Untitled
Magulong-magulo ang isip ni Art habang naglalakad sa madilim na eskinitang ang tinutumbok ay pauwi sa bahay nya. Hindi nya alam kung sino ba sa kanilang dalawa ang pipilian nya. Hirap na hirap ang kalooban nya, nagsisikip ang kanyang dibdip at halos kurtado na ang kanyang utak. Pero ayaw nyang maging masama,kailangan isa lang sa kanila. Hindi din maisip ni Art kung bakit naguguluhan sya gayong alam naman nya ang dapat nyang gawin, kung sino ang dapat nyang piliin.
Nagulat sya ng may biglang yumakap sa kanya, si Jona pala. Hindi nya alam kung gaganti sya sa mahigpit nitong yakap na para bang kay tagal nilang hindi nagkita. Hindi nya rin napansin kung san galing si Jona at parang maligno na bigla nalang sumulpot sa kanyang harapan. Tinitigan nya ang mukha nitong napakaamo, na halos kinabaliwan nya hanggang sa mga oras na ito. Isa si Jona sa nagpapagulo ng kanyang isipan. Walang anumang salita ang nalabas sa mga labi nito, nakatitig lamang ito sa kanya, na para bang nagsusumamo. Hindi nya din maintindihan bakit hindi din sya nagsasalita, gayong gustong-gusto nyang kausap at kasama si Jona. Na kung pwede lang wag na silang maghiwalay sa tuwing magkasama sila, na kung pwede lang lagi silang mag-usap sa telepono, magtext o magchat at magpalitan ng email. Pero ang pagmamahalan nila ni Jona ay hindi matatawag na pagmamahal nga. Sapagkat, "one way" lamang ito. Sa madaling salita, sya lamang ang labis na nagmamahal dito, ang nag-aalala at halos maloko ang isip nya sa pag-iisip dito. Hindi nya din sigurado kung minahal nga ba sya ni Jona nung mga panahon na palagi silang magkasama. Basta ang alam nya, mahal na mahal nya si Jona hanggang ngayon.
Biglang bumukas ang pinto, biglang lumabas si Sheila. Nagulat sya, nasa tapat lang pala sila ng bahay nya. Mabilis nyang inalis ang pagkakayakap sa kanya ni Jona, ngunit huli na. Nakita nya ang kirot na bumalot sa mukha ni Sheila. Gaya ni Jona, nakatitig lamang ito sa kanya. Ano nga ba ang aasahan nya kay Sheila? Sobrang tahimik nitong tao, napakabait at mahal na mahal sya. Ilan lamang iyon sa mga katangian ni Sheila na talagang minahal nya, kaya nya ito nagustuhan, kaya nya ito pinakasalan. Ayaw nyang makitang naiyak si Sheila, mas nasasaktan sya. Naging ulirang asawa ito sa kanya. Inaasahan nyang magagalit si Sheila sa nasaksihan nito, pero nanatiling itong kalmado. Kumikibot ang maliliit nitong mga labi, hindi nya alam kung may gustong sabihin o senyales ito na gusto nyang umiyak. Sa dami ng atraso nya ke Sheila, minsan lamang itong nagsalita sa kanya. Yun yung oras na nalaman nyang nag two-time sya, niloko nya ito. Pero kahit na nagloko at nambabae sya, pinatawad pa din sya nito at tinanggap.Ganyan sya kamahal ni Sheila.
Nakatayo lamang si Art, gulong-gulo pa din ang isip nya. Salitan ang tingin na ipinupukol nya sa dalawang babaeng mahalaga sa kanya. Si Jona na labis nyang mahal at si Sheila na labas na nagmamahal sa kanya. Sino nga ba sa kanila ang dapat nyang piliin? Bumuntung-hininga si Art, malalim, sobrang lalim. Hindi nya na alam kung gano kalalim pang buntung-hininga ang gagawin nya para makapag desisyon. Tumalikod si Art at nagmamadaling iniwan ang eksenang nagpapa-ikot ng kanyang kurtado at magulong isipan. Naglakad sya palayo sa kanilang dalawa. Nais nyang mag-isip, sumagap ng sariwang hangin, mag-yosi para sumama ang gulo ng kanyang isip sa bawat usok na kanyang ibubuga, nais nyang mapag-isa. Pabilis ng pabilis ang lakad nya. Ayaw nyang abutan sya ng isa man sa kanila, nais nyang mapag-isa. Ang mabilis nyang lakad ay naging takbo. Takbo sya ng takbo kahit hingal na hingal na siya. Halos mapugto ang kanyang hininga sa matulin na pagtakbo. Nang bigla syang matalisod sa isang batong nakaharang pala sa kanyang dadaanan...
Nagising si Art. Pawisan, akala mo'y galing sa marathon. Napaupo sya sa kama, sapo ng mga palad ang kanyang ulo. Bakit ba hanggang ngayon ay ginugulo pa din sya ng ganung panaginip. Mistulang bangungot ito sa kanya. Ilang taon na silang hindi nagkikita ni Jona, walang komunikasyon. Kahit ano wala. Isa na lamang itong parte ng kanyang nakaraan. Kaya hindi nya maisip kung bakit dinadalaw sya nito sa kanyang panaginip. Haaaayyy... Nasambit na lamang ni Art. Muling humiga at itinuloy ang kanyang pagtulog. Bumiling sya paharap sa kaliwa upang yakapin si Sheila, upang kumuha ng init ng pagmamahal. Naisip nya, mahal na mahal nya si Sheila at hinding hindi nya ito iiwan pang muli. Humarap si Sheila sa kanya at gumanti ng yakap, yumupyop sa kanyng dibdib at buong pagmamahal na kinulong ito ni Art sa kanyang mga bisig. Dinampian ng halik sa labi at pumikit upang ituloy ang naunsyaming pagtulog.
wala akong maisip na title para dito, pls help me...all ur suggestions are welcome..


Nakaraan ng lumipas / bangungut ng nakaraan!
Hi clyde,
napakagandang storya simple pero may dating! enjoy ako sa pagbabasa!