Utang na Loob
Sa kultura ng Pilipinas ay uso ang utang na loob. Kung ang isang tao ay nagbigay ng pabor sa iyo, kailangan mong tanawin na utang na loob. Si Kulas pinatuloy si Pedro sa kanyang tahanan nang ito ay bagong salta pa lamang sa Maynila. Inaasahang tumanaw ng utang na loob si Pedro. Si Kulasa nagpuyat para sa proyekto ng mga anak ni Petra noong ang mga ito ay nasa elementarya pa lamang. Ngayong sila ay tapos na sa pag-aaral at may trabaho na, si Kulasa ay umaasa pa rin na sana ay tumanaw man lamang ng kahit na katiting na utang na loob si Petra at ang mga anak nito.
Ngayon ang tanong, dapat ba o hindi dapat tumanaw ng utang na loob? Hanggang saan ba dapat ang pagtanaw ng utang na loob?
May isang kakilala noon ang narinig kong nagsabi na ‘minsang maimbitahan ka sa isang handaan, kahit na miki lamang ang handa, tatanawin mo na itong utang na loob habambuhay’. Hindi kagaya ng mga Amerikano na kapag gumawa ka ng isang bagay na katapat ng ginawang pabor o kabutihang loob ng isang tao ay ayos na, ang mga Pilipino ay sadyang matandain sa kanilang mga itinulong. Sadyang umaasa ang karamihan sa mga Pilipino na gantihan ang kanilang mga mabubuting nagawa.
Isa ring tao ang naringgan ko na nagsabi na ‘bakit pa raw binabanggit ang mga naitulong’? Iba naman ang sitwasyong ito. Ang tao kasing ito ay narinig na nagkwento ng kanyang mga diskarte kaya nakapagtapos sa pag-aaral ang mga anak. Hindi ito nagustuhan ng nakarinig na anak ng taong siyang nagpaaral, sumuporta at umalalay sa kanyang mga anak. Hindi natiis ng anak ng taong totoong tumulong nang malaki sa kanyang mga anak at ito ay sumagot. Nagkaroon ng pagtatalo at naghihinakit ang taong ‘dumiskarte para sa mga anak’ pati na ang mga anak nito.
Sa aking palagay, ang pagbanggit sa mga naitulong ng isang tao ay mahalaga. Kung ang isang aklat nga e may acknowledgment, ganoon din dapat ang isang taong tinulungan. Mahalaga ang pasasalamat sa kahit anong paraan. Mas maganda pa nga kung ang pasasalamat ay ipinapakita sa mga gawa at hindi sa mga matatamis na salita. Sapat na ang mga ito bilang pagtanaw ng utang na loob.
Ayaw ng iba ang isinusumbat ang mga naitulong. Tama sa isang banda. Dahil kung ang isang tao ay tutulong, ito ay dapat gawin ng kusa at hindi umaasa ng anumang kapalit. Ngunit sa isang banda naman, mahalaga na balikan ang mga taong tumulong at ipadama ang pasasalamat, hindi man sa materyal na bagay o sa pera, kung hindi sa pagmamahal at sa respetong nararapat lamang ibigay.
Nararapat na tandaan na sa paglakad sa kalyeng tinahak patungo sa tagumpay ay may mga taong karamay at katulong. Hindi kailanman kinakayang mag-isa ng kahit na sino ang pagtahak sa tagumpay.
Sang ayon din po ako...
Kung tutulong tayo ay dapat huwag ng aasa pa na susuklian ito, kung mgakagayun man (dahil likas sa atin ang matanawin ng utang na loob) at naalala pa rin niya ay isang PASASALAMAT na lang din.
Minsan naman ay sapat na ang isang "thank you card" at hindi na kailangan pa ng isang mamahaling regalo. Sapat na iyon marahil, kung ang mamahaling regalo naman ay hindi bukal sa kalooban.TY
............................................................................................................
"I wouldn't mind if you were nice to me once in a blue moon."



Sangayon ako sa iyo Bing!