walang bago. Kaya wala halos kuwentang ikuwento. Walang bago. May umagaw lang sa pansin ni Elvis, iyong babaeng nasa unahan niya. Humahalimuyak ang pabango at bakat na bakat ang tirante ng bra, pati ang panty.
Nakailang labas-masok pa siya ng simbahan para manigarilyo, sa tindi ng inip, init at inis na nararamdaman. Libog rin kapag pinagmamasdan niya ang babae sa harapan. Malaking tulong talaga ang sigarilyo sa luob-loob ni Elvis.
"Salmong tugunan, ang itutugon po natin."
Hindi narinig ni Elvis ano ang itutugon, abala siya sa pagti-text.
Naintriga siya nang maghu-homiliya na ang pari. Nagbakasakali siyang may maririnig na bago.
"Mga bata, matagal na ninyong hinintay ang pagkakataong ito, Ang unang pakikinabang at pagtanggap sa laman at dugo ni Kristo Hesus. Ang iba sa inyo ay siguradong nagpabili pa ng bagong damit para sa inyong Unang Komunyon. Maaga rin kayo sigurong nagising... Gutom na ba kayo?" tanong pa ng pari. "Wag kayong mag-alala mga bata, at siguradong mamaya pagkatapos ng misa, isasama kayo nina Mommy at Daddy sa Jollibee at Mcdo."
Nandilat si Elvis na para bagang mas mauunawaan niyang lalo ang sinabi ng pari kung manlalaki ang kanyang mata. Tama ba iyong narinig niya? Yare. Wala siyang pang Jollibee. Wala rin namang masaganang hapag na mag-aantay pagdating nila sa bahay.
"Kabisado n'yo na ba ang mga dasal tulad ng Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Sumasampalataya? Baka kailangan pang ipaalala ang simula ng dasal para maumpisahan ninyo. Ang Ama Namin ang pinakamahalaga sa lahat dahil bigay iyan ng Diyos sa atin. Nandyan nang lahat para buong-puso nating makausap ang ating Panginoon!"
Sumenyas ang pari sa kanyang sakristan na itapat sa kanya ang bentilador.
Pumihit rin si Elvis ng pwesto, iyong hindi niya makikita ang babae sa kayang harapan.
"Mga bata, si Kristo Hesus ay hindi lang Anak ng ating Panginoon. Siya ay atin ring Kuya at Kapatid na gumagabay sa atin sa lahat ng pagkakataon. Ang pakikinabang sa kanyang dugo at laman ay mahalagang sakramento ng ating pagiging Kristyano. Kaya dapat pagsikapan sa tulong ng inyong mga magulang na hindi magmura, magsinungaling at gumawa ng iba pang kasalanan. Ang bawat kasalanang ating ginagawa ay nagpapabigat sa krus na kanyang pinapasan," sabay turo sa malaking Krus ng Pagkabuhay sa altar.
Nag-vibrate ang cellphone ni Elvis. Naisip niya hindi na lang pala "smoking area" ang dapat ilaan sa mga pampublikong lugar. May "texting area" na rin dapat.
Panay na panay ang nguso at saway ng isang may edad ng babae sa mga bata. Iyon ang religion titser. "Psssst... makinig kayo kay Pader" pabulong ngunit may diin at salubong ang kilay ng maestra.
"Kung wala si Hesus sa krus na iyan... ay may kulang. Ang kanyang muling pagkabuhay ang nagligtas sa ating lahat..."
"Ako man din siguro at alam kong imortal ang aking Ama tapos sa ikatlong araw ay mabubuhay akong muli, magpapabayubay din ako sa krus, magpapatarak din ako sa tagiliran. Alang-alang sa kabayanihan, at kadakilaan, syempre!" nai-type ni Elvis sa kanyang 5210. Noong pindutin nya ang options at ise-send na, naiisip niyang i-save na lamang. Gagawin niyang pang-forward message.
Natapos ang homiliya. Pinatay na rin muna ni Elvis ang cellphone at nakakahiya na sa mga katabi. Sumisimple siya sa ibabaw ng kanyang Wayfarer para masulyapan ang malusog na puwet ng babae sa kanyang harapan.
Umiikot ang basket na may white ribbon sa tatangnan. Ito ang bago, out of fashion na yata ang tila-sigpaw para sa koleksyon. Pinalampas ito ni Elvis.
"Mga bata, itinatakwil ba natin si Satanas at ang kanyang mga gawa, karangyaan at kapalaluan?"
"Opo, itnatakwil po namin!" umaalingawngaw sa loob ng simabahan ang may isandaang pinagsasama-samang munting tinig. Nakailang "itinatakwil" pa ang sumunod.
"Mga bata, sumasampalataya ba tayo sa Diyos Amang makapangayarihan sa lahat, na may gawa ng langit at lupa..?"
Sa isip ni Elvis ay ano kaya't may nagkamali? "Opo,itinatakwil po namin!"
Iyan ang hirap pag pina-memorya lang ang isasagot. Tiyak na wala pa sa loob nila ang nagaganap. Napansin ito ni Elvis sa isang bata na panay ang palobo ng bubblegum.
Mahaba pa ang naging seremonya. Pinapawisan na si Elvis sa inip. Marumi na ang isip niya sa babae sa kanyang harapan. Paruo't-parito ang religion titser para tiyakin na napapanuto ang mga bata. Panay pa rin ang text ng katabing ale ni Elvis.
Pawis na pawis ang Pari. Hindi pa rin siguro napapatutok nang maayos ang bentilador sa kanya.
"At itinaas Niya ang tinapay, pinaghati-hati Niya iyon at iniabot sa Kanyang mga alagad at sinabing ito ang Aking katawan, tanggapin ninyo at ka'nin..."
"Magsitayo tayo... Awitin natin ang Ama Namin..."
Nagkapit-kapit ang mga tao. Pati si Elvis. Sana ay katabi nya ang babaeng may matambok na pwet. Naalala ni Elvis iyong huling rali sa US embassy, kapit-bisig naman sila. Kaya lang hindi Ama Namin ang kinakanta nila. "IM-PER-YA-LIS-MO, Ibagsak!"
Panay ang kumpas ng religion titser, pilit pinasasabay ang mga wala-sa-tonong mga bata. Sa pagitan nang kumpas, paswit at pandidilat ng kanyang mata ay ang mga pilit na ngiti.
"Magsiluhod po tayo..."
Tukso talaga ang hubog ng balakang ng babae sa harap ni Elvis. Masikip na rin ang kanyang pantalon.
"Magsipila po, sa kanan ang mga peyrents. Kung gusto rin pong mangumunyon ng mga magulang ay doon po sa gawing kanan." Umalingawngaw ulit ang anunsyo sa loud speaker.
Magkasabay silang naglalakad ng kanyang panganay papunta sa altar para tanggapin nito ang una niyang komunyon. Ginulo ni Elvis ang buhok ng bata. Kumapit sa kanyang palad ang malagkit na pawis at gel. Nginitian nang parang nakakaloko ang anak at sabay bulong. "'Toy, sigurado kang libre ‘yang rosaryo, ha? ‘Ala akong pambayad diyan."
Umumis lang ang anak ni Elvis.
Patapos na ang ritwal. Nagkislapan ang kamera sa loob ng simbahan. Andun na sa labas si Elvis. Naninigarilyo at nagti-text.
"Anak, ‘alang pang Jollibee si tatay, e. Naibili ko na ng polo-shirt mo kahapon, okey lang?
Ngumiti lang ang bata, sabay kuha ng kandilang tangan ng ama.
"Doon muna tayo sa may waiting shed, bili tayo ng ice scramble."
"Tara!" Nagliwanag ang mukha ng bata.
Habang sumisipsip ang anak ni Elvis ng kinaskas na yelong pink, tuluy-tuloy naman ang hitit niya ng sigarilyo. Natutukso siyang makipagkuwentuhan sa anak. Sa pagkakataong ito, iyong huling engkwentro sana ng NPA at sundalo sa pinanggalingan niyang baryo ang paksa. Nagpasya siyang huwag na lang.
Sambit ni Elvis, "Anak, pinapalabas na pala ulit ‘yung Flame of Recca sa channel 7..."
Inagaw ng anunsyo sa loud speaker ang eksena ng mag-ama; ‘O, yung mga na-leyt, magpalista ng atendans kay Ate Fely, ‘pag walang atendans, walang kayong sertipikeyt!" tatlong beses itong inulit.
| Attachment | Size |
|---|---|
| Unang Komunyon (orig).doc | 34 KB |
tama! nasa kuwentong paspasan yan.
pero, pinagmuka kong sudden fiction/flash fiction yung lumabas sa Kuwentong Paspasan. Iyan yung orihinal na bersyon.
Sige, p're sana ay makapunta kayo sa Feb-9, naipost ko na sa multiply yung mga tracks. naka-private sa inyo ng bookay. wala pa kaming mapaghatid sa bookay ng kopya kaya dun nyo na muna pwedeng mapakinggan yung mga pyesa.
oks ito
Oks naman ito bro, magaling ka rin naman gumawa ng kwento e di lang tula. pero syempre mas magaling ka sa tula. alala ko yung pink scramble na yan may variation na yan ngayon yellow na at may patak ng choco syrup pa 'nga lang mas mahal ng konti.
salamat sa pagbabahagi
Ayus!
bro & sis,
sisipagan ko pa ang pagsusulat ng short story... sasamantalahin ko habang may tiyak na tagabasa.
nice story!
ayos lang kahit 'alang pang-Jollibee. sarap naman ng scramble eh lalo na kapag nilalagyan ng sago - ganun 'yung scramble sa amin.
saludo
saludo po...ang galing.
Good afternoon, Sir!
Your words are so heavy, it's hard for me to read and understand. It's kinda like trying to read Crime and Punishment. ^^;
Naku, paumanhin!
Sori, Pmel, iyan na ang pinakasimpleng lenguahe na kaya ko pagdating sa mga akdang pangliteratura. Conversational sa amin ang mga salitang ginagamit ko diyan. Yaan mo, lalagyan ko ng glossary at/o talasalitaan next time :-)
Subukan mo ang "Night Swimming" ko, sinikap kong gawing medyo pop iyun.
enjoy! (Sana.)
Oh, yes please!
If it isn't much trouble. Thank you. :)








Aluta Continua..
Nasa Compilation ito ni Vicente Groyon ng flash fiction diba? Nabasa ko mga two weeks ago. Panalo.
Tol, pag-uusapan pa namin ng bandmates(Tom Estrella Sr. And The Shadows )sa biyernes yung tungkol sa Feb 9.
Sana, maging oks para maka-perform kami.
Salamat sa invitation, kitakits.
More Power sa inyo ni Kuya Bob. All out support kami. :)
http://www.dagangkanal.blogspot.com