Yakap

Jack Alvarez's picture
| | |

“Ashadu an la ilaha illa'llah. Ashadu anna Muhammadan Rasulu'llah,” paulit-ulit kong binibigkas ang mga katagang iyon kasabay si Salman. Tila mga batang nagmememorya ng nursery rhymes.

 

Huminto ang sinasakyan naming kotse sa harap ng Jubail Dawah and Guidance Center.

 

“Are you ready?” tanong ni Salman sa akin sabay pisil sa aking palad.

 

Tumango ako.

 

Pumasok kami sa loob ng isang opisina at sinalubong kami ng isang Pilipinong Muslim.

"Assalamu alaikum” pagbati ni Salman.

 

"Waalaikumsalam" at iginiya kami papasok sa isang silid.

 

Naupo ako katabi si Salman at tahimik na nakinig sa isang imam na naglelektyur.

 

Lumipas ang isang oras ay nagtanong ang imam.”Sinu-sino sa inyo ang handang tanggapin ang totoo, ang pinangalanan ni Allah ang relihiyong Islam at ang pagsuko ang pagiging Muslim? Itaas ang kanang kamay at sabay bigkasin ang shahada.”

 

Sa gabing ding iyon ay nagkaroon ng isang rekoleksiyon. Isa-isang nagbahagi at nagpahayag ng kani-kanilang testimonya tungkol sa pagbabalik-Islam.

 

Ibinahagi ko sa kanila ang mga nangyari sa akin at sa aking pamilya. Ang pagkaka-ospital ni Mama at ang pagtulong ng aking mga ka-opisina. At ang aking karanasan sa loob ng tatlong araw sa bilangguan.

 

“I embraced Islam tulad ng pagyakap ko sa aking pamilya…” pagtatapos ko sa aking pagkukuwento.

 

Pagkatapos ng pagtitipon ay inihatid ako ni Salman pauwi. Paulit-ulit pa rin naming binibigkas ang Ashadu.

 

Nasa loob na kami ng kuwarto nang magtanong siya, “What would be your Muslim name?”

 

Lumapit ako sa kanya. Niyakap. At ibinulong ang kanyang pangalan.

 

 

Jack A. Alvarez