"Wag Kang Kikibo (Ang Napapala ng Pakialamero)

notesfromexile's picture
|

Isang gabi, noong nakaraang buwan, pauwi ako noon galing sa trabaho. Bandang alas 9:00 na yon. Maaga pa kung tutuusin. Nakasakay ako sa isang pampasaherong jeep. Mangilan-ngilan lang kaming sakay nito kaya tumagilid ako para mapagmasdan ko ang mga rumaragasang sasakyan sa kabilang linya nang malibang naman kahit paano dahil may kalayuan din ang uuwian ko. Ito marahil ang libangan ng mga lalaking nakasakay sa pampublikong sasakyan maliban sa mga nakaw na sulyap sa mga mapuputi at makikinis na binti ng mga kolehiyalang nakakasabay.

Habang binabaybay namin ang kahabaan ng Quezon Avenue, malapit sa dat6ing sinehan na Delta, napansin ko sa kabilang linya, sa may gawing island, ang isang Bumbay, tiyak ko dahil sa kulay ng balat nito, mabalahibo ang mga braso at makakapal ang mga kilay, kulang lang ng turban. At sino ang magkakamali, nakikita mo sila sa bawat  kanto at tindahan, naniningil ng pautang. Mukhang nakainom dahil parang hindi niya kontrolado ang kanyang pagkakatayo. Ang bumbay na nabaggit ay umiihi sa island habang nakahinto ang kanyang sasakyan sa gitna ng kalsada. Mantakin mo, umiihi sa island, kung saan kitang-kita siya ng mga dumaraang mga tao.

Dahil medyo mabagal ang takbo ng trapiko sa aming gawi, isang motorista na may kasamang mga bata ang sumigaw ng “HOY!”sa walang modong bumbay. Sa palagay ko, nakita ng mga bata ang ginagawa kaya sumigaw ang kasama nilang lalaki, na siguro tatay nila. Nakaramdam ako ng inis sa walanghiya. Napatiim-bagang ako. Gusto ko rin siyang sigawan ng malakas at murahin ngunit hindi na ako nabigyan ng pagkakataon.

Kung ano-ano ang tumakbo sa isip ko habang napapailing dahil sa tagpong iyon. Hindi naman ako basagulerong tao pero dahil sa gigil, naisip ko, ang sarap bugbugin. Siguro kahit sino sa atin, manggigigil sa nakita ko at ganoon din ang magiging reaction n’yo. “O kaya bugbugin na lang ng taong-bayan para madala ang mga dayuhang nambabastos sa atin.” hiling ko. Hindi naman ako makabayan, pero sa tingin ko hindi talaga maganda ang ginawa niya. Feeling ko nabastos tayo.

Ilang araw ang nakalipas, ako ay naglalakad sa kanto ng P. Campa at Espanya galing Recto, kasabay ko noon sa paglalakad ang ilang mga estudyanteng pauwi na siguro galing sa eskuwela, nang matapat kami sa isang lalaki na aktong iihi sa gilid ng isang maliit na puno. Biglang bumalik sa isip ko ang eksena ng bumbay sa gitna ng Quezon Avenue.
Eto pa ang isa.” sambit ko sa sarili.
Biglaan ang naging desisyon, sinita ko ang lalaki.
“Hoy! Bastos ka, ahh! Kung saan-saan ka na lang umiihi!”

Saglit lang nagpagpag ang lalaki at nanlilisik ang mga matang nakatingin sa akin habang siya’y palapit.
“Trobol ‘to…” bulong ko.
“Bakit anong problema mo!” sigaw niya.
“Hindi maganda ang ginagawa mo, pangit tignan, kaya ang baba ng tingin sa atin ng mga taga ibang bansa eh.”

Hindi na sumagot ang lalaki, na lingid sa akin noong una, ito pala’y lasing, nagmemestisong-hilaw, amoy papaitan ang hininga at ang malupit pa nito, siya’y isang pulis. Bigla itong may binunot sa kanyang tagiliran at sa isang iglap naramdaman ko na lang ang malamig na bakal sa aking sentido. Nanigas ako at nanlamig, alam ko na kung ano yon.

“BANG!!!”

Biglaan ang mga sumunod na pangyayari. Huli na para may maramdaman ako, nakita ko na lang na tumagilid at dumilim ang mundo.

“Ahhh!” “Huh!” sigaw ko, kasabay ng bunting hininga habang patuloy akong naglalakad patungo sa paroroonan ko.

Napailing ako. Para akong nagising mula sa isang bangungot.

"Paano kaya kung yon ang ginawa ko?
Kung sinita ko yung lalaki?
Paano kung pulis nga siya at may dalang baril? " tanong ko sa sarili.

Mabuti na lang, hindi na ako kumibo, kung hindi tinatakpan na ako ng dyaryo sa kanto ngayon dahil sa pakikialam ko.

Naisip ko bigla ang mag-ina ko, wala silang kamalay-malay sa maaaring nangyari sa akin.
Bigla akong kinilabutan.

“Minsan mahirap din ang nakikialam.”

“Pero okey lang din ba kung tumahimik ka na lang at walang pakialam sa paligid mo?”

Wakas

30 Oktubre 2009

G.C. Montenegro

 “Ang pagtanggap sa kaabsurduhan ng buhay at ng mga bagay sa paligid natin ay isang hakbang, isang mahalagang karanasan: hindi dapat dito nagtatapos at nagbibigay ng kawalan ng pag-asa bagkus pinupukaw nito ang paghihimagsik na nagbubunga ng kaaya-aya.”

http://buenolibros.multiply.com