Utoy, Alak 'Yan Hindi Holy Water

ellise dominic's picture
| |

     Dito sa aming simbahan hindi lamang katawan ni Kristo o ostia ang tinatanggap ng mga tao kung hindi pati ang dugo ni Kristo o alak din.  Bawat aisle ay mayroong isang pares ng ostia at cup ng red wine.  Ang turo ni Father tanggapin sa kaliwang kamay ang ostia, hawakan ito ng kanang kamay at isawsaw sa alak bago ito isubo sa bibig.  SOP na yan, tuwing bago magsubo ipinaliliwanag yan ni Father sa amin.  Kung bago ka sa sistemang ito syempre gusto mong malaman kung ano bang gagawin ng nauuna sa iyo kaya oobserbahan mong mabuti ang bawat kilos nito.  Dahil sa linggo-linggo na iyan ginagawa, nakakatuwang ang ilan sa mga nagsisimba ay hindi pa rin ito alam.  Halatang hindi nakikinig kay Father. 

     Si Father kasi tila may OCD.  Gusto niya organized lahat.  Maging ang pila, bawal nagmamadali na tila nasa tianggian ka lang.  Dapat hintayin mo munang patayuin kayo at papilahin ng mga taong nagsisilbi sa simbahan.  Hindi pwedeng basta ka nalang pipila kahit hindi mo pa turn pumila.  Pero ang ibang matitigas ang ulo hindi talaga napipigilan, dedma sila.  Wala silang pakialam basta pipila sila sa paraang gusto nila, pakialam nila kay Father.

     Bawat pila ay may nakalaang exit.  At bago ang exit madadaanan mo muna ang alak kung saan mo isasawsaw ang ostia.  Marami pa rin sa mga tao dito ang jaywalking.  Ang kulit kahit lagyan siguro ng no u-turn liliko at liliko pa rin.  Kulang na lang ay lagyan ng lubid ang mga daanan para doon sila sa tamang daanan dumaan. Ganun sila kakukulit.

     Noong isang nagsimba ako may isang bata na nauna sa akin sa pila.  Siguro nasa onse hanggang trese anyos na siya, maliit lang at mukhang komidyanteng malakas mangbwisit ang aura ng kanyang mukha.  Ito ang unang pagkakataong nakita ko siya sa misa o siguro doon ko lang siya napansin dahil sa kanyang nakakatawang ginawa.

     Sabi ni Father isawsaw ang ostia sa alak.  Itong si utoy isinubo agad ang ostia.  At dahil no u-turn, wala siyang choice kung hindi ang dumaan sa cup ng alak bago makapag-exit.  Siguro dahil sa pinaghalong takot, kaba at pagkalito kung paano siya liligtas sa cup ng alak, nakaisip ng napaka brilliant na idea si utoy.  Ang ginawa niya isinawsaw niya ang daliri niya sa cup, este halos pumasok ang maliit nyang kamay sa loob ng cup at tila hinalo ang red wine sa loob nito saka dinilaan ang kanyang dalawang daliri na sumayad sa alak.  As in eeeewwww!!!!  Ayos lang sana kung malinis syang tingnan pero hindi, hindi.  Natawa ang dalagang hindi na nagawang magulat at magreact sa pagsawsaw ng kamay ng kadiring bata at ng magtama ang aming mga mata, nagkangitian na lang kami.  Secret na lang naming dalawa ang ginawa ni utoy.  At dahil no choice din ako isinawsaw ko na lang din ang ostia na parang walang nangyari.

     Yun ang unang starring role ni utoy sa cup ng alak.  Nitong nakaraang linggo nagkaroon ng part two yan.  Sa kabutihang palad hindi kami magkasunod sa pila, actually, nauna ako sa kanya, salamat naman kay Batman.  

     Kung noong una ay napalagpas ko ang nangyari dahil baka newbie siya sa ganoong sistema ni Father dahil nasanay na nga naman kami sa ostia lang at walang alak, kaya ang akala ko ay alam na ni utoy ang gagawin niya sa susunod.  'Yun pala ay talagang hindi nya nagets.

     Medyo matagal na akong nakaupo at naghihintay na lang matapos ang mga pila nang makita ko ulit si utoy.  Sa pagkakataong ito hawak pa nya ang ostia sa kanang kamay niya.  Matandang babae ang may hawak ng cup ng alak noon.  Nang tumapat sa kanya si utoy ang buong akala ko ay isasawsaw na nya ang ostia sa cup.  Pero nagulat na lang ako ng isinawsaw nya ang kaliwang kamay at nang makita ng matandang babae na wala ang ostia ay iniiwas nya ang cup at muntik ng singhalan ang kawawang bata.  Si utoy mukhang napahiya at ninerbyos.  At sa kanyang kaba at takot sa matandang babae ay nag-antanda nalang siya ng krus gamit ang daliring isinawsaw niya sa cup ng alak at biglang isinubo ang ostia.  

     Gustong-gusto kong tumawa noon pero pinigilan ko dahil nasa loob ako ng simbahan.  Pero ang mga kasamahan niyang nakita ang ginawa nya ay halos mamatay-matay sa kakatawa.  

     Muntik ko na siyang lapitan at bulungan ng, "utoy, alak yan hindi holy water, umayos ka nga!"